Linggo, Hunyo 15, 2008

IX - Anong Klaseng Lipunan Mayroon Tayo?

Tsapter IX

ANONG KLASENG LIPUNAN

MAYROON TAYO?

Ang nasa itaas ay hindi lang tanong kundi sumbat – kung bakit ganito ang lipunang ating ginagalawan. Ang mas dapat nating itanong ay mas nakapatungkol sa ating mga sarili bilang mga manggagawa: Hanggang kailan natin titiisin ang ganitong klaseng lipunan?

Umaandar ang sistemang ito dahil sa kapital. Pero ang mas malalim na katotohanan ay hindi aandar ang kapital na ito kung wala ang paggawa. Umaandar ang sistemang ito para sa produksyon ng kalakal na kailangan ng tao. Pero ang mas malalim na katotohanan ay ginagawa ang mga kalakal na ito para tumubo ang kapital. Ang mga kalakal na ito ang kinakatawan ng salapi na umiikot sa lipunan. Pero ang nilalamang halaga ng mga kalakal na ito ay walang iba kundi ang ating paggawa. Ang paggawa ang lumilikha ng yaman sa ganitong lipunan, yaman na kinakatawan ng salapi at kalakal. Pero ang masakit na katotohanan ay ang paggawa ang inaalipin ng salapi at pinagdadamutan ng mga kalakal na siya ang may gawa. Ang paggawa ang lumilikha ng halaga sa ganitong lipunan. Pero ang mismong paggawang ito ay walang halaga sa ganitong sistema. Ang nilalagyan ng halaga ng lipunang ito ay ang lakas-paggawa na ginawa namang ordinaryo at baratilyong kalakal. Ang halaga ng ating lakas-paggawa ay ang ating ikinabubuhay. Pero ang halaga ng ating kalakal ay sapat lang para makabalik tayo sa pagawaan nang may sapat na lakas para muling magpaalipin sa kapital. Sapat lang para sa reproduksyon ng ating lahi. Upang kapag naupos ang kasalukuyang henerasyon ay hindi mauubusan nang hihititing paggawa ang mga may-ari ng kapital. Ang kapital ay paggawa, ang makina ay paggawa, ang hilaw na materyales ay paggawa, ang tubo ay paggawa, ang kalakal ay paggawa, ang salapi ay paggawa, ang likhang-yaman ay paggawa pero bakit tayong mga mangggagawa ang api-apihan sa ganitong lipunan, mga sahurang-alipin ng kapitalistang mga may-ari ng ating ikinabubuhay?

Napakagaan ang sabihing mali ang ganitong kaayusan, hindi makatwiran. Kasumpa-sumpa at pawang kahibangan, pawang kabaliktaran ang ganitong klaseng sistema at dapat lang wakasan!

Ang lahat ng likhang-yaman ng tao sa buong mundo ay galing sa masang anakpawis. Galing sa walang patid na mga henerasyon ng mga manggagawa sa lipunan sa libu-libong taon ng kasaysayan ng tao. Galing ito sa komunal na paggawa ng sinaunang mga ninuno ng sangkatauhan. Galing ito sa dugo’t pawis ng unang mga aliping binihag at ginawang pribadong pag-aari ng mga panginoon ng antigong lipunan. Galing ito sa dugo’t pawis ng mga magsasakang nagbungkal at nagpayaman sa lupaing pinagsingkawan sa kanila ng mga panginoong maylupa. Higit sa lahat, galing ito sa modernong manggagawa at magbubukid ng modernong panahon na ang lakas-paggawa ay ginawang kalakal ng kapital. Ginawang mga sahurang-alipin ng kapitalistang industriya, agrikultura at komersyo. Kung iipunin lang ang lahat ng kayamanang ito na likha ng tao na malaking bulto ay nasa kamay ng maliit na minorya sa lipunan at gagamitin hindi para lumikha ng personal na tubo para sa mga naghahari sa lipunan kundi para sa pag-unlad at kaginhawaan ng tao, hindi magiging ganito ang mukha ng daigdig na tadtad ng paghihikahos, sigalot, karahasan at pang-aalipin.

Ang ugat ng problema ng uring manggagawa at ng sangkatauhan ay hindi ang kawalan ng sapat na likas at likhang yaman sa mundo para guminhawa ang bawat bansa at bawat tao. Ang ugat ng problema ay inaangking pribadong pag-aari ng minorya ang likas na yaman ng mundo at likhang yaman ng paggawa. Ginagawang kapital para ibayong palaguin para sa personal na benepisyo ng minorya habang pinapartehan lang ang mayorya ng sapat para sila’y manatiling sahurang-paggawa at sahurang-alipin ng kapital. Ang ugat ng problema ay ang pribadong pag-aari ng minorya sa mga kasangkapan sa produksyon. Ang pinagmumulan ng ikabubuhay ng mayorya ay pribadong pag-aari ng iilan, at ito ang dahilan kung bakit obligadong ipagbili ang lakas-paggawa dahil wala silang ikabubuhay kundi ang magpaalipin at magpaalila sa mga uring mapagsamantala. Ang ugat ng problema ay ang kapangyarihan ng kapital sa lipunan na ang motibo ay tubo at ibayong pagtubo ng kapital. Hindi ang kabutihan at kapakanan ng taumbayan. Ang ugat ng problema ay ang pagkakahati ng tao sa uring nagmamay-ari ng ikabubuhay ng nakararami at uring walang anumang pag-aari kundi ang kanilang lakas at talino sa produktibong paggawa.

Sino ang maghahangad na baguhin ang ganitong lipunan? Hindi ang mga kapitalista at ang kanilang mga galamay. Masaya sila sa ganitong kaayusan. Hindi ang mga uring nangangarap na parisan ang mga may-ari ng kapital. Walang ibang magpapalaya sa uring manggagawa kundi ang mga manggagawa mismo. Ang uring manggagawa sa bawat bansa. Ang uring manggagawa sa buong daigdig.

Para mapalaya ng manggagawa ang kanyang uri sa mapang-aliping kapangyarihan ng kapital, kailangang mapalaya niya muna ang kanyang sarili sa mapang-aliping mga kaisipang iminulat at itinuro sa kanya ng ganitong lipunan. Mga lasong ibinubuga at isinalaksak sa utak ng manggagawa ng mga institusyon at instrumento ng sistemang ito. Mula sa pagkabata hanggang sa pagtanda. Mula paggising hanggang sa pagtulog. Sa loob ng pagawaan hanggang sa bawat sulok ng lipunan. mga kaisipang nagtuturo sa kanyang tanggapin at tiisin ang ganitong kaayusan. mga kaisipang nagtuturo sa kanya na ganito talaga ang lipunan o kapalaran. May mahirap at may mayaman. May sahuran at may kapital, at hindi na magbabago ang ganitong kalagayan. Ito’y natural, eternal, walang pinagsimulan at walang katapusan. na ang pag-asa ay wala sa paglaya ng uring manggagawa kundi nasa pag-asenso ng bawat indibidwal. Kanya-kanyang interes, kanya-kanyang katawan.

Kailangang magising ang manggagawa sa lipunang kanyang ginagalawan. Madama na siya ay may uring kinabibilangan. Bawat manggagawa ay kapatid niya sa uri. Isa-isantabi ang mga pagkakahati-hati. Bigkisan ang sarili ng iisang kapakanan. At matutong tumindig bilang isang uri. Mulat sa sariling interes. Organisado ang sariling lakas. May kumpyansa sa tagumpay. Ito ang kilusan ng uring manggagawa na tungkulin at obligasyon ng bawat anakpawis na mulat sa pagiging uring manggagawa na lahukan, isulong, mahalin, at ipagtagumpay.

Kailangang magkaisa ang manggagawang Pilipino. Magkaisa sa bandila ng dakilang panawagang: “Manggagawa ng buong daigdig, magkaisa! Walang mawawala sa atin kundi ang kadena ng sahurang-pang-aalipin. Mayroon tayong daigdig na ipagwawagi!”

Walang komento: