Linggo, Hunyo 15, 2008

VIII - Mekanisadong Latigo ng Sahurang Pang-aalipin

Tsapter VIII

MEKANISADONG LATIGO NG SAHURANG PANG-AALIPIN

Tubo ang Motibo sa Mekanisasyon ng Produksyon

Gaya ng kailangan ng tao ng baga para huminga, kailangan ng modernong lipunan ng makina para umandar. Ang usapin ay kung paano ito ginagamit para umalwan ang buhay ng sangkatauhan. O ito’y simpleng mekanismo para lalong pigain at sakalin ng kapital ang paggawa sa paglikha ng tubo.

Kung ang daan papuntang impyerno ay aspaltado ng magagandang intensyon, ang motibo ng mga kapitalista ay nakaimpake naman sa kuno’y dakilang mga serbisyo sa lipunan ng kanilang mga produkto.

Kung wala raw ang mga medisinang kanilang minamanupaktura, maaagnas sa sakit ang lipunan. Ang totoo, kung walang makakatas na tubo sa bawat tableta, hindi ito paglalagakan ng kapital – sukdulang langawin ang lipunan sa epidemya. Ang nagpapapait sa mga pildoras ay hindi lang ang natural na komposisyon nito kundi ang sangkap na tubo sa kanilang presyo.

Para sa kapitalista, walang diperensya kung sa ospital o punenarya ilalagak ang kanyang kapital. Ang mapagpasya ay kung nasaan ang kwarta, ang tubo.

Ginagawa nila ang mga produktong ito para pagtubuan. Kung hindi sila tutubo, isasara nila, hindi lang ang pagawaan kundi pati ang kanilang konsyensya sa mga mawawalan ng hanapbuhay.

Tubo ang pangunahing motibo sa imbensyon at aplikasyon ng makina sa modernong produksyon. sa kamay ng manggagawa, ang makinarya ay makapangyarihang instrumento ng produksyon. sa kamay ng kapitalista, hindi ito ang ultimong kabuluhan. Ito ang pinakamabisang instrumento sa pagsasamantala.

Ang Tao Bilang Ekstensyon ng Makina

Nang sumibol ang kapitalismo sa anyo ng simpleng ko-operasyon at manwal na manupaktura, ang tinuntungan ng transpormasyon ng paraan ng produksyon ng lipunan ay ang lakas-paggawa. Inipon sa isang bubong ang mga sahurang manggagawa na ang gamit na mga instrumento ay kung ano ang matatagpuan sa lumang pyudal na sistema.

Nang pumasok ang kapitalismo sa malakihang industriya, ang ginamit nang tuntungan ay ang instrumento sa produksyon sa anyo ng modernong makinarya. Ang tao bilang pwersa sa produksyon ang iniangkop sa instrumento sa produksyon – sa modernong makina..

Imbes na ang instrumento ay ekstensyon ng tao sa kanyang produktibong paggawa, ang tao ang ginawang ekstensyon ng makina sa modernong industriya. Hindi na ang tao ang nagdidikta ng galaw ng kanyang instrumento kundi ang instrumento ang nagdidikta sa igagalaw ng tao.

Sapagkat ito’y kapital, ang awtomatikong mekanismong ito ay nagtataglay, sa katauhan ng kapitalista, ng sariling utak at kagustuhan, isang kapangyarihang kumukontrol sa lakas-paggawa, sa buhay na paggawa ng tao.

Mula nang mangyaring ang tao, imbes na ginagawa ang kanyang produkto sa tulong ng kanyang ordinaryong de-manong kasangkapan, ay naging simpleng motibong pwersang nagpapagalaw sa mekanisadong instrumento – insidental na lang kung ang manggagawa ay nakadamit-tao. Pwede na siyang palitan sa papel na ito ng iba pang natural na pwersa ng Kalikasan.

Sa modernong industriya, ang manggagawang may hawak ng simpleng kasangkapan (tool) ay pinapalitan ng makina. Ang makina ang siya nang nagpapaandar sa modipikadong bersyon ng mga dating simpleng kasangkapan. Ginawa itong parte at pyesa ng mekanismo ng makina, at pinagagalaw ng isang panlabas na pwersa. Hindi na importante kung ang motibong pwersang ito ay galing sa katawan ng tao o enerhiyang galing sa kalikasan.

Ang makina ay isang mekanismo na kapag pinaandar ay gumaganap sa parehas na mga operasyon na dating ginagampanan ng maraming manggagawa na hawak ang dating orihinal na anyo ng simpleng tools na ngayo’y ipinaloob sa mekanismo ng makina.

Halimbawa, ang orihinal na barena, bareta, asarol, martilyo, karayom, atbp., ay ginawan ng modipikasyon at ipinaloob sa mekanismo ng makinarya. Nang magawa ito, ang makina ang gumaganap sa dating operasyon ng mga manggagawa noong panahong direktang hawak pa nila ang orihinal at lumang bersyon ng mga instrumentong ito.

Halos lahat ng instrumento ng tao na pwedeng gawing mekanikal ay ginawan ng katumbas na makina. sa pamamagitan nito, ang dating trabaho ng daan-daan o libu-libong manggagawa ay ginampanan ng makina sa mas matinding kantidad o mas konsistent na kalidad. sa ganitong paraan gumampan ng rebolusyon sa sistema ng produksyon ang makinarya.

Pagsilang ng Modernong Pabrika at Industriya

Mula nang ang simpleng mga kasangkapan ay natransporma mula sa de-manong mga instrumento at naging bahagi ng isang mekanikal na aparato, pati ang pwersang magpapagalaw rito ay dumaan rin sa malakihang transpormasyon.

Kumawala ito sa natural na mga limitasyon ng pisikal na lakas ng tao. Mismo ang indibidwal na makina ay naging simpleng elemento na lang sa mekanisadong produksyon. Ang isang motibong mekanismo ay nakasapat para sabay-sabay na pagalawin ang kombinasyon ng marami’t magkakaibang makina.

Sa ganitong sitwasyon, isinilang ang modernong pabrika at industriya.

Ang rebolusyong ito sa paraan ng produksyon ay nangailangan ng rebolusyon sa pangkalahatang kondisyon ng proseso ng produksyon ng lipunan hanggang sa pati ang mga paraan ng komunikasyon at transportasyon ay saklawin nito. Ang malakihang produksyon na dati’y nasa mga industriya lang ng produkto ng malawakang konsumpsyon ay sinakop na rin ang mismong produksyon ng makinarya.

Nagkaroon ng mga industriyang lumilikha ng makina sa pamamagitan ng makinarya. Habang hindi pa naitayo ng kapitalismo ang industriyang ito ng malakihang produksyon ng makinarya, wala itong teknikal na pundasyon para makatayo sa sariling paa.

Ang mekanisadong pabrika, sa pangkalahatan, ay umaandar sa paraan ng sosyalisadong paggawa. Ang pagkakadugtong-dugtong ng buong proseso ng paggawa ay isang teknikal na nesesidad na idinidikta ng mismong kalikasan ng makina bilang instrumento ng produksyon.

Hindi lang sa loob ng pabrika kundi sa kabuuan ng lipunan, ang buong proseso ng produksyon ay inobliga ng mekanisasyon na maging sosyalisado ang paggawa. Bahagi ang bawat paggawa ng isang buong serye ng tuluy-tuloy na proseso na dugtong-dugtong ang katangian.

Nalubos ang sosyalisadong katangian ng produksyon ng mga kalakal. Walang sinumang indibidwal ang pwedeng umangkin sa kreditong siya ang may gawa ng isang produkto dahil hindi lang ito nagdaan sa kamay ng isang manggagawa. Kolektibong produkto ito ng mga manggagawa sa isang pabrika; hindi lang ng mga manggagawa sa isang pabrika kundi ng iba’t ibang manggagawa sa iba’t ibang panig ng bansa; hindi lang ng mga manggagawa sa isang bansa, kundi may kontribusyon rin sa mga sangkap nito ang mga manggagawa sa iba’t ibang panig ng daigdig..

Walang sinumang indibidwal ang pwedeng umangkin na siya lang ang may gawa ng isang modernong kalakal. Pero may isang indibidwal na umaangkin na siya ang may-ari nito – ang kapitalistang nagmamay-ari ng kapital na ginamit sa paggawa ng ganitong kalakal. Ito ang kapitalismo: Sosyalisado ang produksyon. Ang pagmamay-ari ay pribado.

Wala Pang Naimbentong Makinang Gumagawa ng Tubo

Dahil sa walang-kaparis na epekto ng makinarya sa produksyon, pinalalabas ng mga tagapagtanggol ng kapitalismo na ang pambihirang paglago ng kapital sa panahon ng modernong industriya ay gawa ng mga makinang ito at ang kontribusyon ng manggagawa sa produksyon ng tubo ay isang maliit na bahagi lang nito. Ang hindi makapasok sa kukote ng mga taong ito ay ang gamundong diperensya sa pagitan ng papel ng makina sa paggawa ng produkto at papel nito sa paggawa ng halaga.

Ang makina, kaparis ng ordinaryong instrumento sa produksyon, gaano man ito kamoderno, ay walang papel sa mismong produksyon ng halaga o ng sobrang-halaga na tinatawag nating tubo bagamat ito ay may napakalaking papel sa mismong produksyon ng produkto.

Ang makinarya, kaparis ng hilaw na materyales o iba pang sangkap ng tinatawag nating constant capital, ay hindi lumilikha ng bagong halaga. Simpleng “isinusuko” nito ang kanyang sariling halaga sa yaring-produkto na ang makina ay naging kasangkapan sa paggawa. Sapagkat ang makina ay may halaga, at dahil ginamit ito sa produksyon, lumilipat ang halagang ito sa bagong produkto at nagiging bahagi ng halaga ng yaring-produkto.

Ang makina, bagamat ginagamit ng buo sa proseso ng paggawa, ay pira-piraso lang na pumapasok sa halaga ng kalakal sa anyo ng depresasyon. Hindi ito nagpapasok ng halaga sa produkto nang lampas sa nawawala rito sa anyo ng depresasyon. Kung dinadaya ng kapitalista ang presyo ng produkto sa pandaraya ng halaga ng depresasyong ito ng makina, ang nakukupit niyang tubo ay maliwanag na hindi galing sa makina kundi sa kanyang pagkaswitik.

Gaano man katalino ang tao, hindi pa nito naiimbento ang makinang gumagawa ng tubo. Pero dahil sa talinong ito, nagagamit ng katusuhan ng kapitalista ang makina para palakihin ng manggagawa ang paglikha ng tubo. Kung sa paglikha ng tubo ay may malaking papel ang kaswapangan ng kapitalista, aaminin natin, na may malaking kontribusyon dito ang makina. sa pamamagitan ng instrumentong ito ay lalong naging swapang ang mga kapitalista.

Pagtaas ng Produktibidad ng Paggawa sa Pamamagitan ng Makinarya

Kapag ang halagang matitipid sa paggamit ng makina ay katumbas ng halaga ng makinang ito, maliwanag na kapag gumamit ng makina ang kapitalista ang tanging naganap ay pinalitan niya ng makina ang paggawa. Kung ang halaga ay paggawa, ibig sabihin, paggawa ang tinitipid ng kapitalista sa aplikasyon ng makina.

Kung sa kwenta ng kapitalista sa paggamit ng makina ay mas maliit na halaga ang papasok mula sa instrumentong ito sa magiging kabuuang halaga ng kanyang produkto kumpara sa halagang papasok mula sa lumang instrumento – ibig sabihin, mapamumura niya ang kanyang kalakal – nakatipid sa gastos sa paggawa sa paggamit ng makina.

Ang produktibidad ng makina, samakatwid, ay sinusukat sa kantidad ng paggawa ng tao na pinapalitan nito.* Hindi ba’t ito ang laging katwiran ng kapitalista sa paggamit ng makina – sa ultimong kwenta, siya’y mas makakatipid. Gumagastos nang ubod nang laki sa halaga ng mamahaling makinarya para sa dulo ay mas makatipid sa produksyon! Ano ang tinitipid? Ito’y walang iba kundi ang paggawa.

Ang paggamit ng makina para sa natatanging layuning pamurahin ang produkto ay simpleng nakabatay sa rekisitong mas kaunting paggawa (halaga) ang kinailangan para gawin ito kumpara sa matatanggal na paggawa sa aplikasyon ng makinaryang ito.

Halimbawa, ang halaga ng isang makina ay katumbas ng isang taong sweldo ng 150 na manggagawang papalitan nito na nagkakahalaga ng P10 M. Ang P10 M na ito ay hindi ekspresyon ng paggawa ng 150 na manggagawa at idinadagdag sa halaga ng produkto bago ang introduksyon ng makina kundi ekspresyon lang ng bahagi ng isang taong paggawa na para sa kanilang sarili at kinakatawan ng halaga ng kanilang sahod. Wala pa dito, sa madaling salita, ang sobrang paggawa.

Samantalang ang P10 M na halaga ng makina ay ekspresyon ng lahat ng paggawang nakapaloob dito anuman ang proporsyon ng sahod ng manggagawa at tubo ng kapitalista. Samakatwid, kahit magkasing-halaga ang makina at ang paggawang papalitan nito, ang nakaimbak na paggawa sa loob ng makina ay mas maliit ang kantidad kumpara sa buhay na paggawang papalitan nito.

Maliwanag na ang intensyon sa paggamit ng makina ay mapataas ang produksyon at mapamura ang produkto upang mapahaba ang sobrang-paggawa at mapalaki ang sobrang-halaga na siyang behikulo ng paglago ng kapital sa anyo ng tubo.

Sa paghaba ng sobrang-paggawa at paglago ng sobrang-halaga, iiksi ang porsyon para sa kailangang paggawa sa reproduksyon ng halaga ng lakas-paggawa at ang epekto ng makinarya ay ang pagmura ng lakas-paggawa.

Kung mas kaunti ang mga manggagawang kailangan para sa produksyon ng parehas na kantidad ng produkto sa parehas na oras-paggawa, ibig sabihin, natipid ang halaga ng paggawa.

Makinarya Bilang Instrumento ng Pagsasamantala

Kung mas humaba ang porsyon ng araw ng paggawa para sa produksyon ng sobrang halaga bunga ng makinarya, at umiksi ang porsyon para sa reproduksyon ng halaga ng sweldo, ibig sabihin, bumagsak ang halaga ng lakas-paggawa.

Hindi lang sa ganitong paraan pinamumura ng makinarya ang halaga ng lakas-paggawa. Dahil pinagaan ng makinarya ang paggawa – ginawang mas simple’t mekanikal kumpara sa dati – binuksan nito ang malawakang paggamit sa paggawa ng kababaihan at kabataan.

Kung babalikan ang kasaysayan ng pag-unlad ng modernong industriya, lahat ng bansang nanguna sa industriyalisasyong ito ay pinundar sa walang kasinglupit na pagsasamantala sa lakas-paggawa ng kabataaan at kababaihan. Dahil hinigop ng makinarya ang bawat myembro ng pamilya sa sinasabing “labor market”, ikinalat ang halaga ng lakas-paggawa ng kalalakihan sa kanyang buong pamilya.

Para bilhin ang lakas-paggawa ng isang pamilya, halimbawa, ng apat katao ay totoong mas malaking halaga kaysa ang bilhin lang ay ang lakas-paggawa ng padre de pamilya. Pero ang dating isang araw na paggawa ng padre-de-pamilya ay dinagdagan na ng araw ng paggawa ng iba pang myembro ng pamilya. Para mabuhay ang isang pamilya ng manggagawa, hindi na sapat na isang myembro lang ang nagtatrabaho. Kung mag-asawa ang kailangang magtrabaho para mabuhay ang pamilyang manggagawa, ibig sabihin, bumagsak nang kalahati ang halaga ng lakas-paggawa.

Kung para matugunan ang pangangailangan sa isang araw ay obligadong magtrabaho ang dalawang myembro ng pamilya, ibig sabihin, hindi isang araw ang ipinagbibili kundi dalawang araw na lakas-paggawa (16 na oras) para sa halagang dapat ay siyang presyo ng isang araw na lakas-paggawa. Ito’y sapagkat ang halaga ng isang araw na lakas-paggawa ay dapat sapat na makabuhay ng isang pamilya.

Samakatwid, ang makinarya, samantalang tumutulong para mapagaan ang paggawa ng tao para makalahok sa produksyon ang kababaihan at kabataan ay kasabay na itinataas ang antas ng pagsasamantala sa paggawang ito ng buhay na tao.

Pagpapaigting ng Pagsasamantala sa Pamamagitan ng Makinarya

Ang pisikal na deteryorasyon ng makina ay dalawang klase. Isa’y dahil sa madalas na paggamit at ang kabila’y ang madalang na paggamit. Pero bukod sa pisikal na deteryorasyon, dumaranas rin ito ng debalwasyon dahil sa pagkakaimbento ng parehas na makina pero mas mura ang produksyon o kaya’y may mga bagong makinang mas mahusay. sa parehas na kaso, ang halaga ng unang makina ay hindi na batay sa aktwal na paggawang nilalaman nito kundi batay na sa inabot na istandard ng lipunan sa produksyon na itatakda ng mga bagong makinarya.

Ibig sabihin, ang papaloob na halaga sa produkto ng makinaryang ito ay hindi ang indibidwal na halaga ng aktwal na makinang ginamit kundi ang sosyal na halaga ng mas modernong makinarya. Kapag ang isang makinarya ay sinimulang gamitin sa isang partikular na industriya, kabuntot nito ang pag-iimbento ng mga pamamaraan para mapamura ang reproduksyon nito at mga modipikasyon hindi lang sa mga pyesa nito kundi sa buong konstruksyon.

Sa maagang parte ng buhay ng isang makina, nariyan na agad ang presyur sa kapitalista na mabawi ang halaga nito bago abutan ng mga bagong imbensyon. Ang presyur na ito ay idadagan naman ng kapitalista sa balikat ng paggawa na patindihin ang produksyon sa samu’t saring anyo kasama na ang pagpapahaba sa mismong araw ng paggawa. Walang dapat maaksayang minuto sa 24 oras ng bawat araw dahil kapag pinagpahinga mo ang makina nang hindi naman obligado, pinatutulog mo ang isang bagay na multimilyon ang halaga.

Sa paggamit ng makinarya, lubusang pinahahaba nito ang sobrang paggawa habang pinaiiksi ang kailangang paggawa sa pamamagitan ng pagtataas ng produktibidad. Ang ganitong resulta ay nakakamit lang sa pamamagitan ng pagbabawas ng bilang ng mga manggagawa na ginagamit ng isang depinidong halaga ng kapital. Ito’y sapagkat nang lumipat ang kapitalista sa mekanisadong paggawa o mas modernong makina, trinansporma nito ang isang bahagi ng kapital na dati’y nakalaan sa sweldo – inilipat mula sa buhay na paggawa patungo sa makinarya. Pero ang ganitong paglilipat ay nangangahulugang ang “variable capital” ay ginagawang “constant capital” na hindi naman lumilikha ng sobrang-halaga o tubo.

Papel ng Makina sa Pag-igting Kontradiksyon ng Kapitalistang Produksyon

Ang layunin ng kapital sa mekanisasyon ng paggawa ay palakihin ang tubo pero itinatransporma nito ang papalaking bahagi ng variable capital sa anyo ng constant capital na hindi naman siyang pinanggagalingan ng kapitalistang tubo.

Halimbawa, kung ang 16 na manggagawa ay niredyus sa 2 dahil sa introduksyon ng makina, hindi naman pwedeng pumiga ng sindaming sobrang paggawa mula sa 2 na katumbas ng napipiga sa 16. Kung ang bawat isa sa 16 ay nagbibigay ng 1 oras na sobrang-paggawa sa walong oras na paggawa, ibig sabihin, ang kabuuang kantidad ng sobrang-paggawa ay 16. Ang problema, ang kabuuang oras-paggawa ng 2 mangggagawa ay 16 na oras. Kaya’t imposibleng matumbasan nila ang sobrang halagang nalilikha ng 16 na manggagawa sapagkat ang ibig sabihin nito ay wala na silang sahod.

Ito ang isang napakalaking kontradiksyong bumubuhol sa kapitalismo at binubuno ng bawat kapitalista. Isang likas na kontradiksyong taglay ng aplikasyon ng makinarya sa produksyon ng sobrang-halaga. sa mekanisadong produksyon, hindi uubrang mapalaki ang tantos ng sobrang-halaga mula sa isang depinidong laki ng kapital nang hindi binabawasan ang bilang ng mga manggagawa. Ang likas na kontradiksyong ito ay nagiging hayag kapag ang makinarya ay lumaganap na sa isang partikular na industriya sapagkat ang halaga ng kalakal na gawa sa makina ang magiging panlipunang istandard ng halaga ng ganitong produkto sa ganitong linya ng industriya.

Kapag umandar ang kompetisyon sa loob ng industriyang ito, magpapahusayan ng makina ang bawat kapitalista. Kapag nasagad ang pagpapahaba ng oras ng sobrang-paggawa sa loob ng depinidong araw ng paggawa, ang tanging alternatiba ng kapital ay ang ekstensyon ng araw ng paggawa. Kaya’t usung-uso sa mga mekanisadong mga industriyang matindi ang kompetisyon ang pwersahang overtime para mapahaba ang araw ng paggawa at mapiga ang absolutong porma ng sobrang halaga.

Ito ang kakatwang resulta ng makina bilang instrumento sa produksyon na pinakamabisang nakapagpapaiksi sa oras ng paggawa at sukdulang nagpapaunlad sa produksyon ng lipunan. sa kabilang banda, ito ang nagiging kasangkapan para ang panahon ng manggagawa at ng kanyang pamilya ay matransporma sa oras-paggawa para sa kapital. sa kabilang banda, hinahalinhan nito ang parami nang paraming manggagawa na hindi produktibong nagagamit ang lakas-paggawa sa kalagayang papataas ang produksyon ng lipunan.

Sa pamamagitan ng matitinding pakikibaka ng mga mangggagawa sa buong daigdig, naipagtagumpay ang pagtatakda ng hangganan sa araw ng paggawa at ang pagpapaiksi nito batay sa normal na pisikal na kakayahan ng mga manggagawa.

Nang maitakda ang normal na haba ng araw ng paggawa, inimbento naman nang inimbento ang mga makina na ang disenyo ay pigain ang mas malaking kantidad ng paggawa sa isang takdang panahon. Ginawa ito sa dalawang paraan. Pinabilis ang mga makina at pinarami ang mga makinang pinaaandar o inaasikaso ng isang manggagawa. Walang duda na nagagampanan ng modernong mga makina ang operasyon na katumbas ang lakas ng milyon-milyong manggagawa. Pero kasabay nito ay inobliga rin ang manggagawa na sumabay sa bilis ng makina.

Noong hindi pa mekanisado ang paggawa, ang tao ang gumagamit sa kanyang instrumento. Sa loob ng modernong pabrika, ang makina ang gumagamit sa manggagawa. sa loob ng pabrika, ang makina, isang bagay na walang buhay, ang kumukumpas sa galaw ng buhay na paggawa ng tao. Mula nang lumitaw ang modernong makinarya hanggang sa kasalukuyang panahon ng globalisadong ekonomya, laging karibal ng makina ang mga manggagawang anumang oras ay pwedeng patalsikin dahil sa aplikasyon nito. At sa matitirang nagtatrabaho, ang makina ang modernong katumbas ng latigo ng sinaunang mga panginoon. Humahagupit sa modernong manggagawa na sabayan ang kanyang bilis ng kanyang galaw para pataasin ang produksyon at palaguin ang kapital. At paglabas naman niya ng pabrika, nakabungad sa manggagawa ang isa pang kapangyarihan, isa pang panginoon – ang salapi at ang mga kalakal na kinakatawan nito. mga bagay na kung hindi mapapasakamay ng manggagawa ay hindi siya mabubuhay. Gayong ang mga kamay ng uring manggagawa ang lumilikha ng halaga ng mga bagay na ito at ang kanyang bisig ang pumapasan sa kabuhayan ng lipunan.

Walang komento: