Linggo, Hunyo 15, 2008

V - Ang Misteryo ng Kalakal

Tsapter V

ANG MISTERYO ng KALAKAL

Dalawang Mukha ng Kalakal

Ang mga kalakal, gaya ng maraming bagay sa mundo, ay doble-kara. May dalawahang-mukha. Isa’y ang natural, pisikal na itsura. Ang kabila’y ang kanyang metapisikal na maskara.

Ano ang kanyang natural na itsura? Ito’y ang kanyang pisikal na porma, halimbawa, ang pisikal na kabuuan ng isang sapatos bilang isang kalakal. Pamilyar tayo sa pisikal na itsura ng mga kalakal. Ito ang kumakatawan sa kanilang “kabuluhan”. Ito ang tumutugon sa ating pangangailangan. Ito ang rason kung bakit binibili natin ang isang kalakal.

Ano naman ang kabilang mukha ng isang kalakal, ang sinasabi nating “maskara”? Hindi lang natin kinikilatis ang pisikal nitong katangian, ang kanyang kabuluhan. Kinukwenta rin natin ang kanyang “halaga” sa anyo ng “presyo.” Ang “halagang” ito ang maskara ng kalakal.

Laging dalawa ang interes natin sa isang kalakal. Una, ang kanyang “gamit” (use-value) at ito ang ating “binibili” sapagkat narito ang pakinabangan sa isang kalakal. Ikalawa, ang kanyang “halaga” (exchange-value) at ito ang ating “binabayaran” ng pera.

“Halaga” Bilang Metapisikal na Anyo ng Kalakal

Kapag kaharap natin ang isang kalakal, ang dalawang mukha nito ang ating tinititigan. Pero bakit natin sinasabing metapisikal ang kabila nitong mukha? Paanong naging maskara o ilusyon ang “halaga” na kinakatawan ng presyo ng kalakal?

Hipuin natin ang kalakal at mararamdaman natin ang kanyang pisikal na kabuuan. Makikilatis kung ito’y umaayon sa ating pangangailangan. Pero hindi natin mahihipo ang kanyang “halaga” na kinakatawan ng kanyang presyo.

Halughugin man natin ang buong kalakal, wala tayong makikitang ebidensya ng kanyang “halaga”, wala tayong masasalat na materyal na representasyon ng pag-iral ng “halaga” sa loob ng kalakal. Ang “halaga” ay animo’y kaluluwang parang namamahay sa loob ng kalakal pero hindi natin nahihipo kaya tinatawag nating “metapisikal”.

Ang mahihipo natin ay ang nakatatak na presyo na nakadikit sa kalakal at ang ibabayad nating kwartang galing sa ating pitaka. Pero hindi ang mismong “halaga” ng kalakal.

Hindi ba ang materyal na ebidensya ng “halaga” ng isang kalakal ay ang kanyang kabuluhan (usefulness), ang pisikal na katangian ng kalakal, ang mismong pag-iral ng kalakal?

Kung ang kalakal ang mismong “halaga” na binabayaran ng ating salapi, ibig sabihin, magkano ang “halaga”, halimbawa, ng isang pares ng sapatos? Pwede bang sabihing ang “halaga” ng isang pares ng sapatos ay katumbas ng isang pares ng sapatos?!?

Kung sa tanong na magkano ang “halaga” ng sapatos ay ganito ang isasagot ng tindera, baka siya’y ating simangutan o singhalan. Pero magkakaintindihan kapag ang sagot ng tindera ay “P100 ang halaga ng isang pares ng sapatos”.

Pero ang tinutukoy niyang P100 ay wala sa iskaparate ng sapatos kundi nasa loob ng ating pitaka. Ibigay natin ang P100 at ibibigay niya ang pares ng sapatos. Kapalit ng P100 ay isang pares ng sapatos. Kapalit ng sapatos ay ang salaping P100.

Pero ano ang ating binayaran? sa palasak nating pagkakaalam, ang binayaran natin ay ang “presyo” ng kalakal? Pero ano ang presyong ito ng kalakal? sa pagkakaalam rin natin ay ito ang “halaga” ng kalakal. Balik na naman tayo sa ating pinagsimulan. sa katanungang ano ang “halaga” ng isang kalakal?

Ano ang Sinasabing “Halaga” ng Isang Kalakal?

Ang “halaga” bang ito ay ang kanyang “kabuluhan”? Ang kabuluhan ng kalakal na sapatos ay ang kanyang pagiging sapatos. Ito ba ang “halaga” ng kalakal na sapatos – ang pagiging sapatos? Kung ang “kabuluhan” ng mga kalakal ang magiging batayan ng “presyo” o “halaga” ng mga ito, magkakagulo ang buong sistema ng presyuhan sa lipunan at determinasyon ng halaga.

Ang kabuluhan ng isang bagay ay kumporme sa gagamit. Ang isang karayom ay gamit sa pananahi. Pero pwede rin nating lagyan ng lason sa dulo para tusukin ang switik na kapitalista. Ang isang palakol ay ordinaryong ginagamit na pansibak ng kahoy. Pero pwede ring ipangsibak sa ulo ng swapang na kapitalista. Kung ginamit natin ang karayom o palakol sa ganitong “dakilang” layunin, ibig bang sabihin, mas mataas ang kanilang magiging “halaga”?

Kung ang “kabuluhan” ng isang bagay ang pagbabatayan, ang dapat na may pinakamahal na presyo na kalakal sa buong mundo ay ang Bibliya dahil ito ay ginagamit para isalba ang kaluluwa sa impyerno at ireserba ng pwesto sa langit. Pero bakit hamak na mas mahal ang isang instrumento ng distruksyon na gaya ng paltik na rebolber kumpara sa ordinaryong Bibliya?

Pero pwede nga ba talaga gumawa ang lipunan ng isang istandard para presyuhan ang “kabuluhan”? Paano mapagtutumbas at mapagkukumpara ang mga kalakal kung ang batayan ng mga “halaga” nito ay ang kanya-kanyang “kabuluhan” na laging kumporme sa indibidwal na gagamit?

Hindi na uso ngayon na direktang nagpapalitan ng mga kalakal ang mga tao gaya noong barter system dahil mayroon na itong unibersal na katumbas sa anyo ng salapi. Pero hindi ba’t may mga kantidad ng kalakal na magkakaparehas ang presyo?

Halimbawa, libu-libong klase ng magkakaibang kalakal ang pare-parehas na P100 ang halaga o presyo depende sa kantidad. Magkakaiba ang kabuluhan ng mga kalakal na ito. Pero paanong nangyaring nagkakatumbas ang halaga-sa-palitan?

Ang katotohana’y lahat ng kalakal sa mundo ay mapagtutumbas ang halaga depende sa proporsyon. Kumporme sa kantidad, ang karayom at bahay ay pwedeng mapagtumbas ang halaga pero kailanman ay hindi magpaparehas ang gamit. Hindi maipangsusulsi ang bahay at hindi matitirhan ang karayom.

Pero ang isang milyong piraso ng karayom na piso ang isa ay katumbas ng isang bahay na isang milyong piso ang halaga. Ibig lang sabihin, hindi ang kabuluhan ng mga kalakal ang batayan ng halaga nito kundi mayroong kumon na katangian ang mga kalakal na siyang batayan ng kanilang halaga. Ano ang kumon na katangiang ito ng mga kalakal na nagsisilbing sukatan ng halaga?

Ang Ginastusan sa Kalakal ay ang Paggawa

Ang komposisyon ng lahat ng kalakal ay kombinasyon ng dalawang elemento. Una, ang materyal na galing sa Kalikasan. Ikalawa, ang paggawang galing sa tao. Ang una, sa pangkalahatan, ay libre, walang “halaga”. Ang ikalawa ang may “bayad” at ito ang nagbibigay ng halaga sa mga kalakal.

Sabi nga, kung ang Ina ng materyal na yaman ay ang Kalikasan, ang Ama ay walang iba kundi ang Paggawa. Ano ang papel ng Kapital? Hindi ito ang lehitimong anak ng relasyon ng Paggawa at Kalikasan pero nagiging heredero ng ibinubungang kayamanan.

Halimbawa, ang isda na galing sa dagat ay libre. Ang binayaran ay ang paggawa ng mangingisda. Ang kahoy na ginamit sa bangka ng mangingisda ay libre galing sa gubat. Ang binayaran ay ang paggawa ng pumutol ng kahoy at gumawa ng bangka. Kaya’t papasok sa presyo ng isda hindi lang ang paggawa ng mangingisda kundi pati ang porsyon ng paggawang nagamit para sa kanyang mga kasangkapan sa pangingisda.

Libre ang materyales ng diamante na walang sangkap ng paggawa ng tao. Ang binayaran ay ang paggawa at panahon ng minero para hanapin ito at hukayin sa kailaliman ng lupa, at ang paggawang nakapaloob sa mga kasangkapan at prosesong ginamit sa “produksyon” ng diamante. Halimbawa, kung ginamitan ito ng makinarya, ang binayaran sa makinarya ay ang paggawa nito at hindi ang mga sangkap ng bakal na hindi gawa ng tao at galing sa Kalikasan sa kanyang natural na porma.. Kung ginamitan ng kemikal ang paglinang sa diamante, ang binayaran ay ang paggawa ng kemikal hindi ang sangkap na galing sa Kalikasan.

Ang ginawa ng tao, sa proseso ng produksyon, ay baguhin ang porma ng materyales na galing sa Kalikasan at gawin itong produktong may kabuluhan sa pamamagitan ng paggawa. Samakatwid, alisin natin ang materyales na galing sa Kalikasan, ang matitirang nilalaman ng kalakal ay ang paggawa ng tao.

Ito, at wala nang iba, ang nilalaman ng “halaga” ng mga kalakal. Ang paggawang ito ng tao ang nagbibigay ng kongkretong “kabuluhan” sa mga kalakal, ang mismong kalakal ang materyalisasyon ng paggawa ng tao, at ito rin ang sinusukat at kinukwentang “halaga” sa mga kalakal na kinakatawan ng presyo.

Ang “Halaga” ay Umiiral Hindi sa Loob ng Kalakal Kundi sa Sistema ng Lipunan

Ang problema, nakikita natin sa mismong kalakal ang kanilang makabuluhang “halaga” (use-value) pero hindi ang “halaga” na kinakatawan ng presyo (exchange-value).

Kapag dinala natin sa gubat o isla na walang tao ang isang kalakal, bitbit natin ang kanyang kabuluhan. Ibig sabihin, naroon ito sa mismong bagay, ito mismo ang bagay. Pero hindi ang kanyang “halaga”. Kung walang bibili nito, wala itong “halaga”

Kaparis ng salapi, ang pag-iral ng “halaga” sa anyo ng presyo ay hindi pwedeng hiwalay sa lipunan. Hindi pwedeng hiwalay sa ibang kalakal. Hindi pwedeng hiwalay sa sistema ng bilihan at bentahan. Ito ay isang penomenong panlipunan, kumakatawan sa relasyong panlipunan, sa depinidong relasyon ng mga tao. Ito ay nasa kalikasan ng lipunan at wala sa kalikasan ng mismong mga bagay na likha ng paggawa.

Nasa kalikasan ng paggawa ang pagiging makabuluhang aktibidad ng tao, ang kakayahang lumikha ng makabuluhang bagay. Kung ito lang sana ang katuturan ng mga produkto ng paggawa ng tao – ang magkaroon ito ng kabuluhan sa samu’t saring pangangailangan ng tao – simpleng-simple lang ang daigdig. Ginawa itong kumplikado at materyoso ng pagkakaroon ng mga produkto ng tao ng “halaga” at hindi lang “gamit”.

Pero ang kabuuang produkto ng kabuuang paggawa ng lipunan ay hindi pag-aari ng kabuuang lipunan. Mayroong pribadong may-ari ng mga produktong ito. Kaya nga’t ito’y binibenta o binibili. Kung walang may-ari ng mga produktong ito – kung pag-aari ang mga ito ng lahat – hindi ito kailangang ipagbili o ipagpalit. Kung ito’y magiging “pag-aari” ng lahat, mabubura mismo sa bokabularyo ng tao ang salitang “pag-aari”.

Ang pribadong pagmamay-ari ang ikaapat na kumon na karakter ng mga kalakal. Hindi lang ito produkto ng paggawa ng tao, hindi lang ito may kabuluhan sa tao, hindi lang ito may halaga-sa-palitan, kundi mayroong may-ari nito. Ang pribadong pagmamay-aring ito ng mga produkto ng paggawa ay isang panlipunang kondisyon sa pag-iral ng mga kalakal, sa palitan ng mga kalakal, at sa pagkakaroon ng halaga ng mga kalakal.

Tanggalin mo ang indibidwal na “pagmamay-ari” sa produkto, at matatanggal ang sinasabing “halaga” nito. Ang matitira ay ang kanyang “gamit”, ang kanyang kabuluhan. Kapag nawala ang “halaga”, mawawala rin ang pagiging “kalakal” ng isang bagay. Ito’y magiging simpleng “produkto” ng tao. Kapag nawala ang “halaga” ng isang bagay, hindi na siya isang “kalakal”, mawawala na rin ang silbi ng “salapi”. Ang ordinaryong papel na ito ay malalaglag sa kanyang pedestal, hindi na magiging panginoon sa lipunan.

Noong unang panahong madalang pa ang palitan ng mga produkto sa lipunan, ang direktang prodyuser ang mismong may-ari ng mga produkto ng kanyang paggawa. Hindi na ganito sa modernong lipunan. Ang gumagawa ang siya pa ring nagbibigay ng “halaga” sa mga kalakal. Pero sa pangkalahatan, hindi na siya ang may-ari ng mga kalakal.

Iba ang aktwal na “producer” sa aktwal na “owner”. Ang uri sa lipunan na siyang totoong prodyuser ay naging konsyumer ng produktong siya ang may gawa pero hindi siya ang may-ari.

Katunayan, napakaraming kalakal sa daigdig na ni hindi pakinabangan ng mga taong may gawa nito dahil hindi nila abot ang “halaga” ng bagay na sila ang may gawa.

Sa modernong lipunang halos lahat ng bagay ay binibili at binebenta. Pati ang lakas-paggawa na siyang tagapaglikha ng kalakal at halaga ang mismong ginawang kalakal at sinabitan ng presyo!

Ito ang kakaiba’t kakatwa sa lipunang ating ginagalawan, sa lipunang kapitalista.

Kung ang unibersal na katumbas ng halaga ng mga kalakal ay ang salapi pero ang mga halagang ito ay walang iba kundi ang paggawang ginamit sa kanilang produksyon, ibig sabihin, ang salapi ay ekspresyon lang ng paggawa na nakapaloob sa mga kalakal. Pero bakit ang hari sa ganitong lipunan ay hindi ang paggawa kundi ang salapi? Bakit ang paggawa ang alipin ng salapi?

Iisa ang paliwanag nito:

Ang salapi ay ginawang kapital at ang lakas-paggawa ay ginawang kalakal, at ang kanilang naging supling ay ang kapitalistang tubo, ang milagrosong pagtubo at paglago ng salapi sa ilalim ng sistema ng sahurang-paggawa, sa pamamagitan ng sistema ng sahurang-pang-aalipin.

Walang komento: