Linggo, Hunyo 15, 2008

VI - Paano Naging Kalakal ang Paggawa?

Tsapter VI

PAANO NAGING KALAKAL ANG PAGGAWA?

Panahong Walang Sahurang-Paggawa sa Lipunan

Lahat ng bagay ay may kasaysayan, mismo ang ligaw na kabute na tumutubo sa dayami matapos ang magdamag na ulan at kidlat. Laluna ang uring manggagawa ng modernong panahon. Ang sahurang-paggawa ay hindi basta umusbong na lang sa lipunan nang walang istorikal na mga kondisyong nagtakda ng ganitong sistema ng produksyon o relasyong panlipunan ng tao.

Sa mahabang panahon, daan-daang libong taon, walang matatagpuan sa lipunan na seksyon ng populasyon o uri ng mga tao na ang tanging ikinabubuhay ay ang pagbebenta ng lakas-paggawa na kaparis ng kasalukuyang pamumuhay ng mga manggagawa sa modernong lipunan.

Mula nang lumitaw ang tao sa balat ng lupa, ang lipunan ay nabuhay at umunlad sa pamamagitan ng paggawa. Pero ang ibenta niya ang “paggawang” ito ay naganap lang sa ispisipikong panahon ng pag-unlad ng isang partikular sa sistema ng produksyon – ang tinatawag nating “kapitalismo”.

Bago lumitaw ang sahurang-paggawa, ang paggawa ng tao ay nagdaan sa mga anyo ng komunal na paggawa, aliping paggawa at pyudal na paggawa. Ang kapitalistang sahurang-paggawa ay humigit-kumulang ay nasa 500 taon pa lang mula nang unang lumitaw ito sa Europa. Habang ang tao sa mundo, bago nito, ay ilang milyon taong nabuhay sa ibang mga anyo ng paggawa.

Sa kasaysayan ng bawat bansa, kabilang ang Pilipinas, may mahabang panahong halos walang uri ng mga taong maituturing na mga manggagawang ang tanging ikinabubuhay ay ang pagbebenta ng lakas-paggawa.

Mayroong swelduhang mga empleyado ng estado, sundalo, alila, katiwala pero walang sahurang mga manggagawa na gaya ng kasalukuyang panahon. Mayroong mga mananahi, tagahabi, sapatero, panday, karpintero, atbp. Pero sa simula ay hindi sila mga sahuran. Mayroon silang sariling mga kagamitan sa produksyon (instrumento at materyales). Hindi sila nabubuhay sa tanging paraan ng pagbebenta ng lakas-paggawa. Mismo ang mga “apprentice” ng mga artisano ay nagtatrabaho hindi lang para sa bayad sa kanilang paggawa kundi mas para magsanay, upang sa bandang huli, ay magsarili sa pagiging bihasang artisano.

Paglitaw ng Sahurang-Paggawa

Hindi ba pwedeng sabihing natural lang na wala pang mga manggagawa noong panahon ng mga barbaro, noong panahon ng mga klasikong asendero o mga hari sa kastilyo dahil wala pang mga pabrika at mga makina noong panahong iyon?

Ibig sabihin, ang paglitaw ng mga pabrika o modernong industriya ang kondisyon sa paglitaw ng mga manggagawang nabubuhay sa pamamagitan ng sahurang-paggawa. sa ganitong paliwanag, lalabas na natural na epekto ng pagkakaroon modernong mga pabrika at industriya ang pagkakaroon ng sahurang-manggagawa.

Sa isang banda, ito’y totoo. Hindi pwedeng magkaroon ng mga taong nabubuhay sa pagbebenta ng lakas-paggawa kung wala ang mga pagawaan o anumang katumbas nito na gagamit ng kanilang lakas-paggawa. Ngunit sa kabilang banda, hindi ito kumpleto at eksaktong presentasyon, hindi lang ng kasaysayan kundi ng mismong kalikasan ng relasyon ng kapital at paggawa, at paglitaw ng lakas-paggawa bilang kalakal.

Ang kapitalismo ay hindi agad nagsimula sa anyo ng mekanisadong mga pagawaan o modernong mga industriya. Lumitaw ito sa anyo ng “simpleng kooperasyon”, umabante sa “manual na manupaktura” at umigpaw sa “mekanisadong industriya”.

Nakumpleto ang dominasyon ng kapitalistang sistema ng produksyon pagpasok nito sa yugto ng mekanisadong malakihang industriya. Pero bago pa nito, sa yugto pa lang ng “simpleng kooperasyon” ay naganap na ang transpormasyon ng salapi sa anyo ng kapital at kasabay nito ang transpormasyon ng lakas-paggawa sa anyo ng kalakal.

Ibig sabihin, hindi ang pagkakatayo ng mga pagawaan o pagkakaimbento ng mga makina ang batayan ng paglitaw ng sistema ng sahurang-paggawa at pagbebenta ng lakas-paggawa bilang isang kalakal. Ang mas esensyal na katotohanan ay hindi ang makina ang nagpalitaw sa sahurang-paggawa kundi ang paglitaw ng lakas-paggawa bilang kalakal ang kondisyong nagpalitaw sa mekanisadong kapitalistang produksyon.

Dalawang Mukha ng Iisang Bagol

Pero ang alamat sa likod ng modernong puhunan at paggawa ay hindi kaparis ng bugtong ng “manok at itlog”. Hindi ito simpleng usapin ng “alin ang nauna” kundi ito ay sabay na lumitaw sa entablado ng kasaysayan.

Ang isa ay kondisyon at kakambal sa pag-iral ng kabila, parehas na kondisyon sa transpormasyon ng bawat isa. Ito’y dalawang mukha ng iisang bagol – ng kapitalistang sistema ng produksyon.

Para umiral ang kapital, dalawang kondisyon ang kailangan. Nariyan ang salapi sa kamay ng sinumang aspiranteng maging kapitalista. Ang kwartang ito ang itatransporma bilang kapital. Pero hindi matatranspormang kapital ang kwartang ito kung walang mabibiling kalakal na lakas-paggawa. Ito ang magtatransporma sa kwarta para maging kapital. Ito ang magpapatubo sa kwarta para maging aktwal na kapital.

Kaya’t kung hahanapan natin ng koneksyong “itlog at manok” ang relasyon ng “kapital” at “paggawa”, sa ganitong pakahulugan, ang “paggawa” ang inahing manok na nagpaitlog sa kapital sa anyo ng tubo.

Bago pa lumitaw ang kapital at bago pa lumitaw ang lakas-paggawa bilang kalakal, umiiral na ang salapi sa lipunan. sa matagal na panahon, ang “salaping” ito, kahit gaano kakonsentrado sa kamay ng ilang indibidwal ay hindi nagiging kapital. Pero nang lumitaw ang mga taong ang tanging ikabubuhay ay ang pagbebenta ng lakas-paggawa, at nagtagpo ang salapi at ang lakas-paggawa bilang parehas na kalakal, lumitaw at isinilang ang kapital. Natransporma ang kwarta sa kapital.

Pero bago pa naimbento ng tao ang “salapi”, mas nauna at mas matagal nang umiiral ang “paggawa”. Ang paggawa ay kasing-tanda ng tao. Hindi mabubuhay ang tao sa mundo kung hindi sa kanyang paggawa. Bakit, kung gayon, sa loob ng ilang milyong taong kasaysayan ay hindi natransporma ang paggawa ng tao sa sahurang-paggawa? Bakit hindi natransporma ang lakas-paggawa bilang kalakal kasabay ng transpormasyon ng mga produkto ng paggawa sa pagiging mga kalakal sa lipunan?

Samakatwid, hindi rin ang simpleng pag-iral ng paggawa ng tao ang kondisyon sa paglitaw ng kapital. Ang kailangan ay matransporma ang paggawa sa kalakal at ang salapi sa kapital.

Bago pa lumitaw ang sistema ng kapitalistang produksyon ay matagal nang gumagawa ang mga tao ng mga kalakal. Bago pa ang kapitalismo, umiiral na ang salapi bilang unibersal na katumbas ng mga kalakal. sa madaling salita, kahit hindi pa kapitalista ang sistema ng produksyon, nagpapalitan na ang iba’t ibang prodyuser ng iba’t ibang produkto ng paggawa at gumagamit ng salapi para sa sirkulasyong ito ng mga kalakal sa buong lipunan.

Samakatwid, ang produksyon ng kalakal at paggamit ng salapi ay hindi ispesyal o natatangi sa pang-ekonomyang sistema ng kapitalismo. Pero ang kapitalismong ito ang ganap na nagpaunlad, una, sa produksyon ng kalakal para maging dominanteng porma ng produksyon sa lipunan. Ikalawa, ito ang ganap na nagpaunlad sa salapi bilang kapangyarihang nangingibabaw sa buong sistema ng panlipunang produksyon.

Ang transpormasyon ng produkto sa kalakal ay indikasyon ng isang antas ng pag-unlad ng dibisyon ng paggawa sa lipunan (social division of labor). Para maging kalakal, ang isang produkto ay dapat ginawa, hindi para sa personal na konsumo ng mismong prodyuser kundi para ipagpalit o ipagbili. Ibig sabihin, may dibisyon ng paggawa sa lipunan – may tagahabi, mananahi, sapatero, mangingisda, magsasaka, atbp.

Ang paglitaw ng salapi ay sukatan naman ng inabot ng lipunan na antas ng pag-unlad ng palitan ng mga kalakal. Ang iba’t ibang porma ng pag-iral ng salapi (hal., bilang simpleng katumbas ng mga kalakal, instrumento ng sirkulasyon, paraan ng pagbayad, inimpok na halaga, pandaigdigang pera) ay palatandaan ng magkakaibang antas ng pag-unlad ng panlipunang produksyon.

Kahit hindi pa gaanong maunlad ang produksyon at sirkulasyon ng mga kalakal, lumitaw na ang mga pormang ito ng salapi. Pero hindi lumilitaw ang salapi sa anyo ng modernong kapital.

Ang Kalakal na Lakas-Paggawa Bilang Kondisyon sa Paglitaw ng Kapitalismo

Ibang-iba ang kondisyon sa paglitaw ng kapital bilang isang porma ng pag-iral ng salapi. Di gaya ng ibang porma ng pag-iral ng salapi, ang istorikal na kondisyon para sa paglitaw ng kapital ay hindi lang dahil mayroon nang narating ang lipunan na isang antas ng pag-unlad sa produksyon at sirkulasyon ng mga kalakal.

Lumitaw lang ang kapital nang ang may-ari ng salapi o may-ari ng mga gamit sa produksyon ay makatatagpo ng “malayang manggagawa” sa “malayang pamilihan”, itinitinda ang kanyang lakas-paggawa bilang kalakal.

Ang kondisyong ito – ang natatanging kondisyong ito – ang nag-aanunsyo sa paglitaw ng isang bagong istorikal na yugto sa proseso ng panlipunang produksyon. Ito ay ang pagsilang ng kapitalistang sistema, ang paglitaw ng kapital, ang transpormasyon ng salapi sa anyo ng kapital.

Bago pa lumitaw ang salapi bilang kapital at ang paggawa bilang kalakal, umunlad na ang paraan ng produksyon sa loob ng sistemang pyudal sa anyo ng mga industriyang handicraft at paggawang artisano laluna sa kalunsuran. Bago ang sistema ng malakihang kapitalistang produksyon, ang mga ito ang nagsusuplay sa pamilihan ng mga damit, tela, sapatos, at iba pang mga kalakal.

Pero hindi maituturing na kapitalista ang kanilang sistema ng produksyon. Hindi ito nakabatay sa sahurang-paggawa kundi sa paggawa ng mismong may-ari ng mga instrumento katulong ang kanyang pamilya o mga apprentice na nagtatrabaho para magsanay sa ispesyalisadong paggawa ng artisano o craftsman.

Ang kanilang orihinal na mga instrumento ang pinagsimulan at pinaunlad ng unang mga kapitalistang istablisyemento. Bandang huli, ang nagsasariling paggawang ito ng maliliit na prodyuser ang nilamon, winasak at hinalinhan ng modernong kapitalistang produksyon.

Sa panahon rin ng pag-unlad ng mga industriyang handicraft at paggawang artisano, umiiral na rin ang konsentrasyon ng kayamanan sa anyo ng salapi at ari-arian sa kamay ng merchants o traders at mga myembro ng mga naghaharing uri sa lipunang pyudal.

Sa madaling salita, ang obhetibong mga sangkap para magsimula ang panimulang mga porma ng kapitalistang produksyon – ang mga instrumento sa produksyon at konsentrasyon ng salapi na pwedeng isalin sa kapital – ay umiiral na sa sinapupunan ng pyudal na lipunan.

Isang kalakal na lang ang kulang at aandar na ang gulong ng kapitalismo. Isang klase ng kalakal na may kakayahang gumawa ng produkto. Hindi lang produkto kundi halaga. Hindi lang basta halaga kundi lampas sa kanyang sariling halaga. Walang ibang kalakal sa daigdig na tumutugon sa ganitong ispesipikasyon, sa ganitong karakter (use-value) kundi ang lakas-paggawa.

Pero upang matagpuan ng may-ari ng salapi ang lakas-paggawa sa “malayang pamilihan” bilang kalakal, may istorikal na mga kondisyong kailangang matupad. Ang lakas-paggawa ay magiging kalakal lang kung ang may-ari nito, ang indibidwal na may lakas-paggawa, ay iniaalok at ipinagbibili ito bilang kalakal.

Upang ang may taglay ng lakas-paggawa ay pwede itong ipagbili bilang kalakal, kailangang ito’y kanya. Hindi ito pag-aari ng iba. Ibig sabihin, nasa kanya ang desisyon kung ibebenta ito. Siya ang “panginoon” ng kanyang sarili bilang isang “malayang” indibidwal.

Sa pagbebenta ng lakas-paggawa, dapat ay ipinagbibili lang ito sa limitadong panahon. Kapag ito’y ipinagbili nang minsanan o pakyawan ng walang takdang panahon – ang ibinebenta niya ay ang kanya mismong sarili. Ang kalalabasan sa ganitong bentahan, hindi na siya “malayang” indibidwal kundi nakasanglang alipin. Mula sa pagiging may-ari ng kalakal, siya mismo ang magiging kalakal. Kung tingi-tingi o arawan ang kanyang pagbebenta, kinabukasan, siya uli ang may-ari nito.

“Malayang Manggagawa” sa Ilalim ng Sistema ng Sahurang-Pang-aalipin

Bakit natin idinidiin ang pagiging “malayang” indibidwal ng may-ari ng lakas-paggawa?

Sa karanasan ng mga manggagawa sa kasalukuyang panahon, hindi usapin ang pagiging “malayang” ito ng paggawa. Kung gusto ng isang tao na magtrabaho bilang sahurang-manggagawa, walang pumipigil sa kanya. Nasa pagpapasya ng bawat indibidwal kung gusto niyang maging manggagawa.

Pero hindi ganito ang sitwasyon ng lipunan noong panahong sumisibol pa lang ang kapitalismo sa sinapupunan ng pyudal na kaayusan. Ang bulto ng paggawa noon ay nasa kanayunan. Nakatali sa lupain ng mga panginoong maylupa. sa klasikong pyudalismo, laluna sa Europa kung saan unang sumibol ang kapitalismo, bawal umalis sa lupang binubungkal ang magsasaka. Kapag siya’y umalis, siya’y magiging puganteng lagalag sa kalunsuran. Nagtatago sa mga awtoridad ng pyudal na kaayusan.

Ang pyudal na sistemang ito ay sagka sa “malayang” pag-unlad ng kapitalismo dahil ayaw nitong “palayain” ang pwersa ng paggawa ng lipunan para maging kalakal ng kapitalistang produksyon. Sa Europa, pinangunahan ng mismong “masalapi” ang paghihimagsik ng mga magsasaka laban sa pyudalismo. Pero ang kanilang ulteryor na motibo sa likod ng matatayog na mga islogang “Freedom”, “Equality”, “Justice”, “Brotherhood” at “Democracy” ay ang “kalayaan ng paggawa” – ang kalayaan nilang bilhin ito at ang kalayaan ng masa na ipagbili ito bilang kalakal.

Isang pundamental na rason rin kung bakit idinidiin natin ang pagiging “malaya” ng nagbebenta ng lakas-paggawa ay para idiin ang kaibhan nito sa “pwersahang paggawa”. Ngunit hindi para palabasing mas hindi mapang-alipin ang kapitalismo kumpara sa naunang mga sistema. Kabaliktaran ang katotohanan.

Ang Kahulugan ng “Malayang Paggawa”

Kahit “malaya” ang manggagawa na pumasok sa transaksyon sa kapitalista at “malaya” rin na lumabas – ang realidad ay sukdulan ang inaabot niyang kaapihan. Ito’y kahit walang elemento ng lantarang pamimilit o pamumwersa di gaya ng naunang mga sistemang kailangang gumamit ng ganitong mga pamamaraan para makapagsamantala.

Ibig sabihin, nasa loob mismo ng kaibuturan at kalikasan ng sistemang ito ng produksyon ang pagiging mapagsamantala. Hindi dahil may latigo at hagupit, may dahas at armas na nakaamba tulad ng naunang mga sistema ng lantarang pang-aalipin.

Ang pagiging barbaro ng kapitalismo ay natatakpan ng kanyang pormang sibilisado. Burdado ng mga “dekorasyon ng demokrasya”. Inasukalan ng “indibidwal na kalayaan”. Kunwa’y hindi mapang-alipin dahil ang paggawa’y “sahuran” hindi “pwersahan”. Pero ang “sahurang-paggawa” ay sahurang-pang-aalipin. Pang-aalipin sa pamamagitan ng sistemang-sahuran.

Nasa pagiging kalakal ng lakas-paggawa ang pagiging alipin ng uring manggagawa.

Ang esensyal na usapin ay bagamat nasa kanya ang “kalayaang” huwag ipagbili ang kanyang lakas-paggawa – nasa kanya ang pagpapasyang huwag magtrabaho para sa kapitalista – ang kahulugan ng “kalayaang” ito na tumangging gawing kalakal ang kanyang sarili ay kalayaang magpakamatay sa gutom. Kalayaang mula sa pagiging miserableng anakpawis ay gawin niya ang kanyang sariling pulubing hampaslupa.

Hawak man ng manggagawa ang kanyang mga “karapatan” bilang malayang indibidwal, hawak naman ng kapitalista ang mga kasangkapan ng kanyang ikabubuhay. Ito, kung tutuusin, ang tunay na kahulugan ng “malayang” manggagawa – ang baklasin siya sa mga instrumento sa produksyon. “Palayain” sa kamay ng mga direktang prodyuser ang mga instrumento ng kanyang ikabubuhay.

Ito ang ikalawang kondisyon para matagpuan ng may-ari ng salapi ang lakas-paggawang kanyang mabibili bilang kalakal. Ang may-ari ng lakas-paggawa, imbes na makapagbenta ng mga produkto na kanyang ginamitan ng sariling paggawa, ay kailangang maoobligang ibenta bilang kalakal ang mismong lakas-paggawa na matatagpuan lang sa kanyang buhay na katawan dahil wala siyang pag-aaring kagamitan sa produksyon.

Para ang isang tao ay makapagtinda ng mga kalakal bukod sa kanyang lakas-paggawa, kailangang mayroon siyang kagamitan sa paggawa gaya ng hilaw na materyales, instrumento sa paggawa, atbp. Kung wala siyang ganitong mga kagamitan sa paggawa, maoobligang ang kanyang ipagbili sa iba ay ang kanya mismong kakayahang gumawa.

Pagsukat sa Halaga ng Lakas-Paggawa

Kung siya mismo ang gagawa ng sariling produkto, madaling makakarkula ng may-ari ng lakas-paggawa kung magkano ang magiging halaga nito. Pero kung ang “kalakal” ng kanyang mismong katawan – ang kanyang lakas-paggawa – ang kanyang ibebenta, paano itatakda ang magiging halaga nito?

Paano nilalagyan ng presyo o halaga ng lipunan ang mismong kalakal na gumagawa ng “halaga” ng mga kalakal?

Kung ang lakas-paggawa ay isang kalakal, ibig sabihin, mayroon itong “halaga” kaparis ng ibang kalakal. At gaano man kaispesyal ang kalakal na ito, ang “halaga” nito ay sinusukat kaparis ng ordinaryong mga kalakal dahil ang sistema ng kapitalismo ay palitan ng mga kalakal na magkakatumbas ang halaga.

Ibig sabihin, kailangang iisa ang panukat ng halaga ng lahat ng kalakal para hindi magkagulo sa palitan. Paano, kung gayon, sinusukat ang “halaga” ng mga kalakal?

Kung ang “halaga” ay ang paggawa, ibig sabihin, ang “halaga” ng mga kalakal ay ang nilalaman nitong paggawa. Ang “halaga” ng isang kalakal ay ang paggawang nakonsumo sa produksyon nito. Paano sinusukat ang “paggawa”? Kung ang “halaga” ng isang kalakal ay ang nilalaman nitong “paggawa”, ibig sabihin, kailangang sukatin ang kantidad ng paggawang ginamit sa produksyon nito para madetermina ang halaga nito. Ang paraan ng pagsukat ng kantidad ng paggawa ay ang panahon ng paggamit nito na sinusukat naman sa anyo ng oras, araw, atbp.

Pero kung ang halaga ng isang kalakal ay masusukat sa kantidad ng paggawang nakonsumo, ibig bang sabihin, mas mataas ang halaga ng isang kalakal na ginawa nang hindi bihasa at makupad na manggagawa dahil mas mahabang oras ang mauubos para matapos ito? Kung kukuparan ang paggawa para mapamahal ang halaga ng produkto, hindi naman ito mabibili kung may parehas at karibal na produktong mas mura ang halaga dahil ginawa ng mas maliksing mga manggagawa.

Sa madaling salita, sapagkat ang paggawa ay sukatan ng halaga ng bawat kalakal sa lipunan, ang magiging sukatan ay ang karaniwang bilis ng produksyon nito sa narating na antas ng produktibidad ng lipunan, at hindi ang oras na kinukonsumo ng bawat indibidwal na prodyuser.

Samakatwid, ang magtatakda ng halaga ng alinmang kalakal ay ang kantidad lang ng paggawa o oras ng paggawa na kailangan para gawin ito alinsunod sa inabot na antas ng produksyon ng lipunan (socially necessary labor time) ng ganitong kalakal. Ang mga kalakal na parehas ang nakonsumong oras ng paggawa batay sa istandard ng lipunan, kung gayon, ay magkatumbas ang halaga.

Gamitin natin ngayon ang ganitong pagsukat ng halaga ng mga kalakal sa pag-aaral sa halaga ng lakas-paggawa bilang isang kalakal. Lalabas na ang halaga ng lakas-paggawa ay itinatakda, gaya ng ibang kalakal, ng oras-paggawang kailangan para sa produksyon at reproduksyon nito bilang isang kalakal.

Bakit tayo nagsasalita ng reproduksyon at hindi lang produksyon? Ang lakas-paggawa ay uubra lang kung ito’y nasa katawan ng buhay na indibidwal. Dahil kailangang buhay ang indibidwal para magkaroon ito ng lakas-paggawa, ang produksyon ng kalakal na ito ay nangangahulugan ng reproduksyon ng indibidwal o ang pangangalaga sa kanyang katawan at kalusugan. Kailangan niya, kung gayon, ng takdang kantidad ng mga bagay para mabuhay at patuloy na magkaroon ng lakas-paggawa.

Ang oras-paggawang kailangan para sa produksyon ng lakas-paggawa ay kaparehas o katumbas ng oras-paggawang kailangan para sa produksyon ng mga kalakal na kailangan niya para mabuhay. sa madaling salita, ang halaga ng lakas-paggawa ay ang halaga ng mga kailangan para mabuhay ang may-ari ng kalakal na ito. Tuwing humihiling ang mga manggagawa ng umento, di ba’t ang laging kinukwenta ay ang presyo ng mga kalakal na kanyang karaniwang kinukunsumo?

Kapag ang may-ari ng lakas-paggawa ay nagtrabaho ngayon, kinabukasan ay kailangang kakayanin pa rin niyang ulitin ang trabahong ito nang parehas ang kanyang lakas at kalusugan. Ang kanyang ikinabubuhay (means of subsistence), kung gayon, ay dapat sapat para pangalagaan ang kanyang normal na lakas bilang isang manggagawa.

Ang pangangailangan sa buhay ng mga manggagawa sa iba’t ibang bansa ay magkakaiba. Ang mga pangangailangang gaya ng pagkain, damit, bahay, atbp. ay magkakaiba batay sa klima at iba pang pisikal na pekulyaridad ng bansa.

Gayundin, ang klase at kantidad ng mga pangangailangan ng manggagawa at ang paraan para ito matugunan ay depende rin sa antas ng kultura at sibilisasyong inabot ng bawat bansa, at kung ano ang kasaysayan ng uring manggagawa sa bansang ito.

Kaiba sa ibang kalakal, ang pagtatakda ng halaga ng lakas-paggawa ay nilalangkapan ng istorikal at etikal na mga elemento. Anu’t anuman, sa bawat bansa sa bawat panahon, ang karaniwang kantidad ng pangangailangan sa buhay ng mga manggagawa ay laging tantyado ng buong lipunan.

Ang manggagawa ay isang mortal na indibidwal. Magigiba ang kapitalismo kapag nawala at naubos ang uring ito. Kailangan, kung gayon, na magpatuloy ang lahing ito ng mga nagbebenta ng lakas-paggawa. Gaya ng makinang palyado na ang andar dahil sa kalumaan o sobrang paggamit, ang lakas-paggawang nababawas sa “labor market” ay kailangang mapalitan ng sariwang henerasyon ng lakas-paggawa.

Obligadong kasali sa halagang kailangan para sa produksyon ng lakas-paggawa ang para sa mga hahalili sa manggagawa, ang kanyang mga anak. Ito’y para ang lahing ito ng mga nagbebenta ng lakas-paggawa ay magpatuloy.

Kung lalagumin, alinsunod sa batas ng halaga ng mga kalakal, ang halaga ng lakas-paggawa ay katumbas ng mga pangangailangan sa produksyon at reproduksyon ng buhay ng isang indibidwal na ang ikinabubuhay ay ang pagbebenta ng lakas-paggawa.

Kung ang lahat ng pangangailangan sa isang araw ng isang manggagawa (bigas, ulam, baon, kuryente, atbp.) sa kabuuan, ay naglalaman ng apat na oras-paggawa, at ang halaga-sa-pera ng mga kalakal na ginamitan ng apat na oras-paggawa ay P200, ibig sabihin, apat na oras-paggawa ang kailangan para sa produksyon ng isang araw na lakas-paggawa.

Ang kantidad na ito ng paggawa ang bumubuo sa halaga ng isang araw na lakas-paggawa o halaga ng reproduksyon ng isang araw na lakas-paggawa.

Kapag inalok ng kapitalista ang manggagawa ng halagang P200 para sa isang araw na trabaho sa kanyang pagawaan sapagkat ang P200 na ito ang halaga ng isang araw na lakas-paggawa, sumusunod sa batas ng palitan ng magkakatumbas na halaga (exchange of equivalents) o magkakatumbas na kalakal ang kapitalista. Binabayaran niya sa “tunay na halaga” ang isang araw na lakas-paggawa.

Salamangka o Naturalesa ng Kapitalismo

Pero wala ba ditong salamangka? Kung matalas-talas ang manggagawa sa kwentahan, parang may hindi tama sa ganitong sistema. Kung ang ibabayad sa manggagawa ay P200 na kumakatawan lang sa apat na oras-paggawa, bakit gagamitin ang kanyang lakas-paggawa ng isang araw na ang kahulugan sa batas ay walong oras?

Ganito ang pwedeng maging katwiran ng ating manggagawa:

“Kung P200 lang ang ibabayad sa akin at ang P200 na ito ay kumakatawan lang sa halaga ng apat na oras-paggawa, dapat ay apat na oras din lang akong magtatrabaho para sa kapitalista. Kung ang apat na oras na paggawa ay may halagang P200, ibig sabihin, ang halaga ng walong oras na paggawa ay P400. Kung ang batas ng kapitalismo sa palitan ng kalakal ay palitan ng magkakatumbas na halaga, dapat ay P400 ang ibayad ng kapitalista sa walong oras na paggawa, at kung ayaw niya, dapat ay apat na oras lang akong magtrabaho sa P200 na kabayaran.”

Syempre, hindi papayag ang kapitalista na tumigil ang manggagawa sa pagtatrabaho matapos ang apat na oras. Ganito naman ang kanyang katwiran:

“Kung gustong tumigil ng manggagawa matapos ang apat na oras ng pagtatrabaho, ang dapat niyang tanggapin na bayad ay P100 lang sapagkat ito lang ang halaga ng kalahating araw na lakas-paggawa. Ang binili kong lakas-paggawa ay para sa isang araw (walong-oras) at ang halaga ng isang araw na lakas-paggawa ay nasa P200 lang batay sa kailangang halaga ng mga kalakal para sa produksyon at reproduksyon ng lakas-paggawang ito. Wala akong magagawa kung ito lang ang halaga ng kanyang isang araw o walong oras na lakas-paggawa. Huwag siyang magrereklamo na hindi ko binabayaran ang tunay na halaga ng kanyang lakas-paggawa.”

Hindi magkakaintindihan ang kapitalista at manggagawa dahil magkaiba ang kanilang tinutukoy. Ang tinutukoy ng kapitalista ay ang halaga ng walong oras na lakas-paggawa samantalang ang tinutukoy ng manggagawa ay ang “halaga” ng walong oras na paggawa. Ang “lakas-paggawa” at ang “paggawa” ay dalawang magkaibang bagay at narito ang sikreto ng kapitalismo, ang misteryo ng pagtubo ng kapital, ang mahikang nakakamalik-mata sa manggagawa.

Ang binayaran ng kapitalista ay ang “lakas-paggawa”. Ibig sabihin, ang kakayahan, ang “potensyal” na magtrabaho. Ang lakas-paggawa ay ang kabuuan ng mental at pisikal na mga kapasidad sa loob ng katawan, sa buhay na persona ng isang tao, mga kapasidad na kanyang pinagagalaw kapag siya’y gumagawa ng anumang bagay na may kabuluhan.

Ang lakas-paggawang ito na binayaran ng kapitalista ay kaiba sa mismong “paggawa.” Ang paggamit sa lakas-paggawa ay ang aktwal na paggawa. Ang paggawa ay kinukonsumo ng nakabili ng lakas-paggawa kapag pinagtatrabaho niya ang nagbenta ng lakas-paggawa. sa pagtatrabaho, ang nagbenta ng lakas-paggawa ay hindi na lang potensyal kundi aktwal na manggagawa. Isang umaandar at kinukonsumong lakas-paggawa.

Ang halagang binayaran ng kapitalista ay ang halaga-sa-palitan (exchange-value) ng “lakas-paggawa” samantalang ang “paggawa” ay ang halaga-sa-gamit (use-value) ng lakas-paggawa. Narito ang katuturan ng ating diskusyon hinggil sa dalawang-mukha ng kalakal – ang kanyang kabuluhan na sabi natin ay siyang pisikal na itsura ng kalakal at ang kanyang halaga na kinakatawan ng presyo na sabi natin ay maskara at metapisikal ang katangian.

Ang mismong kalakal ay ang lakas-paggawa hindi ang paggawa. Ang “paggawa” ay ang kabuluhan, ang kinakatas at kinukonsumong sustansya ng lakas-paggawa bilang isang kalakal. Ibig sabihin, hindi ang paggawa bilang paggamit ng lakas-paggawa ang “halagang” tinumbasan ng sahod, bagkus, ang tinumbasan nito ay ang “halaga” ng lakas-paggawa.

Ang aktwal na paggawa ay lumilikha ng halaga. Lumilikha ng halagang lampas sa naging halaga ng kanyang pinanggalingan – ang lakas-paggawa. Bagamat ang “paggawa” ay lumilikha ng halaga sa kapitalistang sistema ng lipunan, ito mismo ay walang halaga. Sapagkat ang paggawa ay ang kabuluhan ng kalakal na lakas-paggawa at ang kabuluhan ng anumang kalakal ay walang halaga-sa-palitan o presyo.

Halimbawa, ang kotse bilang isang kalakal ang may halaga hindi ang kabuluhan ng kotseng ito. Ang pinagbatayan ng halaga o presyo ng kotse ay ang gastos sa produksyon nito, o mas eksakto, ang kantidad ng paggawang nakonsumo para sa produksyon nito. Hindi ang magiging silbi nito para sa bibili. Kung ito ma’y binibili para panghatid-sundo sa upisina, gamitin sa karera, gawing taxi o simpleng pangdispley, ay walang kinalaman sa “halaga” ng kotse.

Isa pang halimbawa ay ang ampalaya at asparagus. Hamak na mas mataas ang halaga o presyo ng asparagus kaysa ampalaya pero hamak na mas masustansya ang ampalaya sa asparagus. Ang paliwanag ay dahil mas madali at mas murang magtanim at mag-alaga ng ampalaya kaysa asparagus.

Ibig sabihin, hindi ang “kabuluhan” ang batayan ng halaga o presyo kundi ang paggawa, o sa palasak na pagsasalita, ang gastos sa produksyon ng mga kalakal. Ganito rin ang lakas-paggawa. Ang pinagbatayan ng halaga o presyo nito ay ang “gastos” sa produksyon at reproduksyon ng lakas-paggawa, hindi kung gaano ang magiging kabuluhan nito para sa nakabiling kapitalista.

Gaano man kalaki ang maging kabuluhan nito para sa uring kapitalista, tumubo man at tumiba ng limpak-limpak na halaga ang uring kapitalista sa paggamit ng lakas-paggawa, ay walang “karapatang” umapila ang uring manggagawa sapagkat ito ang natural na batas ng palitan ng mga kalakal at batas ng pribadong pag-aari sa ilalim ng kapitalistang sistema ng produksyon.

Kung ang “kabuluhan” o “halaga” ng nalilikha ng lakas-paggawa sa proseso ng produksyon ang babayaran ng kapitalista, – ibig sabihin, ang mismong paggawa at hindi lang ang lakas-paggawa – hindi lang sa walang kasing-taas ang magiging halaga ng sahod ng manggagawa kundi kahit isang kusing ay walang tutubuin ang kapitalista sapagkat, hanggang sa pinakahuling sentimo, ay mula sa paggawang ito pinipiga ang kapitalistang tubo sa larangan ng produksyon.

Isang “hiwaga” kung paanong nangyaring naghahari nang hindi natin pinapansin ang mga “kabaliwang” ito na hindi lang simpleng mga ilusyon – pinag-iba’t pinaghiwalay ang “paggawa” sa “lakas-paggawa”, pinag-iba ang sustansya sa katawang pinanggagalingan ng sustansya, ginawang totoo ang hindi naman umiiral, at ang totoong mahalaga ay inalisan ng “halaga” habang ang walang “halaga” ay ang lumilikha ng “halaga”.

Isang eksplinasyon ay dahil kinagisnan at kinasanayan na natin ang ganitong mga “kabaliwan” nang hindi kinukwestyon, at tinanggap na siyang normal na “kalakaran” sa lipunan. Pero kung pagkukunutan lang natin ng noo ang ordinaryong mga nangyayari sa ating paligid, lalabas na ang napakarasyunal na sistema ng kapitalismo na ipinagmamalaki ang kanyang sibilisasyon, ay punong-puno pala ng kahibangan at kontradiksyon.

Matapos tagusin ang mga ilusyon at kabaliwan ng kapitalistang sistema, pasukin natin ngayon ang pinakasustansya ng kapitalismo, ang kanyang “kaluluwa”, ang kapitalistang tubo na binihisan ng sapin-sapin ng balatkayo para itago ang tunay na kalikasan sa mata ng uring manggagawa.

Walang komento: