Linggo, Hunyo 15, 2008

Apendiks 1 - Paggawa ng Sinulid at Paglikha ng Tubo sa Manila Bay

I. Ang Paggawa ng Sinulid at Paglikha ng Tubo sa Manila Bay

Ang kompanyang Manila Bay ang numero uno sa industriya ng sinulid. Ito ay nagmamanupaktura ng low-twist na sinulid para gawing tela at ng thread na pangtahi, halimbawa ng tela o sapatos. Mayroon ding sariling pasilidad ang Manila Bay para sa knitting subalit maliiit lamang ang produksyon nito ng t-shirt.

Hinati na ito ngayon sa dalawang kompanya. Ang isa ay ang Manila Bay Spinning Mills, Inc. na humahawak ng old mill na gumagawa ng low-twist na sinulid. Ang kabila naman ay ang J&P Coats Manila Bay, Inc. na namamahala sa new mill na nagmamanupaktura ng thread. Matatagpuan sa iisang compound sa Brgy. Tanong sa Marikina ang dalawang planta ng Manila Bay. Pag-aari ni Arsenio Tanco ang Manila Bay Spinning habang may mga kasosyo siyang dayuhan sa J&P Coats.

Ang sinulid ng Manila Bay ay ibinebenta kapwa sa lokal at internasyunal na pamilihan. Kalakhan ng low-twist na sinulid ng old mill ay dinadala sa mga pabrikang knitting dito sa Kamaynilaan ng naghahabi ng tela. Kalakhan naman ng thread ng new mill ay iniluluwas sa mga bansa dito sa Asya, gaya ng Taiwan. Lumilikha ang Manila Bay kapwa ng sinulid na cotton at synthetic, gaya ng polyester at acrylic.

Nauungusan ng Manila Bay ang pangunahing kakumpitensya nitong Indophil sa Bulacan. Nabili naman nito ang dating karibal na Allied Thread sa Pasig. Gayong minamantinang hiwalay na kompanya sa J&P Coats, ang warehouse ng Allied sa Pasig ay ginagamit nang imbakan ng nayaring thread mula sa Marikina.

Kahit na dalawang kompanya na ngayon, iisang unyon pa rin ang sumasaklaw sa mga trabahador ng old at new mill, sa mga manggagawa ng Manila Bay Spinning at J&P Coats Manila Bay. Kasapi ng unyon ang humigit-kumulang 1,200 na daily-paid production workers at ng mga 200 monthly-paid staff employees.

Ang pinoprosesong bulak ng Manila Bay ay kinukuha mula sa loob at labas ng bansa. Ang mga synthetic na materyales, halimbawa, ay inaangkat mula sa Taiwan. Kapag dumating sa Manila Bay, ang mga bales ng bulak ay pinitpit at mistulang malalapad at makakapal na doormat.

Ang unang hakbang sa produksyon ng sinulid ay nagaganap sa blowroom. Dito, sa pamamagitan ng malakas na buga ng hangin, hinihimay ang bulak. Dito rin nagaganap ang blending ng bulak, isang prosesong maihahalintulad sa paggawa ng cotton candy. Mula sa blowroom dadalhin ang bulak sa makinang cards na mistulang higanteng suklay. Dadaan ang bulak sa drawframe at speedframe kung saan hinihila at hinahatak ang ga-lubid na laking bulak para humaba at numipis. sa pagitan ng drawframe at speedframe maari pang dalhin ang bulak sa mixer. sa mixer paghahaluin ang cotton na bulak at polyester o acrylic na materyales para lumikha ng sinulid na may tamang proporsyon ng elementong natural at synthetic.

Matapos sa speedframe, ang susunod na hakbang ay spinning. Makaraang dumaan sa spinning machine, nakaporma na ang bulak na sinulid. Dadaan ito sa winding machine upang pilipitin ang sinulid. Susunod ang twisting. Dito ipinupulupot ang kung ilang sinulid para lumikha ng mas matibay na sinulid. Ang 3-ply na sinulid, halimbawa, ay tatlong sinulid na ipinupulupot.

Ang huling hakbang sa paglikha ng sinulid ay ang finishing. Kung ito ay low-twist na sinulid na pangunahing gawa sa cotton, dadaan na lang ito sa bleaching para paputiin ang likas nitong kulay. Kung ito ay thread, papasok ito sa wet process para sa dyeing at coloring.

Ang ibang low-twist na sinulid ay maaring umabot pa sa knitting upang ihabi bilang tela at tahiin bilang t-shirt. Wala halos nasasayang sa bulak na pinoproseso ng Manila Bay. Ang waste na bulak ay nagagawa pang ilubid para maging mop. Kumikita pa rin ang Manila Bay sa pagbebenta nito.

Ang natapos na sinulid ay nakapulupot sa mga cones. Nakapaikot sa bawat cone ang dalawang kilong sinulid. Isinisilid ito sa mga sako na bawat isa ay naglalaman ng 24 cones. Handa na itong ihatid sa mga kliyente ng Manila Bay. Ikakarga ang mga sako sa mga canter na delivery truck na pangkaraniwang nagkakarga ng 300 sako bawat isa. sa loob ng isang araw maaring apat na trak ang lumalabas sa gate ng Manila Bay.

Sa loob ng isang ordinaryong araw, minimum na ang makalikha ang mga manggagawa ng Manila Bay ng 26 toneladang sinulid. Kung umabot ng 31 tonelada ang nayaring sinulid, naglulumundag na sa saya ang production manager at baka masumpungan pa niyang manlibre sa ilang trabahador.

Ang isang toneladang sinulid ay maaring magkahalaga ng P116,000 kung low-twist na sinulid o umabot pa ng P300,000 kung synthetic thread.

Ang mga planta ng Manila Bay ay tumatakbo ng 24 oras sa pitong araw ng bawat linggo. Tatlong shift ang pasok ng mga manggagawa – 6am hanggang 2pm, 2pm hanggang 10 pm at 10 pm hanggang 6 am. Ang mga nagtatrabaho lamang sa last shift ang tumatanggap ng night differential. Ang mga manggagawa ng second shift kahit na madilim na kung lumabas ay walang natatanggap na dagdag sa sahod.

Ang pangkaraniwang sahod ng daily-paid na manggagawa ng Manila Bay ay P270. Ang mga office employees ay kadalasang nasa P400 kada araw ang sahod. Samantala ang mga bisor ay tumatanggap ng mga P500 bawat araw.

Sa dulong bahagi ng dekado ‘80 nagsimula na ang modernisasyon ng planta at makinarya ng Manila Bay. Ilang ulit na lundag ng produktibidad ang ibinunga nito. Ang lumang spinning machine na may 400 spindles at hinahawakan ng isang tao ay pinalitan ng mas bagong spinning machine na may 1,000 spindles subalit iisang tao pa rin lamang ang namamahala. Kung ipagpalagay na magsingbilis lamang ang andar ng luma at bagong makina, nangangahulugan ito ng 250% paglaki ng produktibidad. Ibig sabihin, kung noon kayang mag-spin ng 1 kilong sinulid sa 1 minuto, ngayon 2.5 kilo ang kayang gawin sa loob pa rin ng isang minuto. O kaya maari rin itong tingnan na ang kayang imanupakturang sinulid sa loob ng dalawa’t kalahating araw ay kaya nang tapusin sa loob lamang ng isang araw.

Ang lumang winding machine na may 20 spindles ay dating pinaaandar ng tatlong manggagawa. Kung sakaling maputol ang sinulid, ang manggagawa ang de-manong magtatali at magbubuhol ng sinulid. Hinalinhan ito ng automatic at computerized machine na may 200 spindles. Kapag napigtal ang sinulid, may pyesang kukuha ng sinulid at kusang magdudugtong nito. Isa na lamang ang kailangang mag-operate ng makinang ito. Ang trabaho na lamang niya ay pindutin ang switch upang tumakbo ang makina at maglagay ng suplay ng sinulid kung maubusan. Nangahulugan ito ng 3000% paglundag ng produktibidad! Ang kayang i-wind na sinulid ng isang manggagawa sa tulong ng bagong makina ay 300 beses ang laki sa maaring gawin ng isa pa ring manggagawa sa paraan ng lumang makina.

Meron na ring electronic sensor ang mga makina na kung daanan ng sinulid na may bukol o buhol ay sadyang pipigtalin ang sinulid at idudugtong ito nang wala na ang depekto. Kaya’t hindi lamang simpleng lumaki ang produksyon kundi kalidad ang sinulid na minamanupaktura ng Manila Bay. sa pagitan ng old mill at new mill, mas moderno ang sa huli at kung gayon mas mekanisado ang produksyon ng thread sa J&P Coats kaysa paglikha ng low-twist na sinulid sa Manila Bay Spinning Mills. Ang mga modernong makinang ito ay inangkat pa mula sa Germany.

Pinatutupad na rin ang labor flexibilization sa Manila Bay. Ang isang manggagawa ay inililipat-lipat ng departamento at sinasanay sa iba’t ibang linya ng trabaho sa planta. Bunga ng modernisasyon, awtomasyon o reorganisasyon ng proseso ng produksyon, malaki ang nabawas sa bilang ng trabahador ng Manila Bay. Umaabot ng 30% o kulang-kulang 600 ang iniliit ng workforce mula sa 1,800 na production workers noong dekada ‘80. Karamihan nito ay tinanggal sa bisa ng redundancy habang ang iba ay inakit ng voluntary retirement.

Maaring kwentahin ang tantos ng pagsasamantala at tantos ng kita ng Manila Bay mula sa isinumite nitong mga financial statements sa SEC. Dapat nga lamang unawain na hindi pa tunay na isinasalarawan ng financial statements ang laki ng tubo at igting ng pagsasamantala sa pabrikang ito ng sinulid sapagkat tuwinang undervalued ang halaga ng output ng mga kompanya at overvalued ang kanilang gastos sa produksyon.

Mula sa financial statements ng Manila Bay Spinning Mills at J&P Coats Manila Bay nitong 1996 at 1997 maaring kwentahin ang tantos ng pagsasamantala at tubo sa dalawang magkasunod na taong iyon.

Sa kwentahan hinati ang gastusin sa produksyon sa dalawang bahagi – ang constant capital at variable capital. Ipinaloob sa constant capital ang gastos sa hilaw na materyales (na siyang pinakamalaki), ang gastos sa light, fuel and water (na ikalawang pinakamalaki), ang depresasyon ng makinarya (na susunod na pinakamalaki), ang gastos sa repair and maintenance, office supplies, transport and delivery at telephone bill.

Sa variable capital, ipinaloob ang sahod at sweldo – pati bonus, allowances, SSS at iba pang kontribusyon – ng direct labor, indirect labor at office staff.

Batay sa 1996 na financial statement ng Manila Bay Spinning Mills, ang kabuuang halaga ng mga nalikha at nabenta nitong sinulid ay P617,466,506.02. Ang mga gastusin nito sa produksyon ay umabot ng P557,870,163.26. Ang constant capital ay nasa P456,329,779.26 habang ang variable capital ay nasa P101,540,384. Kaya’t ang tubo o labis na halaga sa taong iyon ay P59,596,342.76.

Kung gayon ang tantos ng pagsasamantala ay 58.7%. Ang tantos ng tubo ay 10.7%.

Sa 1997 naman, lumaki ang kabuuang halaga ng nalikha at naibentang produkto sa P633,957,287.94. Ang gastos sa produksyon ay lumiit sa P534,078,614.20. Nahahati ito sa constant capital na P422,793,281.61 at variable capital na P111,285,332.59. Samakatwid ang tubo o labis na halaga ay lumobo sa P99,878,673.74.

Kung gayon ang tantos ng pagsasamantala ay 89.8% habang ang tantos ng tubo ay 18.7%.

Sa loob ng dalawang taong ito ang average na tantos ng pagsasamantala ay 74.2%. Ibig sabihin, sa otso oras na paggawa, sa loob lamang ng 4 oras at 35 minuto nabawi na ng manggagawa ng Manila Bay ang kanyang sahod. Kaya’t ang natitirang 3 oras at 25 minuto ay libreng paggawa para kay Arsenio Tanco.

Sa J&P Coats naman, ang kabuuang halaga ng mga nalikha at nabentang thread noong 1996 ay P442,066,933.59. Ang gastos sa produksyon ay P336,413,457.72 na nahahati sa constant capital na P274,720,417.80 at variable capital na 61,693,039.92. Kaya’t ang tubo ay umabot ng P105,653,475.90.

Ang tantos ng pagsasamantala kung gayon ay 171.3% habang ang tantos ng tubo ay 31.4%.

Sa taong 1997, lumaki ang kabuuang halaga ng nalikha at naibentang produkto sa P496,068,945.59. Ang gastos sa produksyon ay lumaki rin naman sa P418,604,168.86. Ang P337,028,500.33 nito ay constant capital samantalang P81,575,668.53 nito ay variable capital. Ang tubo kung gayon ay P77,464,776.73.

Samakatwid ang tantos ng pagsasamantala ay 95% at ang tantos ng tubo ay 18.5%.

Ang average na tantos ng pagsasamantala sa dalawang taon ay 133%. Ibig sabihin, ang unang tatlong oras at 26 minuto na paggawa ay para likhain ng manggagawa ng J&P Coats ang katumbas ng kanyang sahod at ang huling apat na oras at 34 minuto ay para sa tubo nina Tanco at mga dayuhan niyang kasosyo.

Walang komento: