Linggo, Hunyo 15, 2008

VII - Paano Tumutubo ang Kapital?

Tsapter VII

PAANO TUMUTUBO ANG KAPITAL?

Tubo: Kasakiman ng Indibidwal o Kalikasan ng Sistema?

Ang tipikal na larawan ng kapitalista ay isang taong hayok sa tubo. Switik at swapang. Ang akala tuloy ng marami, ang tubo ay resulta ng simpleng kasakimang ito.

Walang duda na lumalaki’t nadadagdagan ang tubo dahil sa kasakiman – sa pandaraya, pang-aabuso at iba pang katusuhan na ang huwaran ay ang uring kapitalista.

Pero kung magiging taimtim na “Kristyano” ang mga kapitalista – aalisin ang kasakiman sa katawan – ibig bang sabihin ay mawawala ang tubo?

Sino pa ang magnenegosyo kung hindi naman pala tutubo? Lalabas na masama pala sa negosyo ang maging mabait.

Bagama’t totoong mahirap haluan ng moralidad ang negosyo dahil sa usapin ng kompetisyon, ang kwestyon ay kailangan bang maging sakim ang isang kapitalista para tumubo?

Kung hindi siya tutubo kung hindi siya magiging sakim, ibig sabihin, ang tubo ay hindi nanggagaling sa mismong sistema ng produksyon kundi sa kasakiman lang ng tao. Alisin natin ang kasakiman, at uubra ang kapitalismo.

Pero kung kahit hindi siya maging sakim ay tutubo pa rin, ibig sabihin, ang tubo ay nanggagaling sa mismong sistema. Ang tubong ito ang gusto nating saliksikan sa ating pag-aaral – na ito’y natural na bumubukal sa pusod ng kapitalismo at hindi lang sa masamang budhi ng kapitalista.

Hindi ibig sabihin nito na ang mga kapitalista pala ay pwedeng magkaroon ng konsensya, at tutubo pa rin. Kaya’t pwede na ring pagtiisan ang sistemang ito. Ang problema ng kapitalista ay iba ang batas ng tubo ng kapitalismo at iba rin ang batas nito ng kompetisyon. Ang batas ng kompetisyon ang mag-uudyok sa kanya na maging sakim, labag man sa kanyang “Kristyanong” konsyensya.

Kung ayaw niyang matalo ng kanyang karibal, obligadong palaguin niya ang kanyang kapital. At lalago ito sa walang tigil na akumulasyon ng tubo, sa kahayukan at katusuhan sa tubo.

Tubo Bilang Sobrang-Halaga ng Orihinal na Kapital

Ginagastusan ng isang kapitalista ang paggawa ng isang kalakal para bumalik sa kanya ang kwarta ng mas malaki kaysa kanyang pinagsimulang orihinal na pera.

Ang kanyang layunin ay hindi lang gumawa ng isang produkto na may kabuluhan kundi pwedeng ipagbili. Ibig sabihin, isang produkto na may halaga-sa-palitan. Isang kalakal.

At hindi lang may halaga sapagkat kung ang babalik sa kanya ay parehas ng halaga ng kanyang kapital, lalabas na hindi tumubo ang kanyang kwarta. Hindi naging kapital.

Samakatwid, hindi lang kalakal na may gamit at halaga ang kailangang malikha sa proseso ng paggawa kundi sobrang-halaga (surplus-value). Halagang sobra sa halaga ng nakonsumong kapital, sobra sa halaga ng nakonsumong paggawa. Ito ang ibig sabihin ng tubo.

Pag-aralan natin ngayon kung paano ito mina-magic ng kapitalista nang walang halong “daya”. Ibig sabihin, nang hindi nilalabag ang batas ng kapitalismo hinggil sa palitan ng magkakatumbas na halaga ng mga kalakal.

Sa totoong buhay, dinadaya ito ng bawat indibidwal na kapitalista para mapalaki ang tubo. Ang punto ng ating diskusyon ay kahit hindi siya “mandaya” o kahit alisin natin ang kinita sa pandaraya, tiba-tiba pa rin siya sa tubo.

Ang ating pinakalayunin ay patunayan na ito’y bukal sa mapagsamantalang sistema ng kapitalismo at hindi lang galing sa sakim na budhi ng isang kapitalistang negosyante.

Paano Kinukwenta ang Sobrang-Halaga

Natutunan natin sa naunang diskusyon na ang halaga ng bawat kalakal ay itinatakda ng kantidad ng paggawa na nakapaloob dito batay sa istandard ng paggawa sa lipunan (socially necessary labor) ng isang partikular na kalakal.

Ang ganitong batas ng halaga ay dapat aplikable sa produkto ng bawat kapitalista. Ipagpalagay natin na ang produktong ito ay sinulid.

Ang unang hakbang ay karkulahin natin ang kantidad ng paggawang nakapaloob sa produktong sinulid. Pagkatapos ay pag-aaralan kung paano tutubo ang kapitalista nang hindi niya ito pinepresyuhan nang lampas sa tunay na halaga ng kanyang produktong sinulid.

Mahalagang ipwera natin sa konsiderasyon ang manipulasyon sa presyo. Ito’y sapagkat ang karaniwang kaalaman ay tumutubo ang kapitalista dahil simpleng pinapatungan niya ng adisyunal na halaga ang tunay na halaga ng kanyang kalakal at ang idinagdag niyang halaga sa presyo ay ang kanyang tubo. sa ganitong klaseng pananaw, lalabas na tumutubo ang kapital sa sirkulasyon ng kalakal (buy and sell) at hindi sa mismong produksyon ng kalakal, sa mismong proseso ng paggawa.

Sa paggawa ng sinulid, kailangan ng kapitalista ng hilaw na materyales. Para mapasimple ang ating kwenta, ipagpalagay natin na ang lahat ng materyales na ito ay kinakatawan ng bulak. Ipagpalagay na ang bulak ay 4 na kilo. Ipagpalagay rin natin na nabili niya ang bulak na ito sa presyong P875 at ang presyong ito ay kumakatawan sa tunay na halaga ng 4 na kilong bulak.

Ipagpalagay rin natin na ang depresasyon ng kanyang spindle ay P125. Para mapasimple ang kwenta, ang spindle na ito ang kakatawan sa lahat ng instrumento sa produksyon na kailangan para gawin ang sinulid.

Ang P875 para sa bulak at P125 para sa spindle ay P1,000. Ang gastos na ito para sa mga gamit sa produksyon (instrumento at materyales) ay tawagin nating “constant capital” o “cc”. Mahahati sa dalawang bahagi ang kapital. Ang kabilang bahagi ay ang pondong inilalaan para sa pasahod. Tawagin naman natin itong “variable capital” o “vc”.

Alinsunod sa batas ng halaga (law of value) ng mga kalakal, ipagpalagay natin ang halagang P1,000 para sa bulak at spindle ay kumakatawan sa 2 araw-paggawa o 16 na oras-paggawa. Ibig sabihin, ang perang P1,000 ay katumbas o makabibili ng anumang kalakal na naglalaman ng 16 na oras-paggawa.

Samakatwid, kapag umandar na ang produksyon – ginamit na ang bulak at spindle – papasok sa halaga ng sinulid ang paggawang katumbas ng 2 araw o 16 na oras-paggawa.

Ang oras-paggawa na nagamit para sa produksyon ng bulak – ang hilaw na materyal ng sinulid, ay bahagi ng paggawang kailangan para sa produksyon ng sinulid, at kung gayon, nakapaloob ito sa magiging kabuuang halaga ng sinulid.

Ganoon rin ang paggawang nakapaloob sa spindle na kung hindi sa paggamit nito ay di magagawa ang spinning ng bulak at di magagawa ang sinulid. sa madaling salita, ang mga halaga ng mga gamit sa produksyon (bulak at spindle) na kinakatawan ng presyong P1,000 ay integral na bahagi ng halaga ng sinulid.

Kwentado na natin kung anong parte ng halaga ng sinulid ang kumakatawan sa mga gamit sa produksyon (bulak at spindle). Ito ay P1,000 ang materyalisasyon ng dalawang araw na paggawa o 16 na oras-paggawa ng ibang manggagawa. Dito’y dapat agad mabuo ang kongklusyon na ang sinulid o anumang modernong kalakal sa kapitalismo ay sosyalisado ang produksyon (social product), isang kolektibong produkto ng uring manggagawa.

Ang susunod na dapat nating pag-aralan ay anong bahagi ng halaga ng sinulid ang nadagdag sa bulak bunga ng sariwang paggawa ng spinner. Ang naunang paggawang “nakaimbak” sa bulak bilang hilaw na materyal at sa spindle bilang instrumento ng produksyon ay tawagin nating “lumang paggawa”. Ang sariwa o buhay na paggawa ng spinner na gagamit sa bulak at spindle para sa produksyon ng sinulid ay tawagin nating “bagong paggawa”.

Sa madaling salita, bukod sa libreng likas na materyales na galing sa Kalikasan, ang isang kalakal ay binubuo ng luma at bagong paggawa, at ito ang kumakatawan sa gastos ng kapital. Ang kapital, kung gayon, ay walang iba kundi inimbak at inipong paggawa na nasa pag-aari ng kapitalista para pagsamantalahan ang uring manggagawa para lumikha ng tubo o sobrang-halaga.

Bumalik tayo sa ating kwenta. Ipagpalagay natin na ang halaga ng isang araw na lakas-paggawa ng spinner ay P250 at apat na oras-paggawa ang nakapaloob sa halagang ito. Ang apat na oras-paggawang ito ang nilalaman ng lahat ng karaniwang kalakal na kailangan ng manggagawa sa bawat araw para buhayin ang kanyang sarili at pamilya.

Kung sa pagtatrabaho ng isang oras ay makakagawa ng isang kilong sinulid ang ating manggagawa (spinner) mula sa isang kilong bulak, ibig sabihin, sa loob ng apat na oras ay makakagawa siya ng apat na kilong sinulid mula sa apat na kilong bulak. sa loob ng apat na oras, papaloob sa bulak ang katumbas ng apat na oras-paggawa. Kung ang halaga ng apat na oras-paggawa ay P250, ibig sabihin, papaloob sa apat na kilong bulak ang paggawa ng spinner na nagkakahalaga ng P250.

Kwentahin natin ngayon ang kabuuang halaga ng yaring-produkto – ang apat na kilo ng sinulid.

Nakapaloob ngayon dito ay dalawa’t kalahating araw ng paggawa o 20 oras-paggawa. Dalawang araw (16 na oras-paggawa) nito ang nakapaloob sa apat na kilong bulak at depresasyon ng spindle, at kalahating araw (4 na oras-paggawa) ang nagamit sa proseso ng spinning. Ang dalawa’t kalahating araw ng paggawa o 20 oras-paggawa ay kinakatawan ng halagang P1,250. Samakatwid, ang tamang presyo ng 4 na kilong sinulid na katumbas ng tunay nitong halaga ay P1,250 at ang presyo ng 1 kilo ay P312.50.

Aasim ang mukha ng kapitalista. Ang halaga ng produkto ay katumbas lang ng halaga ng kanyang kapital. Hindi tumubo ang kanyang kwarta, walang sobrang-halagang nalikha. Ang kanyang kwarta ay hindi nagsilbing kapital dahil hindi tumubo!

Ang tunay na halaga ng apat na kilong sinulid ay P1,250. Ang kanyang nagastos para sa apat na kilong bulak ay P875, para sa depresasyon ng spindle ay P125 habang P250 ang kanyang nagastos sa manggagawa. Kung ipagbibili niya ang apat na kilong sinulid sa presyong P1,250, wala siyang tubo!

Pero wala dapat pagtakhan dito. Ito talaga ang dapat na halaga ng kanyang produkto. Kung ito ay hindi kanyang produkto at siya ang bibili nito sa ibang kapitalista, ang halagang ito ang dapat pa rin niyang bayaran kung hindi lalabagin o dadayain ang batas ng halaga ng kapitalismo.

Kung hindi rin pala tutubo ang kapitalista – babalik ang kanyang kwarta nang parehas ang halaga – bakit pa siya mamumuhunan sa paggawa ng kalakal?

Pero kung hindi naman siya mamumuhunan, ano ang gagawin niya sa kanyang pera? Kung gagastusin lang niya ito nang hindi lumalago, ito’y mauubos. Samakatwid, kailangang makaisip siya ng paraan.

Pwede siyang magbanta: “Papatungan ko ang presyo! Pepresyuhan ko ito nang lampas sa kanyang tunay na halaga para tumubo ang aking kapital.”

Pero siguradong maiisip din niya: “Kung sa ganitong paraan lang pala tutubo ang kwarta – sa pagtitinda ng mas mahal sa tunay na halaga – bakit pa ako mamumuhunan sa paggawa ng kalakal gayong wala naman palang tubo sa aktwal na produksyon nito. Ang tubo pala ay nasa pagtitinda lang nito.”

Imbes na siya ang magmanupaktura, hihintayin na lang niya na may ibang gumawa ng sinulid. Saka niya ito bibilhin at ibebenta na may patong ang presyo sa tunay na halaga para mayroon siyang maibulsang tubo. Paparis na lang siya sa mga nasa “buy and sell”, sa “traders” – mamimili nang mas mura, magbebenta nang mas mahal.

Ang problema, hindi lang siya ang switik. Hindi lang siya ang kapitalistang makakaisip ng ganito. Kung wala palang tubo sa direktang produksyon (manufacturing) at ang tubo ay nasa sirkulasyon (trading), sino pa ang luku-lukong kapitalistang papasok sa produksyon ng kalakal? Bawat kapitalista ay lilipat na lang sa “buy and sell”.

Pero kung lahat ay nasa “buy and sell” – sa manipulasyon ng presyo, sa pamimili ng mura at pagbebenta ng mahal dahil dito lang pwedeng tumubo – ang tanong: Ano ang bibilhin at ibebentang kalakal gayong wala namang kapitalistang gustong mamuhunan sa direktang produksyon ng kalakal dahil hindi rito tumutubo ang kapital?

Samakatwid, imposible ang kapitalismo kung ang tubo ay sa sirkulasyon at hindi sa mismong produksyon dahil kung ganito ang sistema, walang mamumuhunan sa paggawa ng mga kalakal.

Ang Sobrang-Halaga ay ang Libreng Sobrang-Paggawa

Pero umaarte lang ang ating kapitalista ng sinulid. Kung siya ay switik, alam niya ang tamang kwenta at diskarte. Balikan natin ang ating kwenta sa kalakal na sinulid para makita kung paano siya tutubo kahit ibenta niya ang kanyang sinulid sa tunay na halaga nito alinsunod sa batas ng kapitalismo.

Pwede pa ngang mas mababa sa tunay na halaga pero titiba pa rin siya sa tubo basta damihan niya ang kantidad ng kanyang produkto!

Dahil ang binili niyang lakas-paggawa ay para sa isang araw na paggawa o walong oras, ang totoong inihanda niyang kagamitan sa produksyon ay hindi para sa apat na oras kundi para sa walong oras dahil ito ang ligal na haba ng isang araw na lakas-paggawa sa istandard ng lipunan.

Kung ang 4 na kilo ng bulak kapag trinabaho ng 4 na oras ay magiging 4 na kilo ng sinulid, ang 8 kilo ng bulak kapag trinabaho ng 8 oras ay magiging 8 kilo ng sinulid. Suriin natin ngayon ang nilalamang paggawa ng 8 kilong ito ng sinulid.

Limang araw ng paggawa o 40 oras-paggawa ang nilalaman ng 8 kilong sinulid: Apat na araw o 32 oras-paggawa ang sa bulak at spindle. Isang araw naman o 8 oras ang pumaloob na sariwang paggawa ng spinner sa 8 kilong bulak. Kung isasalin sa halagang salapi ang limang araw na paggawa o 40 oras-paggawa, ang katumbas nito ay P2,500. Ito ang presyo ng 8 kilong sinulid. Bawat kilo ay parehas pa rin ang presyo, P312.50.

Samakatwid, ang halaga ng kalakal na sinulid ay lumago ng 11 porsyento sa inilargang kapital na P2,250. Ang P2,250 ay naging P2,500. May sobrang-halagang P250. Ang kwarta, samakatwid, ay naging kapital!

Tumubo ng P250 ang kapitalista nang walang nilalabag sa mga batas ng palitan ng magkakatumbas na mga kalakal.

Bilang “buyer” ng mga kalakal, binayaran niya sa tunay na halaga ang bulak, ang spindle at ang lakas-paggawa. Hindi niya dinagdagan ang halaga ng alinman sa mga kalakal na ito at walang artipisyal na ipinatong sa presyo ng kanyang kalakal na sinulid para lang siya tumubo.

Bilang buyer ng mga bagay na may kabuluhan, ginamit niya ang kabuluhan ng lahat ng kanyang binili at siya ay naging prodyuser. Ang proseso ng pagkonsumo sa lakas-paggawa ay nagbunga ng 8 kilong sinulid na ang nilalamang halaga ng paggawa ay katumbas ng 40 oras na ang halaga-sa-pera (money-value) ay P2,500.

Buyer, pagkatapos producer, bumalik siya ngayon sa pamilihan para siya naman ang maging seller. Ipinagbili niya ang ang kanyang sinulid sa presyong P312.50 bawat kilo na siyang tunay na halaga nito batay sa nilalamang oras-paggawa. Ang nilalamang oras-paggawa ng isang kilo ng sinulid ay limang oras. Anumang kalakal na limang oras din ang paggawang nilalaman ay katumbas ng kalakal na ito. Nagkakahalaga rin dapat ng P312.50 alinsunod sa batas ng halaga ng kapitalismo.

Sa buong proseso, walang nilabag sa kapitalistang batas ng palitan ng magkakasing-halagang kalakal.

Pero hindi ba may daya ang presyo ng kapitalista na P2,500 para sa 8 kilo na sinulid o P312.50 para sa bawat kilo? Ang nagastos lang niya sa 8 kilo ay P2,250 o P281.25 sa bawat kilo. Hindi ba dapat ay ibenta niya ito batay sa kanyang gastos sa produksyon? Ibig sabihin, P281.25 bawat kilo.

Simple ang magiging sagot ng kapitalista. Ang halaga ng isang kalakal ay batay sa nakonsumong oras ng paggawa at hindi batay sa aktwal na gastos sa produksyon. Ang kantidad ng paggawa ng 8 kilong sinulid ay 40 oras-paggawa at ang 1 kilo ay may 5 oras-paggawa. Kung ang halaga-sa-pera ng kalakal na naglalaman ng 5 oras-paggawa ay P312.50, ito ang kanyang tamang presyo na katumbas ng kanyang halaga-sa-palitan.

Nagpalitan ng magkakatumbas. Pero tumubo ang kapitalista ng sobrang-halagang P250! Saan nanggaling ang P250 na ito?

Malinaw sa kwenta na hindi ito nanggaling sa kanyang kagamitan sa produksyon. Kahit isang kusing ng P250 na sobrang-halaga o tubo ay hindi nanggaling sa bulak at spindle. Ang halagang P2,000 ng nakonsumong bulak at depresasyon ng spindle ay pinasok niya sa presyo ng sinulid ng eksakto at walang patong. sa madaling salita, ang sobrang-halagang P250 ay hindi galing sa gamit sa produksyon, hindi galing sa kanyang “constant capital”. Saan ito nanggaling?

Buong-buo, ang halagang ito, ang tubong P250, ay nanggaling sa aktwal na paggawa – katumbas ng apat na oras na sobrang-paggawa ng spinner na libreng ginamit ng kapitalista.

Hindi ba ang tubong ito ay resulta ng pandaraya ng kapitalista sa manggagawa? Ang halagang nalikha ng 8 oras na paggawa ng spinner ay P500, bakit P250 lang ang ibinayad ng kapitalista sa manggagawa?

Hindi ba ito paglabag sa batas ng kapitalismo hinggil sa palitan ng magkakatumbas na halaga ng mga kalakal?

Simple rin ang magiging sagot ng kapitalista: Ang halagang nalikha ng 8-oras na paggawa ang kabuluhan (use-value) ng kalakal na lakas-paggawa na ang halaga naman sa produksyon at reproduksyon bilang kalakal ay katumbas lang ng 4 na oras-paggawa (exchange-value). Ang 8 oras na paggamit na ito ng lakas-paggawa ay parehas ng sustansya ng kalakal na gatas kapag ininom ng bata. Iba ang kabuluhang ito ng sustansya ng gatas sa kanyang halaga o presyo bilang kalakal.

Kung paano sa gatas, ganoon din sa lakas-paggawa. Ang halaga-sa-palitan (exchange-value) ng isang araw na lakas-paggawa ay katumbas ng 4 na oras-paggawa. Pero kapag ginamit ito ng kapitalista, ang kanyang kabuluhan (use-value) ay ang halagang malilikha ng 8 oras na paggawa. Ito ang sustansya ng lakas-paggawa. Bumibili ang kapitalista ng kalakal na lakas-paggawa dahil sa kanyang kabuluhan (use-value) pero binabayaran niya ang kalakal na ito batay sa kanyang halaga-sa-palitan (exchange-value).

Ang kabuluhan ng lakas-paggawa ay lumikha ng halaga. Hindi lang simpleng halaga, kundi sobrang-halaga. Ang halaga ng lakas-paggawa ay mapupunta sa manggagawa sa anyo ng sahod dahil ito ang kanyang halaga-sa-palitan (exchange-value) – lakas-paggawa kapalit ng sahod.. Ang sustansya ng lakas-paggawa – ang sobrang-halagang malilikha kapag ito’y kinunsumo bilang kalakal ay mapupunta sa kapitalista sa anyo ng tubo dahil ito ang kanyang halaga-sa-gamit (use-value).

Kung ang katumbas ng 4 na oras-paggawa ay P250, ang dapat sahurin ng manggagawa – batay sa batas ng kapitalismo – ay P250. Kung anuman ang naging kabuluhan ng paggamit ng kapitalista sa kalakal na lakas-paggawa ay wala nang pakialam ang manggagawa alinsunod sa batas ng bilihan at bentahan ng mga kalakal at batas ng pribadong pag-aari.

Hindi ba’t ang nagtinda ng isda ay dapat walang pakialam kung prituhin o paksiwin ito ng nakabili? Hindi ba’t ang nagtinda ng kotse ay walang pakialam kung ibangga o ipang-araro ito ng nakabili? Ang ligal na nagtinda ng baril ay walang pakialam at wala ring pananagutan kung ang binaril ng nakabili ay si Lucio Tan. Kung ang halaga ng baril na ito ay batay sa kanyang naging kabuluhan para sa kilusang manggagawa, dapat, napakalaki ang singiling presyo ng tindero ng baril dahil napakalaki nang naging serbisyo nito. Pero kung ang “silbi” ng buhay ni Lucio Tan at “silbi” ng baril ang pagtutumbasin, lugi ang nakabili ng baril dahil ipinagpalit ang tingga sa isang linta.

Kung ang kabuluhan ng lakas-paggawa nang gamitin ito ng kapitalista ay lumikha ng sobrang halagang P250, aangkinin ito ng kapitalista sapagkat ang kalakal na lumikha ng ganitong halaga ay kanya nang nabili. Kanyang pag-aari sa loob ng walong oras. Anumang pakinabang dito ay kanya sapagkat ito’y kanyang pag-aari. Bahagi ng kanyang kapital.

Para sa kapitalista, hindi ito pandaraya. Ito ang kapitalismo! Kaya’t di dapat magtaka ang manggagawa kung bakit ang tawag sa sistemang ito ng produksyon ay kapitalismo – ito ay para sa kapitalista! At huwag rin nating tawagin ang paraan ng pagtubo ng kapitalista na “pandaraya” sapagkat hindi eksakto ang ganitong termino. Ang pandaraya ay paglabag sa isang regulasyon o kontrata. sa ipinakita nating paraan ng pagtubo ng kapital, walang nilalabag ang kapitalista na batas ng kanyang sariling sistema.

Kaya’t hindi ito masasabing “pandaraya”. Ang wasto at eksaktong tawag dito ay pagsasamantala! Ang wasto at eksaktong tawag dito ay pang-aalipin! Ang pundamental na problema ay hindi ang indibidwal na kapitalista kundi ang pagkakaroon ng uring kapitalista sa lipunan. Ang pagkakaroon ng kapangyarihan na gaya ng kapital sa lipunan na ginagawang kalakal ang buhay na mga tao, ang uring manggagawa. Ang pundamental na problema ay ang mismong kapitalismo bilang isang sistema ng produksyon ng lipunan. Ang pundamental na problema ay ang sahurang-paggawa na ginagawang ordinaryong kalakal ang lakas-paggawa ng tao.

Ang “pandaraya” ay ang pagbili ng mura at pagbebenta ng mahal. Ang “pagsasamantala” ay ang paggamit ng paggawa ng iba ng walang kapalit. Maliwanag na ang tubo sa produksyon, buong-buo, ay walang iba kundi ang paggawang hindi binayaran ng kapitalista – ang sobrang-halagang likha ng uring manggagawa.

Pero hindi inaamin ng kapitalismo na ang tubo ay sobrang paggawa na hinuthot at piniga nito sa uring manggagawa. Ang kapitalistang katwiran ay binabayaran raw ang mismong “halaga” ng paggawa at ang tubo ay resulta lang ng abilidad sa negosyo o pagpepresyo.

Niyayabang ng kapitalismo na ang sahod ay ang “halaga ng paggawa”. Pero kung ang babayaran ay ang “halaga ng paggawa” at hindi ang “halaga ng lakas-paggawa”, walang kapital na iiral at ang kwarta ay hindi maisasalin sa kapital. Ang ekspresyong “halaga ng paggawa” ay isang imahinasyong kaparis ng “halaga ng daigdig”. Ang paggawa, kaparis ng daigdig, ay walang halaga pero galing sa kanila ang likas at likhang yaman ng sangkatauhan.

Kung kukuwentahin natin kung gaano kalaking porsyento ng oras-paggawa ang napupunta sa tubo at gaano kaliit na porsyento ng oras paggawa ang binabayaran ng kapitalista sa bawat pagawaan o plantasyon – at ang itatawag lang natin dito ay “pandaraya” – para na rin nating sinabing ang kasamaan ni Satanas ay simpleng kapilyuhan.

Kaibhan ng Tantos ng Pagsasamantala sa Tantos ng Tubo

Sa ginamit nating halimbawa ng kapitalista ng sinulid, tumubo ang kapitalistang ito ng P250 sa walong-oras na paggawa ng isang manggagawa na binayaran niya ng P250. Ibig sabihin, 100 posyento ang kanyang tubo mula sa P250 na “variable capital” o kapital sa pasahod, at 11 porsyento naman ang naging paglago ng kanyang kabuuang kapital na P2,250 kasama ang “constant capital” o gastos sa gamit sa produksyon.

Ang porsyento ng paglago ng “variable capital” ang tinatawag nating “tantos ng pagsasamantala” (rate of exploitation) o “tantos ng sobrang-halaga” (rate of surplus-value). Ang paglago ng kabuuang kapital, kasama ang “constant capital”, ay tinatawag naman nating “tantos ng tubo” (rate of profit).

Ang mas ipinakikita ng ikalawa – ang tantos ng tubo – ay ang simpleng paglago ng kabuuang kapital (surplus-value/constant capital + variable capital o sv/cc + vc). Hindi nito eksaktong ipinakikita ang intensidad ng pagsasamantala o pagpiga ng sobrang-halaga mula sa lakas-paggawa. Ang mas nagpapakita nito ay ang pormula sa pagkuha ng tantos ng pagsasamantala o sobrang-halaga (surplus-value/variable capital o sv/vc).

Nagagawang takpan ng tantos ng tubo ang intensidad ng pagsasamantala. Hindi nito eksaktong ipinakikita ang antas ng sobrang-halagang hinuhuthot mula sa lakas-paggawa dahil isinasama sa kwenta ang “constant capital” na walang kontribusyon kahit isang kusing sa paglikha ng sobrang-halaga.

Bilang gamit sa produksyon, napakalaki ng papel ng “constant capital” para sa paggawa ng produkto. Pero wala itong kontribusyon sa direkta o aktwal na paglikha ng tubo. Kaya nga’t ang tawag natin dito ay “constant capital”. Ito ang parte ng kapital na hindi lumalago. Pirmes ang kanyang halaga mula simula hanggang katapusan ng produksyon. Simpleng inililipat lang ang halaga nito sa kabuuang halaga ng yaring-produkto.

Ang lumalagong bahagi ng kapital ay ang tinatawag nating “variable capital”, ang pondong nakalaan sa pasahod. Dito manggagaling ang sobrang-halaga dahil ito ang pondong ginamit sa pagbili ng lakas-paggawa. Ang lakas-paggawang ito, kapag naisalin sa anyo ng kapital, ang lilikha ng sobrang-halaga at magpapalago sa orihinal na kapital. Tinatawag itong “variable capital” dahil ito ang parte ng kapital na nagbabago ang halaga.

Sa madaling salita, kung ang layunin natin ay makita ang intensidad ng pagsasamantala o ang eksaktong laki ng sobrang-halagang hinuhuthot ng kapitalista sa manggagawa, ang dapat nating kwentahin ay ang tantos ng sobrang-halaga at hindi lang ang tantos ng tubo.

Pero ang talagang deseptibong kwenta ay ang pormula ng kapitalista sa pagkwenta ng “net profit”. Mula sa aktwal na sobrang-halagang nalikha ng manggagawa ay aawasin pa ang lahat ng “gastos” para mapalabas ang “kanyang” linis na kita. Pero ang totoo’y ang ipinambayad niya sa kanyang sinasabing “gastos” ay hindi na galing sa kanyang orihinal na kapital kundi galing na sa sobrang-halaga o tubo na nilikha ng kanyang mga manggagawa.

Sa sinasabing “gastos” na ito, pinapartehan ng kapitalista ang kapitalistang gubyerno sa anyo ng buwis, ang kapitalistang bangko sa anyo ng interes, ang may-ari ng kinatitirikan ng planta sa anyo ng upa sa lupa, ang mga komersyante na magtitinda ng kanyang kalakal, at marami pang iba na nabubuhay sa sobrang-halagang nililikha ng manggagawa sa proseso ng produksyon.

Saligang Paraan ng Pagpapalaki ng Tubo

Lahat ng paraan ay ginagawa ng kapital para mapalaki ang tubo. At ang saligang paraan para magawa ito ay mapataas ang produktibidad ng paggawa at mapamura ang lakas-paggawa. Pero magsimula muna tayo sa pinakasimple sa mga pamamaraan ng kapitalista.

Kung gusto ng kapitalista ng sinulid na mapalaki ang kanyang tubo, isang paraan ay simpleng paramihin ang kanyang mga manggagawa.

Kung P250 ang tubo sa isang manggagawa sa walong oras na paggawa, kung uupa ng 300 na manggagawa sa tatlong shifts ng 24-oras, tutubo siya ng P75,000 bawat araw sa variable capital na P75,000 o P675,000 kasama ang constant capital. Ang kabuuang produktong 2,400 na kilo ng sinulid ay magkakahalaga ng P750,000 at bawat kilo ay magkakahalga pa rin ng P312.50.

Bago tayo magpalawig sa puntong ito, nais nating ulitin upang idiin ang saligang kongklusyon: sa P75,000 na tubo sa bawat 24 oras mula sa kabuuang kapital na P675,000 – kahit anong kwenta ang gawin ay walang lilitaw na kahit isang sentimo na galing sa “constant capital” na P600,000.

Ibig sabihin, walang kontribusyon sa produksyon ng sobrang-halaga ang gamit sa produksyon (bulak at spindle) kahit palakihin ang kapital na ito sa P600,000 mula sa orihinal na P2,000 para sa 8 kilong sinulid.

Pero ang P75,000 na sobrang-halagang ito na tinubo ng kabuuang kapital na P675,000 ay eksaktong katumbas ng 1,200 na sobrang oras-paggawa mula sa 300 manggagawa. Kung mula sa bawat manggagawa ay pumipiga ang kapitalista ng 4 na sobrang oras-paggawa na ang halaga-sa-pera ay P250, sa 300 manggagagawa ay makakapiga siya ng 1,200 na sobrang oras-paggawa na ang kabuuang halaga-sa-pera ay P75,000 (P250 x 300 na manggagawa).

Ang apat na oras na ito ng libreng paggawa mula sa bawat manggagawa o kabuuang 1,200 na oras ng libreng paggawa mula sa 300 manggagawa ang tinatawag nating sobrang-paggawa (surplus-labor). Ang halagang nalilikha sa panahong ito ng libreng sobrang-paggawa ang tinatawag nating sobrang-halaga o tubo.

Sa madaling salita, kung ang tubo sa proseso ng produksyon ay galing sa sobrang-paggawa at gustong palakihin ng kapitalista ang kanyang tinutubo, ang kanyang saligang paraan ay palakihin ang porsyong ito ng araw ng paggawa. Ibig sabihin, pahabain ang oras ng sobrang-paggawa dahil ito’y libre’t walang bayad.

Sa binanggit nating halimbawa ng paglobo ng tubo sa P75,000 mula sa P250, simpleng pinarami lang ng kapitalista ang bilang ng mga manggagawang pinagkukunan niya ng libreng sobrang-paggawa. Pero hindi niya napahaba ang sobrang-paggawa mula sa bawat manggagawa.

Apat na oras pa rin ito katulad ng dati. Lumaki lang ang kanyang tubo dahil dumami ang bilang ng mga manggagawang nakokotongan niya ng tig-aapat na oras na libreng paggawa. Ang kanyang tantos ng sobrang-halaga ay 100 porysento pa rin at ang tantos ng tubo ay 11 porsyento na katulad pa rin ng dati sa unang halimbawa ng nag-iisang spinner.

Samakatwid, kung ang layunin ng kapitalista ay palakihin ang kanyang napipigang sobrang halaga mula sa bawat manggagawa, kailangang mapalaki ang porsyon ng araw ng paggawa na nakalaan sa produksyon ng tubo. Ibig sabihin, mapahaba ang oras ng libreng sobrang-paggawa.

Ang araw ng paggawa ay may dalawang dibisyon.. Ang isang bahagi ay kumakatawan sa oras-paggawa para sa reproduksyon ng halaga ng kanyang sahod. Ang tawag natin dito ay “obligadong-paggawa” o “necessary labor”. Ang kabilang bahagi ay ang nabanggit na nating “sobrang-paggawa” o “surplus-labor”. Ang “obligadong-paggawa” ay para sa manggagawa (sahod) habang ang “sobrang-paggawa” ay para sa kapitalista (tubo).

Sa larawang ito ng araw ng paggawa, maliwanag na agad ang awtomatikong misyon at obsesyon ng kapitalista: Kung paano niya mapaiiksi ang isang bahagi ng araw ng paggawa na para sa manggagawa (necessary labor) na ang katumbas na kahulugan ay ang paghaba ng oras na para sa kanya (surplus labor), para sa produksyon ng tubo o sobrang-halaga (surplus-value).

Pasukin natin ngayon ang saligang paraan ng kapitalismo para mapalaki ang tubo ng kapital. Dahil ang tubo o sobrang halaga ay nakabatay sa napipigang sobrang paggawa, ang susi, samakatwid, ay kung paano mapahahaba ang oras ng sobrang paggawa o surplus labor.

Mas Mahabang Libreng Paggawa, Mas Maiksing Bayad na Paggawa

Paano mapapalaki ang napipigang sobrang-halaga nang di pinahahaba ang araw ng paggawa (working day)? Mapalalaki lang ito kung mapaiiksi ang obligadong-paggawa – ang binayarang porsyon ng araw ng paggawa.

Kung ang haba ng sobrang-paggawa ay 4 na oras, at gustong gawing 5 oras ng kapitalista para mapalaki ang sobrang-halaga nang di pinahahaba ang araw ng paggawa – walang ibang paraan kundi kunin ang adisyunal na 1 oras mula sa porsyon ng obligadong-paggawa. Mula 4 na oras ay kailangang mapaiksi sa 3 oras ang bayad na porsyon ng araw ng paggawa..

Kung ano ang paghaba ng sobrang-paggawa, ganoon rin ang pag-iksi ng obligadong-paggawa.

Ang isang porsyon ng araw ng paggawa na dati’y kinukonsumo para sa benepisyo ng manggagawa bilang binayarang paggawa (paid labor) ay isasalin sa oras-paggawa sa benepisyo ng kapitalista bilang libreng paggawa (unpaid labor).

Walang nagaganap na alterasyon o ekstensyon sa haba ng araw ng paggawa. Pero nagagalaw ang proporsyon o distribusyon ng sobrang-paggawa at obligadong-paggawa sa loob nito.

Kung pirmes ang haba ng araw ng paggawa (8 oras), at ipagpalagay na ang halaga ng lakas-paggawa ay katumbas ng 4 na oras (halaga ng kabuuang nesesidad ng manggagawa), madaling makwenta ang porsyon ng sobrang-paggawa (Formula: working day - necessary labor = surplus-labor).

Ang usapin, kung gayon, ay paano paiiksiin ang obligadong-paggawa para mapahaba ang sobrang-paggawa. Kung ang halaga ng 1 oras na lakas-paggawa ay P62.50 at ang katumbas na halaga ng 1 araw na lakas-paggawa (8 oras) ay P250, ang ordinaryong diskarte ng kapitalista ay dayain ang sweldo. Bayaran nang mababa sa tunay na halaga ng lakas-paggawa.

Kung imbes na P250 ay P187.50 lang ang pasweldo, ibig sabihin, 3 oras lang ang kailangan para sa reproduksyon ng halagang ito, at 5 imbes na 4 na oras ang para sa kapitalista sa anyo ng libreng-paggawa. Babayaran ng kapitalista ang lakas-paggawa nang mababa ng 25 porsyento sa tunay na halaga nito.

Kahit ito ang laganap na praktika ng mga kapitalista, ang layunin ng pag-aaral na ito ay hindi ang patunayan ang pandaraya ng kapitalista. Kabisado na natin ito..Ang mas gusto nating pag-aralan ay ang pagsasamantalang likas na nanggagaling sa sistema ng produksyon ng kapitalismo.

Ibig sabihin, kahit sumunod ang kapitalista sa batas ng halaga – bayaran sa tunay na halaga ang lakas-paggawa – hindi lang tutubo ang kapital kundi mapalalaki ang tubong ito.

Kung ang batas na ito ang masusunod, magaganap lang ang pag-iksi ng obligadong paggawa, kung babagsak ang halaga ng lakas-paggawa. Ibig sabihin, hahaba ang sobrang-paggawa kung babagsak ang halaga ng lakas-paggawa, iiksi ang oras para sa reproduksyon nito.

Kung gusto niyang madagdagan ng 25 porsyento ang sobrang-paggawa nang walang manipulasyon sa sahod o ekstensyon ng araw ng paggawa, ang kailangan ay aktwal na bumagsak ng 25 porsyento ang mismong halaga ng lakas-paggawa sa lipunan.

Para ito mangyari, ang parehas na kantidad at kalidad ng mga nesesidad ng manggagawa na dati’y ginagawa ng apat na oras ay pwede nang magawa sa loob lang ng tatlong oras. Magaganap ito sa pagtaas ng produktibidad ng paggawa.

Halimbawa, ang isang sapatero ay nakakayari ng isang pares ng sapatos sa loob ng 8 oras. Kung sa pag-unlad ng kanyang instrumento ay nakakagawa na siya ng 2 pares sa parehas na oras, dumoble ang kanyang produktibidad.

Ibig sabihin, kung dati’y 8 oras ang bagong paggawa (paggawa ng sapatero) sa isang pares ng sapatos, kapag nadoble ang produktibidad, babagsak ang halaga ng bawat pares. Magiging 4 na oras lang ang bagong halaga sa bawat pares. Iba pang usapin kung susunod ang presyo sa ganitong pagbagsak ng halaga. Ang realidad ay bumagsak ang halaga ng bawat pares dahil sa pagtaas ng produktibidad alinsunod sa batas ng halaga ng kalakal.

Ang ibig sabihin ng pagtaas ng produktibidad ng paggawa ay ang pagbabago sa proseso ng paggawa (labor process) na ang resulta ay napaiiksi ang oras-paggawa na kailangan sa produksyon ng isang kalakal.

Kung para mapalaki ang sobrang-halaga ay simpleng pahahabain ang araw ng paggawa – mula 8 oras ay gagawing 12 – ang epekto ay hahaba ang sobrang-paggawa. Ang tubong nalilikha sa pamamagitan ng pagpapahaba ng araw ng paggawa nang hindi pinaiiksi ang obligadong-paggawa ay tinatawag na “absolutong sobrang-halaga” o “absolute surplus-value”. Ang pagpapalaki ng absolutong sobrang-halaga ay di nangangailangan ng pagtataas ng produktibidad.

Pero kung ang paglaki ng sobrang halaga ay sa pamamagitan ng kumbersyon ng obligadong-paggawa sa sobrang-paggawa, kailangang tumaas ang produktibidad ng paggawa sa lipunan. Ang tawag sa tubong nakukuha sa pagpapaiksi ng obligadong-paggawa ay “relatibong sobrang-halaga” o “relative surplus-value”. sa pagtaas ng produktibidad ng paggawa, ang halaga ng lakas-paggawa ay babagsak, at ang porsyon ng araw ng paggawa para sa reproduksyon ng halagang ito ay iiksi.

Upang mapabagsak ang halaga ng lakas-paggawa, ang pagtaas ng produktibidad ay dapat sumakop sa mga sangay ng industriyang ang mga produkto ang nagdedetermina ng halaga ng lakas-paggawa o mga industriyang konektado sa paggawa ng mga produktong ito.

Kung ang mga makina at materyales na ginagamit sa produksyon ng mga produktong kinukonsumo ng mga manggagawa ay magmumura dahil sa pagtaas ng produktibidad sa mga industriyang gumagawa nito, babagsak ang halaga ng lakas-paggawa dahil magbubunga ito ng pagbagsak ng halaga ng constant capital na pumapasok sa produksyon ng mga nesesidad ng manggagawa. Ang pagtaas ng produktibidad sa mga industriyang walang kinalaman sa produksyon ng mga nesesidad ng manggagawa ay walang epekto sa halaga ng lakas-paggawa.

Ang mga nesesidad ng manggagawa ay binubuo ng iba’t ibang kalakal. Ang bawat isa ay produkto ng ispisipikong sangay ng industriya. Ang halaga ng bawat kalakal na ito ay pumapasok sa halaga ng lakas-paggawa. Alinsunod sa batas ng halaga, ang halaga ng isang kalakal ay bumabagsak sa pag-iksi ng oras-paggawa na kailangan para sa produksyon nito.

Sa madaling salita, ang pagbagsak ng halaga ng lakas-paggawa ay katumbas ng kabuuang reduksyon ng oras-paggawa sa produksyon ng mga kalakal ng mga industriyang may kinalaman sa mga produkto at serbisyong nesesidad ng manggagawa.

Pangkalahatang Tantos ng Sobrang-Halaga

Bagamat nagmumukhang direktang resulta ng kilos ng bawat kapitalista ang pangkalahatang pagbagsak ng halaga ng lakas-paggawa sa lipunan, hindi ito ang direktang layunin ng bawat partikular na kapitalista sa pag-iisip ng mga paraan para mapataas ang produktibidad sa bawat pagawaan.

Napamumura, halimbawa, ng isang kapitalista ang produksyon ng de-latang sardinas sa pagtataas ng produktibidad sa kanyang pabrika. Pero ang kanyang direktang layunin ay hindi naman talaga iredyus ang halaga ng lakas-paggawa sa buong lipunan at proporsyunal na paiksiin ang obligadong-paggawa bagamat ito ang pangkalahatang resulta.

Ang kanyang layunin ay makaungos sa kompetisyon at mapalaki ang kanyang partikular na tubo. Pero nakakatulong siya sa pagpapataas ng “pangkalahatang tantos ng sobrang-halaga” (general rate of surplus-value) ng buong hanay ng uring kapitalista kung ang ultimong epekto ng partikular na pagtaas ng produktibidad sa kanyang pabrika ng sardinas ay pagbagsak ng halaga ng lakas-paggawa sa lipunan.

Kompetisyon at tubo ang nag-uudyok sa bawat indibidwal na kapitalista na itaas ang produktibidad ng kanyang mga manggagawa. Kung nadoble ng ating kapitalista ng sinulid ang produktibidad sa kanyang pabrika – mula sa 8 kilo sa isang araw (8 oras) ay nagawa itong 16 na kilo – ang lalamning paggawa ng isang kilo ng sinulid ay babagsak sa 4.5 mula sa dating 5 oras/kilo kung ang kapital sa gamit sa produksyon (bulak at spindle) ay parehas pa rin ng dati (P250/kilo ng sinulid o 4 na oras-paggawa).

Dahil bumagsak sa kalahating oras ang paggawa ng isang kilo, ang salaping-halaga nito (kung di nagbabago ang halaga ng salapi o walang implasyon) ay babagsak sa P281.25. Ang P281.25 ay kumakatawan sa 4.5 oras-paggawa. Ang indibidwal na halaga (individual value) ng kanyang sinulid ay P281.25 pero ang sosyal na halaga (social value) nito ay nasa P312.50 pa rin dahil hindi pa lumalaganap sa industriya ng sinulid ang bagong paraan ng produksyon ng ating kapitalista.

Sapagkat ang halaga ng isang kalakal ay hindi ang kanyang indibidwal kundi sosyal na halaga, hindi siya obligadong ibenta ang kanyang sinulid sa halagang P281.25. Hindi niya nilalabag ang batas ng palitan ng kalakal kung ibenta pa rin niya ito sa P312.50.

Kung ibebenta niya ang kanyang sinulid sa kanyang tunay na indibidwal na halaga (P281.50), balewala ang pagtaas ng produktibidad dahil P250 pa rin ang kanyang magiging tubo o sobrang halaga. Parehas lang noong nasa isang kilo por ora ang kanyang produktibidad.

Kung ibebenta naman ito sa kanyang sosyal na halaga (P312.50), ang dating sobrang-halagang P250 ay tataas sa P750. Ito’y isang 300 porsyentong paglaki ng tantos ng sobrang halaga (sv/vc o P750/P250) o halos nasa 18 porsyentong paglaki ng tantos ng tubo (sv/cc+vc) o P750/P4250).

Pero kung ibebenta niya ito sa P312.50 por kilo, malaki nga ang tubo pero walang epekto sa kompetisyon ang pagtaas ng kanyang produktibidad dahil parehas lang ito sa presyo ng kanyang mga karibal.

Para talunin ang kompetisyon, ibebenta niya ang kanyang sinulid ng mataas sa kanyang indibidwal na halaga pero mababa sa kanyang sosyal na halaga. sa ganitong paraan, lalaki ang kanyang benta, madodominahan niya ang merkado at lalaki pa rin ang kanyang tubo kumpara sa dati.

Kapag ibinenta niya ito sa halagang P300, tutubo siya mula sa 16 na kilo ng P550. Mas malaki ng P300 kaysa dating tubo. sa sobrang-halagang ito, nabago na rin ang dating proporsyon ng sobrang-paggawa at obligadong paggawa.

Bunga ng dobleng produktibidad, mula sa dating 4 na oras na sobrang paggawa, ito’y nadagdagan ng halos 1.5 oras at naging 5.5 oras. Umiksi naman ang dating 4 na oras na obligadong paggawa at naging 2.5 oras na lang. Paano ito nangyari?

Sa dating produksyon, ang obligadong-paggawa ay nasa 4 na oras, ang halaga ng isang araw na paggawa ay P250, ang sobrang-paggawa ay apat na oras, at ang arawang sobrang-halaga ay P250.

Sa pagtaas ng produksyon, ang ating kapitalista ay mayroon ngayong pag-aaring 16 na kilo ng sinulid na kanyang ibinenta ng P300/kilo o P4,800. Dahil ang halaga ng gamit sa produksyon ay nasa P4,000, ang halaga ng 13.3 na kilo ng sinulid ay pamalit lang sa constant capital na ito.

Ang halaga ng natitirang 2.7 kilos (P800) ang produkto ng walong oras na paggawa na binayaran niya ng P250. Ito ang bagong halagang naprodyus ng paggawa ng spinner. Ito ang paghahatian ng kapitalista at manggagawa sa anyo ng tubo at sahod.

Dahil ang presyo ng lakas-paggawa ay P250, wala pang isang kilo (.9 kilo) ang katumbas ng obligadong-paggawa. Kulang naman nang bahagya sa dalawang kilo (1.8 kilo) ang katumbas ng sobrang-paggawa.

Ang proporsyon ng obligadong-paggawa sa sobrang paggawa sa dating produktibidad ay 1:1. Nang madoble ang produksyon, ito’y naging 2.5 oras para sa obligadong paggawa at 5.5 para sa sobrang paggawa.

Ang P800 ang ekspresyon sa salapi ng bagong halagang nalikha sa isang araw na paggawa ng mas produktibong spinner. Ito’y mas mataas kaysa halagang nalilikha ng parehas na klase ng paggawa na ang nalilikhang bagong halaga ay nasa P500.

Pero kung ang pasahod sa mas produktibong spinner ay parehas pa rin ng dati (P250), parehas ng tinatanggap ng ordinaryong spinner na mas mababa ang produktibidad, ibig sabihin, imbes na 4 na oras, 2.5 na oras na lang ang kailangan para malikha ang halagang ito habang humaba ang kanyang sobrang-paggawa sa 5.5 at ang kanyang nalilikhang sobrang-halaga ay lumago sa P550 mula P250.

Samakatwid, ang partikular na kapitalistang ito ay lyamado kaysa ibang kapitalista sa parehas na linya ng negosyo dahil mas mahabang porsyon ng araw ng paggawa ang nailalaan niya sa sobrang-paggawa.

Pero ang kanyang ekstrang tubo ay maglalaho kapag nakahabol na sa produktibidad ang kanyang mga karibal dahil mawawala na ang diperensya sa pagitan ng indibidwal na halaga ng napamurang kalakal at ang sosyal na halaga ng kalakal na ito.

Dahil sa kompetisyon, maoobliga siyang muling magbaba pa ng presyo. Dahil sa kompetisyon, ang natural na tendensya ng “presyo” ay gumalaw papalapit sa tunay na halaga ng mga kalakal.

Mula sa orihinal na P312.50, unang ibinaba ito ng paborito nating kapitalista ng sinulid sa P300 para makalamang sa kompetisyon. Pero dahil rin sa kompetisyon, pipilitin ng kanyang mga karibal na habulin o lampasan ang kanyang produktibidad.

Kapag nakahabol ang kanyang mga karibal, maoobliga siyang ibaba pa ang presyo hanggang sumagad o bumaba pa sa P281.50 na siyang halaga ng kalakal batay sa oras-paggawa. Ibig sabihin, papailalim siya sa kapitalistang batas ng halaga na nakabatay sa oras-paggawa. Kapag ibinenta niya ito sa halagang P281.50, babalik siya sa dating tantos ng tubo o sobrang-halaga, babagsak ang kanyang tubo mula sa P550 sa dating P250 sa kabila ng pagtaas ng produktibidad.

Samakatwid, ang ultimong magpapabago sa pangkalahatang tantos ng sobrang-halaga ay kapag ang pagtaas ng produktibidad ng paggawa ay sumaklaw doon sa mga sangay ng produksyon at napamura yaong mga kalakal na may kinalaman sa mga nesesidad ng uring manggagawa bilang mga sangkap sa determinasyon ng halaga ng lakas-paggawa.

Itinataas ang Produktibidad ng Paggawa Para Ibagsak ang Halaga ng Lakas-Paggawa

Ang halaga ng mga kalakal ay baliktad ang proporsyon sa produktibidad ng paggawa. Sila’y parang nakasakay sa “see-saw”. Habang papataas ang produktibidad, pabagsak naman ang halaga ng mga kalakal. Ganoon rin ang halaga ng lakas-paggawa sapagkat depende ito sa halaga ng mga kalakal. Kaya nga’t kung pinatataas ng makinarya ang produktibidad ng paggawa, kasabay na pinamumura ng makinarya ang manggagawa!

Kung ang “halaga ng kalakal” at “produktibidad ng paggawa” ay mistulang nakaupo sa magkabilang dulo ng “see-saw”, ang “relatibong sobrang paggawa” ay nakaangkas naman sa likod ng “produktibidad ng paggawa”. Sumasabay ito sa pagtaas at pagbaba ng produktibidad ng paggawa. sa kabilang dulo, ang “halaga ng lakas-paggawa” ay nakaangkas naman sa “halaga ng mga kalakal”. Sumasabay rin sa pagtaas at pagbaba ng halaga ng mga kalakal.

Nasa kalikasan ng kapitalismo ang palagiang tendensyang pataasin ang produktibidad ng paggawa para mapamura ang mga kalakal. Ito ang dambuhalang kabalintunaan ng kapitalismo: Itataas ang produktibidad ng paggawa para ibagsak ang halaga ng paggawa! Ibabagsak ang halaga ng lakas-paggawa para mapahaba ang di-bayad na paggawa at mapaiksi ang bayad na paggawa.

Sinasagot nito ang “kontradiksyong” ang pinagnanasaan ng mga kapitalista, sa unang malas, ay ang “halaga” ng mga kalakal dahil ito ang nirerepresenta ng kwarta. Pero sa praktika, di sila tumitigil sa pagsisikap na ibaba ang “halaga” ng mga kalakal.

Ang totoo’y walang interes ang kapitalista sa direktang halaga ng isang kalakal. Ang pinag-iinteresan lang niya ay ang sobrang-halagang mapipiga sa kalakal na kanyang maibubulsa kapag naipagbili na ang kalakal.

Kung sa pagmura ng mga kalakal ay babagsak ang halaga ng lakas-paggawa, at kung sa pagbagsak na ito ay hahaba ang sobrang-paggawa na siyang pinanggalingan ng sobrang-halaga, samakatwid, ang mapagpasya para mapalaki ang tubo ay maitaas ang produktibidad ng paggawa.

Ang layunin ng pagsusulong ng produktibidad ng paggawa ay ang pagpapaiksi ng porsyon ng araw ng paggawa na nagtatrabaho ang manggagawa para sa kanyang sarili, at ang pagpapahaba, kung gayon, ng kabilang porsyon na siya’y libreng nagtatrabaho para sa kapitalista.

Magkakaibang Kondisyon sa Determinasyon ng Halaga at Presyo

Kung lohika ang pag-uusapan, madaling maintindihan na bumabagsak ang halaga ng lakas-paggawa sa pagtaas ng produktibidad sa mga industriyang gumagawa ng mga kalakal na kinukonsumo ng manggagawa. Kung bumabagsak ang halaga ng mga ito, at kung ang halaga ng ganitong mga kalakal ang nagtatakda sa halaga ng lakas-paggawa, lohikal ang kongklusyong kapag ito’y nagaganap, katumbas na bumabagsak ang halaga ng lakas-paggawa. Madali ring maintindihan na kung lumalaki ang sobrang-halaga nang hindi naman humahaba ang araw ng paggawa, ibig sabihin, ang humahaba ay ang libreng paggawa dahil umiiksi ang bayad na paggawa.

Ang mahirap maintindihan ay kung paanong ipaliliwanag na bumabagsak ang “halaga” ng lakas-paggawa gayong sa totoong buhay ay di naman “nababawasan” ang sahod ng manggagawa. Nararamdaman ng manggagawa na bumabagsak ang halaga ng kanyang sahod. Pero ang kumon na karanasan ay hindi naman ito binabawasan. Nadagdagan pa nga ang kanyang natatanggap na bayad kapag nagbibigay ng umento ang kapitalista.

Sa karanasan, bumabagsak ang halaga ng sahod, pero hindi dahil nagmumura ang mga kalakal. Kahit tumataas ang produktibidad, hindi nagmumura ang presyo ng mge nesesidad ng manggagawa. Tuluy-tuloy ang pagtaas. Kaya’t sa persepsyon ng manggagawa, bumabagsak ang halaga ng lakas-paggawa dahil tumataas ang presyo ng mga bilihin. Hindi pa dahil bumabagsak ang halaga ng mga kalakal bunga ng pagtaas ng produktibidad.

Isang ugat ng kalituhan ay dahil napagpaparehas ang pag-intindi sa “halaga” ng lakas paggawa at “presyo” nito, at gayundin, ang kanilang transpormasyon sa anyo ng “sahod”. Isa pa’y ang kumplikasyong nililikha ng sariling pagbabago ng halaga ng “salapi” nang hiwalay sa pagbabago ng halaga ng mga kalakal.

Bagamat mahigpit na magkaugnay, magkaiba ang “halaga” at “presyo” ng mga kalakal. Ang “halaga” ng isang kalakal ay itinatakda ng kantidad ng paggawa na kailangan para sa produksyon nito. Ang “presyo” ay ang anyo-sa-salapi (money-form) ng “halagang” ito ng kalakal dahil ang “salapi” ang unibersal na ekspresyon ng “halaga” ng mga kalakal.

Bilang ekspresyon ng “halaga”, ang “presyo” ay maaring hindi eksaktong sumasalamin sa tunay na “halaga” ng kalakal.. Kapag humarap ang isang tao sa isang salamin, hindi garantisado na ang makikita niyang repleksyon ay eksaktong replika ng kanyang itsura. Ito’y kumporme sa kalidad ng salamin. Ang repleksyon ay hindi laging parehas ng realidad.

Halimbawa, nadagdagan ang salaping umiikot sa lipunan dahil dinamihan ng gubyerno ang pag-imprenta at pinaiikot nito nang hindi katumbas ng pag-unlad sa produksyon. Ang tendensya ay tumaas ang presyo ng mga kalakal kahit di nagbabago ang nilalamang halaga ng mga kalakal. Ang nagbago ay ang “halaga ng salapi” at hindi ang “halaga ng kalakal”. Dahil dito ay magbabago ang “presyo ng mga kalakal”.

Isa pang dahilan ay ang pagbabago sa relasyon ng suplay at demand. Kung kumonti ang demand para sa isang kalakal kumpara sa suplay, ang tendensya ay magmura ang kalakal na ito kahit di nagbabago ang nilalaman nitong halaga. Kung lumaki naman ang demand kumpara sa suplay, ang tendensya ay magmahal ang kalakal kahit hindi rin nagbabago ang halaga nito sa produksyon. sa madaling salita, may sariling galaw ang presyo na independyente sa pagbabago ng halaga ng kalakal, patunay na magkaiba ang presyo at halaga ng mga kalakal.

Isa pang dahilan ay ang manipulasyon sa presyo bunga ng kawalan ng kompetisyon, pag-iral ng mga monopolyo, ispekulasyon, atbp. Ayon nga sa isang propeta ng globalisasyon, ang 75 porsyento ng presyo ng karaniwang mga kalakal sa mundo ay hindi batay sa halaga nito sa produksyon kundi batay sa ibang salik, pangunahin dito ang ispekulasyon at manipulasyon sa halaga ng salapi at presyo ng mga susing kalakal.

Gayunman, alinsunod sa batas ng halaga at palitan ng mga kalakal, ang “presyo” ay dapat tumutugma sa “halaga” ng isang kalakal. Bagamat ito ang natural na tendensya ng “presyo” at ang pwersa ng tendensyang ito ay ang batas ng kompetisyon, mas madalas, hindi ito tumutugma dahil naman sa pwersa ng batas ng suplay at demand at iba pang mekanismo sa merkado.

Sa madaling salita, dalawang saligang batas ang nagdedetermina sa presyo. Isa’y ang batas ng kapitalistang kompetisyon. Ikalawa’y ang batas ng suplay at demand.

Ang presyo ay minsa’y mataas, minsa’y mababa, minsa’y tugma sa tunay na halaga ng kalakal. Ang ganitong galaw ng presyo na independyente sa pagbabago ng halaga ng kalakal ay resulta ng suplay at demand, o ng mismong suplay ng salapi bilang independyenteng kalakal. Pero dahil naman sa batas ng kompetisyon na humuhugis sa porma ng labanan sa pamurahan ng produkto, ang tendensya ay hilahin ang presyo patungo sa tunay na halaga ng mga kalakal. Ito ang tinatawag ng mga ekonomista na “natural na presyo” (natural price), at ito ang tumutugma sa halaga ng kalakal.

Dahil ang lakas-paggawa ay isang kalakal, saklaw ito ng mga batas ng kapitalismo hinggil sa halaga at presyo. Magkaiba rin ang “halaga” at “presyo” ng lakas-paggawa, at iba pa ang mismong “sahod” ng manggagawa.

Pagkakaiba ng Sahod sa Presyo at Halaga ng Lakas-Paggawa

Ang karaniwang impresyon ay kapag bumagsak ang “halaga” ng lakas-paggawa, ang awtomatikong kahulugan nito ay lumiit ang natatanggap na “sahod” ng manggagawa. Ibig sabihin, nagmura ang “presyo” ng lakas-paggawa.

Ang pagbagsak ng halaga ng lakas-paggawa ay hindi awtomatiko at eksaktong nangangahulugan ng pagliit ng umiiral na sahod. Maari pa nga itong mangahulugan na dumami ang nabibili ng dating halaga ng kanyang sahod kung nagmura ang presyo ng mga kalakal. sa ganitong epekto, tumaas ang totoong sahod (real wage) ng manggagawa bagamat bumagsak ang halaga ng kanyang lakas-paggawa at di nagbago ang natatanggap na nominal na sweldo (nominal wage).

Kapag bumagsak ang halaga ng lakas-paggawa, ang ibig sabihin nito ay nabawasan ang kabuuang oras ng produksyon ng mga kalakal na kanyang kinukonsumo. Kaiba ito sa nabawasan ang nabibiling mga kalakal ng kanyang tinatanggap na sahod. Wala itong awtomatikong implikasyon na bumagsak ang sahod – ang ekspresyon nito sa salapi (nominal wage) o ang aktwal na nabibili nitong mga produkto (real wage).

Gaya ng ibang kalakal na magkaiba ang presyo sa kanilang halaga, di dapat pagtakhan na hindi parehas ang presyo ng lakas-paggawa sa kanyang tunay na halaga, at gayundin, di dapat pagtakhan kung hindi tugma ang sahod sa presyo at halaga ng lakas-paggawa.

May kaibhan pa ang aktwal na sahod sa mismong presyo at halaga ng lakas-paggawa. Ang sahod ay ang kabuuang kabayarang tinatanggap ng manggagawa na dapat ay kumakatawan sa presyo ng lakas-paggawa. Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay nagtutugma ang sahod sa presyo ng paggawa gaya ng hindi nagtutugma ang presyo ng lakas-paggawa sa kanyang halaga.

Halimbawa, kung ang arawang halaga ng lakas-paggawa ay P250 na katumbas ng 4 na oras paggawa, at kung ang araw ng paggawa ay 8 oras, ang presyo ng isang oras na pagtatrabaho (working hour) ay lalabas na P31.25 (Formula: average daily value of labor-power/average number of hours in the working day = average price of labor).

Pwedeng manatiling parehas ang arawang sahod kahit bumabagsak ang presyo ng paggawa. Halimbawa, kapag ginawang 10 oras ang araw ng paggawa, babagsak ang por orang presyo ng paggawa sa P25, at kung ginawang 12 oras, ni hindi ito aabot sa P21. Ganito ang kalakaran sa mga kompanyang di sumusunod sa batas ng 8-oras na paggawa at di nagbabayad ng overtime.

Pwede rin namang baliktad ang mangyari. Tumataas ang sahod kahit hindi nagbabago ang presyo ng paggawa, o bumabagsak pa nga. Halimbawa, kapag ginawang 10 oras ang trabaho nang parehas ang por orang presyo ng paggawa (P31.25), tataas ang sahod sa P312.50 o sa P375 kung ginawang 12 oras ang trabaho. Kung bumagsak ang por orang presyo ng paggawa sa P30 pero ginawang 10 oras ang araw ng paggawa, P300 ang magiging sahod ng manggagawa. Mas malaki sa dating P250, bagamat bumagsak ang por orang presyo nito.

Kung nagbabayad ng “overtime” ang kapitalista, ang batayan ng “overtime rate” ay ang regular na por orang presyo ng paggawa. Kung P31.25 ang presyo, lalagyan ito ng 10 porsyentong “premium”, kaya’t magiging P34.37 ang bayad para sa bawat oras ng lampas sa regular na oras. Ang magiging kabuuang sahod ng manggagawa kung 10 oras ang kabuuang trabaho ay P343.7 at P412.44 kung 12 oras. sa regular na oras, ang libreng paggawa ay katumbas ng P31.25 o 30 minutos. sa overtime, ang libreng paggawa ay katumbas ng P28.13 o nasa 27 minutos.

Balikan natin ngayon kung paanong kahit hindi binabawasan, o dinadagdagan pa nga ang tinatanggap na sahod ng manggagawa ay bumabagsak ang halaga ng lakas-paggawa bunga ng tumataas na produktibidad.

Kung P250 ang arawang sahod ng manggagawa, sinabi nating ang por orang presyo nito ay P31.25. Pero ang presyong ito ng isang oras na pagtatrabaho ay kaiba sa halagang nalilikha ng isang oras na paggawa. Ang isang oras na paggawa ay lumilikha ng halagang P62.50 (use-value) pero ang presyo nito ay P31.25 (exchange-value). Ang sahod ay P250 lang dahil ang halaga ng lakas-paggawa ay katumbas lang ng halaga ng nesesidad ng manggagawa na ang laman na paggawa ay 4 na oras.

Kung bunga ng pagtaas ng produktibidad ay naging 3 oras na lang imbes na 4 ang nilalamang paggawa ng mga nesesidad ng manggagawa, babagsak rin sa 3 oras ang halaga ng lakas-paggawa.

Kung parehas pa rin ang halaga ng salapi, ang 3 oras na ito ay nagkakahalaga na lang ng P187.50.

Kung hindi binawasan ang tinatanggap na sahod ng manggagawa – nasa P250 pa rin – ibig bang sabihin ay mataas ng isang oras ang presyo ng paggawa sa kanyang tunay na halaga?

Ipagpalagay natin para mapasimple ang kwenta na lahat ng kalakal na kinukunsumo ng manggagawa ay kinakatawan ng Kalakal A. Ang presyo nito ay P250 bago tumaas ang produktibidad. Ang P250 na ito ay produkto ng apat na oras na paggawa. Dalawang oras nito ay ang lumang paggawa (halaga ng nakonsumong kagamitan sa produksyon). Dalawang oras naman ang sa aktwal na paggawa para maging yaring produkto.

Ipagpalagay natin na bawat manggagawa ng kapitalista ng kalakal na ito ay nakakagawa ng 4 na piraso sa 8 oras na paggawa. Ang kanyang benta ay P1,000 para sa apat na piraso. Kung 2 oras ang katumbas ng kagamitan sa produksyon para sa isang piraso, ibig sabihin, P500 sa P1,000 ay pamalit sa ganitong gastos. Dahil ang pasahod sa manggagawa ay P250, ibig sabihin, ang natitirang P250 ang tubo ng kapitalista.

Ipagpalagay natin na tumaas ang produktibidad ng paggawa ng kalakal na ito. Imbes na 1 piraso bawat 2 oras ay napaiksi ito sa 1 oras, imbes na 4 na piraso sa isang araw ng paggawa ay naging 8 piraso. Ang nilalamang bagong halaga ng 8 piraso sa bagong produktibidad ay parehas pa rin ng nilalamang bagong halaga ng 4 na piraso sa lumang produktibidad.

Pero madodoble ang nilalaman nitong lumang paggawa dahil nadoble ang makokonsumong kagamitan sa produksyon. Kung dati’y walong oras, ito’y magiging 16 na oras para sa 8 piraso. Ibig sabihin, ang constant capital ay tataas sa P1,000 mula sa P500..

Hindi man nagbago ang nilalamang bagong paggawa ng 8 piraso (8 oras pa rin) kahit nadoble ang produktibidad, iiksi naman ang nilalamang bagong paggawa ng bawat piraso. Mababawasan ito ng kalahati.

Mula sa 2 oras, magiging 1 oras na lang ang nilalamang bagong paggawa ng bawat piraso. Imbes na 4 na oras, magiging 3 oras na lang ang kabuuang nilalamang paggawa (2 oras pa rin para sa kagamitan sa produksyon at 1 oras na lang para sa aktwal na paggawa). Ibig sabihin, bumaba ng 25 porsyento ang halaga ng kalakal na ito. Kung susunod ang presyo sa pagbaba ng halaga, mula P250 ay babagsak ito sa P187.50.

Kung ang halaga ng nesesidad ng manggagawa ay 3 oras na lang ang paggawa, ibig sabihin, 3 oras na rin lang dapat ang halaga ng lakas-paggawa. Kung 3 oras na lang ang halaga nito, ibig sabihin, madadagdagan ng 1 oras ang sobrang paggawa, magiging 5 oras. Makikinabang ang lahat ng kapitalista. Tataas ng 25 porsyento ang pangkalahatang tantos ng sobrang-halaga ng uring kapitalista.

Ang problema ay kung babawasan ng 25 porsyento ang tinatanggap na nominal na sahod ng mga manggagawa, siguradong sisiklab ang rebolusyon. Kung hindi naman babawasan ang sahod ng manggagawa – pananatilihin ito sa P250 imbes na ibagsak ito sa P187.50 – lalabas na mataas ng 25 porsyento ang presyo ng lakas-paggawa sa kanyang tunay na halaga.

Ano ang implikasyon kung mataas ng 25 porsyento ang presyo ng paggawa sa kanyang tunay na halaga? Balewala ang pagtaas ng produktibidad sa punto de bista ng interes ng uring kapitalista. Kung mananatiling P250 ang sahod ng manggagawa, ibig sabihin, mananatiling 4 na oras ang nilalaman nitong halaga.

Kung apat na oras ang nilalaman nitong halaga, ibig sabihin, kahit ang mga kapitalista na gumagawa ng nesesidad ng manggagawa ay di makikinabang sa itinaas ng produktibidad ng kanilang mga industriya. Mananatiling kalahati ng araw ng paggawa – 4 na oras – ay para pa rin sa obligadong paggawa, para sa benepisyo ng manggagawa.

Kung ibinenta ang Kalakal A sa halagang P187.50, dapat ay bumagsak ang halaga ng lakas-paggawa sa P187.50. Pero kung mantinadong P250 pa rin ang sahod ng manggagawa (at di nagbabago ang halaga ng salapi), siya mismo ay walang pakinabang sa itinaas na produktibidad.

Kwentahin natin ang kanyang magiging tubo kung mananatili sa P250 ang sahod ng kanyang manggagawa gayong ang halaga ng nesesidad ay bumagsak sa P187.50.

Sa presyong P187.50, ang kanyang kabuuang benta ay P1,500. sa halagang ito, P1,000 ay para sa nagastos na constant capital. Ang balanseng P500 ang bagong halagang nalikha. Ang kalahati nito, P250 ay para sa sahod ng manggagawa. Ibig sabihin, P250 lang ang sobrang-halaga. Hindi lumaki kumpara sa dating tubo sa dating produksyon. Balewala ang pagtaas ng kanyang produksyon. Dumami ang kalakal. Walang nadagdag na tubo.

Pero kung ibabagsak ang halaga ng lakas-paggawa sa P187.50, ang sobrang-halaga ay tataas sa P312.50, madadagdagan ng P62.50 dahil nadagdagan ng isang oras na sobrang-paggawa. Ang P312.50 na sobrang-halaga ay kumakatawan sa 5 oras na sobrang-paggawa at ang P187.50 ay kumakatawan sa 3 oras na obligadong paggawa.

Kung babagsak ang halaga ng lakas-paggawa sa tatlong-oras o sa presyong P187.50, lahat ng kapitalista ay makikinabang. Ang pangkalahatang tantos ng sobrang-halaga ay tataas ng 25 porsyento o madadagdagan ng isang oras na sobrang-paggawa.

Bawasan man ng P62.50 ang nominal na sahod ng manggagawa, hindi naman apektado ang kanyang tunay na sahod (real wage) dahil parehas pa rin ang mabibiling kantidad at kalidad ng mga kalakal, kaparis pa rin ng dati. Ang problema ay maghihimagsik ang mga manggagawa kung babawasan ang kanilang sahod. Ang garapalang implikasyon nito ay ganap na inaalisan ang uring manggagawa ng karapatang umasenso kahit umuunlad ang produksyon ng lipunan.

Imbes na bawasan ang sahod, may simpleng solusyon sa ganitong problema na hindi mahahalata ng manggagawa: Ibagsak ang halaga ng salapi. Ibig sabihin, ang mabibili ng salaping P250 ay nagkakahalaga na lang ng P187.50. Kahit isang kusing ay hindi binawasan ang nominal na sahod ng manggagawa, pero ang tunay nitong halaga ay bumagsak.

Ibig sabihin, ang salaping P250 ay makakabili na lang ng halagang P187. Hindi rin ibinaba ang nominal na presyo ng mga nesesidad ng manggagawa. Parehas pa rin ng dati, P250 pa rin, o baka tumaas pa. Pero bumagsak ang kanilang tunay na halaga dahil sa pagtaas ng produktibidad.

Ito ang sinasabi ng mga manggagawa na bumabagsak ang halaga ng kanilang sahod dahil tumataas ang presyo ng mga bilihin. Totoong tumataas ang mga presyo pero hindi ibig sabihin nito ay hindi tumataas ang produktibidad ng lipunan o hindi bumabagsak ang tunay na mga halaga ng mga kalakal. Tumataas ang kanilang “presyo” pero nagmumura ang kanilang “halaga”. Mas mataas ngayon ang “presyo” ng isang kilo ng bigas kaysa noong 1970, pero kung tutuusin, mas mura ang “halaga” nito ngayon dahil mas maiksi ang oras ng paggawa ng isang kilong bigas dahil sa pagtaas ng produktibidad ng magbubukid.

Bukod sa batas ng suplay at demand, ang malaking dahilan nito ay ang pagbabago sa halaga ng salapi. Pero hindi ibig sabihin na pinararami ng gubyerno ang salaping iniimprenta at pinaiikot nito sa lipunan dahil intensyunal nitong pinababagsak ang tunay na sahod ng manggagawa o para hindi mahalata ng mga manggagawa ang pagbagsak ng halaga ng lakas-paggawa.

Talagang pinararami ng gubyerno ang suplay at sirkulasyon ng salapi kapag tumataas ang produktibidad ng ekonomya. Obligadong paramihin ito para ipambili sa dumaraming mga kalakal. Kapag kapos ang suplay ng salapi sa demand para rito, ang tendensya ay bumagsak ang presyo ng mga kalakal. Kapag sumobra naman ang suplay ng salapi sa demand para rito, ang tendensya ay tumaas ang presyo. May sitwasyon rin na pinalalaki ang sirkulasyon ng salapi kahit tumutumal ang produksyon ng lipunan. Pinararami ito para pasikarin ang demand at produksyon..

Paano itinatakda o sinusukat ang halaga ng salaping papel? Dati’y nakabatay ito sa ginto o pilak. Ang salaping papel ay simbolo ng reserbang ginto (o pilak) ng gubyerno. Ang pagpapalabas ng salaping papel ng estado ay nililimitahan ng kantidad ng ginto (o pilak) na hawak nito. Kung ang kantidad ng salaping papel ay doble ng halaga ng gintong reserba ng gubyerno, magiging P200 ang ekspresyon ng halagang dating kinakatawan ng dating presyong P100.

Sa ngayon, ang halaga ng piso ay hindi na nakabatay sa ginto kundi sa dolyar. Ang dolyar naman ay hindi na rin nakabatay sa ginto kundi sa pakiramdaman sa takbo ng ekonomya ng US. Kapag nagbago ang palitan ng piso sa dolyar, apektado ang presyo ng mga kalakal kahit hindi nagbabago ang halaga ng mga kalakal. Pwedeng tumaas ang presyo ng mga kalakal kahit bumabagsak ang halaga ng mga ito dahil sa pagbabago ng halaga ng salapi.

Ang kantidad ng salaping umaaktong behikulo ng sirkulasyon ay itinatakda ng sumada ng mga presyo ng mga kalakal na ipinagbibili, ng karaniwang bilis ng sirkulasyon ng salapi at ng pagbabagu-bago ng mga presyo ng mga kalakal.

Ang kabuuang presyo ng mga kalakal ay batay sa kantidad ng mga kalakal na nasa sirkulasyon. Halimbawa, kung ang isang kilo ng isang klase ng bigas ay P20, ibig sabihin, ang100 kilo nito ay P2,000, ang 200 kilo ay P4,000, atbp. Ibig sabihin, ang kantidad ng salapi na ipinapalit sa bigas, kapag ito’y ibinebenta, ay dapat dumami habang dumarami ang kantidad ng bigas.

Ang bilis naman ng sirkulasyon ng salapi ay kung ilang beses gumampan ang isang denominasyon ng pera ng sirkulasyon. Halimbawa, ang 5 kilong bigas ay ibinenta ng P100; ang P100 rin na ito ay ibinili ng 2 yarda ng tela; ang P100 rin na ito ay ibinili ng 1 litrong alak. Sa kasong ito, 3 kalakal ang pinagalaw ng parehas na pirasong salapi na nagkakahalaga ng P100 pero ang kabuuang halaga ng presyong binayaran nito ay P300. Ang P100 ay gumampan ng 3 akto ng sirkulasyon.

Ang galaw ng presyo, ang dami ng mga kalakal at ang bilis ng sirkulasyon ng salapi ay maaring magbago sa magkakaibang direksyon sa magkakaibang kondisyon. Samakatwid, ang kantidad ng salaping pinakakawalan sa sirkulasyon ay magbabago kumporme sa iba’t ibang epekto ng kombinasyon ng pagbabago ng tatlong salik na ito.

Ang batas ng suplay at demand na saligang salik sa galaw ng presyo ay pangunahing umaapekto rin sa presyo ng lakas-paggawa. Gaya ng ibang kalakal, kapag sobra ang suplay ng lakas-paggawa sa lipunan, ang epekto nito ay pabagsakin ang presyo nito ng mababa sa kanyang tunay na halaga.

Ito ang talamak na kalagayan sa mga bansang gaya ng Pilipinas na napakalaking bahagi ng populasyon ay walang sapat at tiyak na trabaho. Ang mas malaking problema ay hindi pa ang mismong pag-iral ng kapitalismo kundi ang atrasadong pag-unlad nito bunga ng dominasyon ng imperyalistang kapital. Hindi ganap na makagalaw ang likas na pang-ekonomyang mga batas ng kapitalistang sistema ng produksyon dahil sinasakal at kinukubabawan ito ng monopolista at pinansyal na kapital sa namamanginoon sa mundo.

Ang paghihikahos ng masang anakpawis sa mga bansang gaya ng Pilipinas ay kapwa resulta, sa isang panig, ng pag-iral ng kapitalismo bilang naghaharing sistema ng produksyon, at sa kabilang panig, ng atrasadong pag-unlad nito bunga ng dominasyon ng internayunal na kapital ng mga bansang imperyalista. sa isang banda, nariyan ang milyun-milyong mga manggagawa sa mga planta at plantasyon at iba pang sektor ng ekonomya na pinasasahuran ng mababa sa tunay na halaga dahil ang kapitalismo sa Pilipinas ay lubusang nakaasa sa murang lakas-paggawa. Sa kabilang banda, nariyan ang mas malaking bilang ng nakatiwangwang ng pwersa sa paggawa na di magawang produktibo dahil sa atrasadong katangian ng kapitalismo sa bansa.

Sobrang-Paggawa at Sobrang Manggagawa, Aktibo at Reserbang Hukbo ng Paggawa

Ang direktang implikasyon ng pagbagsak ng halaga ng lakas-paggawa ay hindi ang intensipikasyon ng paghihikahos ng uring manggagawa sa anyo ng pagbagsak ng halaga ng kanilang sahod. Ang mas direktang implikasyon nito ay ang paglago ng tubo ng uring kapitalista at ang akumulasyon ng kapital, at ang ganap na pangingibabaw ng kapitalistang sistema.

Ang kahulugang ito ng pagbagsak ng halaga ng lakas-paggawa – ang paglago ng kayamanan sa kamay ng uring kapitalista – ang may direktang implikasyon sa pagtindi ng paghihikahos ng uring manggagawa. Ibig sabihin, ang mismong kabuuang sistema ng kapitalismo ang pinag-uugatan ng miserableng kalagayan ng uring manggagawa, ang mismong sistema ng sahurang-paggawa at sahurang pang-aalipin, at hindi lang ang problema ng kakapusan ng kanilang sahod.

Integral sa implikasyong ito ng pagbagsak ng halaga ng lakas-paggawa ang realidad na anumang pagsulong ng produktibidad ng kapitalistang sistema, mananatili ang manggagawa sa kanyang miserableng kalagayan at katayuang panlipunan bilang sahurang-alipin ng kapital. Ito’y sapagkat habang umuunlad ang produktibidad ng paggawa, ang lumalago ay ang kapital sa kamay ng uring kapitalista. Ang pinahahaba ay ang panahon ng libreng pagtatratrabho ng uring manggagawa para sa benepisyo ng uring kapitalista habang pinaiiksi ang panahon ng kanyang pagtatrabaho para sa kanyang pamilya.

Kung para mapalaki ang tubo ay kailangang mapaiksi ang obligadong-paggawa at mapahaba ang sobrang-paggawa, ang ultimong implikasyon nito ay hindi lang ang paglago ng sobrang-halaga kundi ang paglago ng sobrang populasyon ng uring manggagawa na hindi sapat at hindi tiyak ang hanapbuhay. Ang implikasyon nito ay sobrang suplay kaysa demand ng kapitalistang lipunan para sa lakas-paggawa, at ang karugtong nitong kahulugan ay hindi na lang ang halaga ng lakas-paggawa ang bumabagsak kundi ang mismong presyo ng uring manggagawa. Dapat maunawaan na ang demand para sa paggawa ay hindi katumbas ng paglago ng kapital, at gayundin, ang suplay ng paggawa ay hindi katumbas ng pagdami ng uring manggagawa.

Para mapaiksi ang obligadong-paggawa at mapalaki ang produksyon ng relatibong sobrang-halaga, obligadong paunlarin ang produktibidad ng paggawa. Ang ibig sabihin nito ay paunlarin ang teknikal na pundasyon ng proseso ng paggawa na ang awtomatikong kahulugan ay katumbas ng pagbabago sa teknikal na komposisyon ng kapital.

Sa pagsulong ng akumulasyon ng kapital, ang proporsyon ng kapital para sa kagamitan sa produksyon (constant capital) at kapital para sa sahod ng manggagawa (variable capital) ay magbabago. Kung dati’y ang proporsyon ay 1:1, tuluy-tuloy itong magbabago, magiging 2:1, 3:1, 4:1, 5:1, atbp. Ibig sabihin, habang lumalago ang kapital, imbes na 1/2 ay 1/3, 1/4, 1/5, atbp. ng kabuuang halaga nito ang para sa variable capital habang ang 2/3, 3/4, 4/5, atbp. ang nilalaan para sa constant capital.

Sapagkat ang pangangailangan o demand para sa paggawa ay dinidetermina, hindi ng kabuuang kapital, kundi ng porsyon lang nito para sa pasahod, samakatwid, ang “demand” para sa paggawa ay bumabagsak habang lumalago ang kapital imbes na proporsyonal na tumaas kaagapay ng akumulasyon ng kapital.

Kung lumalaki man ang kapitalisasyon para sa lakas-paggawa bunga ng paglago ng kabuuang kapital – bagamat mas malaki ang inilalaki ng kapitalisasyon para sa kagamitan sa produksyon – ang epekto pa rin kapag tumataas ang produktibidad ay ito: Una, ang mas malaking variable capital ay pinagagalaw ang mas malaking paggawa nang hindi gumagamit ng mas maraming manggagawa; Ikalawa, gumagamit ng mas malaking paggawa sa parehas na dami ng manggagawa; Ikatlo, gumagamit ng mas maraming imperyor na lakas-paggawa (unskilled o semiskilled labor) na ipinapalit sa bihasang paggawa (skilled labor)

Ito ang ibig sabihin ng ang suplay ng paggawa ay hindi katumbas ng bilang ng uring manggagawa. Ang isang manggagawa ay maaring isuplay ang paggawa ng dalawa, dalawampu, o dalawang daang manggagagawa depende sa pagsulong ng produktibidad ng paggawa.

Ang paglago ng kapital ay mangangahulugan ng pagsakop nito ng paparaming mga sangay industriya, paglikha ng mga bagong industriya, at dominasyon sa bawat industriya. sa panahong ito ng ekspansyon ng kapital, maaring lumalaki ang pangangailangan para sa paggawa.

Pero kapag nalubos na ang pananakop – nagpapaspasan na ang mga kapitalista sa kompetisyon sa pamamagitan ng pagpapataas ng produktibidad – lilitaw na ang naturalesa ng kapital. Ang natural na tendensya nitong palakihin ang kapitalisasyon para sa kagamitan sa produksyon at paliitin ang kapitalisasyon para sa pagbili ng lakas-paggawa. Ito ang kahulugan ng pagsusulong ng produktibidad ng paggawa – mas kaunting paggawa, mas maraming produkto. Habang lumalaganap ang mekanisasyon sa bawat sangay ng industriya, tumataas ang produktibidad pero nagmumura ang uring manggagawa.

Sa madaling salita, ang uring manggagawa ang lumilikha ng sobrang-halaga para sa akumulasyon ng kapital, at kasabay nito, ay nililikha niya ang kondisyon para ang papalaking seksyon ng kanyang myembro ay mapabilang sa nakatiwangwang na sobrang populasyon ng kapitalistang sistema ng produksyon.

Kung ang sobrang populasyon ng manggagawa ay di maiiwasang produkto ng akumulasyon ng kapital, ang sobrang populasyong ito ay siya ring nagiging kasangkapan ng kapitalistang akumulasyon. Para bang sinasadya nito ang pagbubuo ng isang “reserbang hukbong industriyal” na laging nakaabang sa mga sandaling kailanganin at ipatawag sila ng mga kapitan ng industriya sa mga panahon ng ekspansyon. Isang reserbang hukbo ng murang paggawa na laging nakahandang ialay ang kanilang sarili sa altar ng sahurang-pang-aalipin.

Sa paglitaw at paglaki ng “reserbang hukbong” ito ng paggawa, magsisilbi rin itong “hagupit” ng uring kapitalista sa “aktibong hukbo ng paggawa” na kasalukuyan nilang ginagamit. Ang mga walang trabaho ay nagsisilbing “kompetisyon” sa mga may trabaho na pumayag sa mga kondisyones ng uring kapitalista sa pasahod, benepisyo at istandard sa paggawa dahil napakaraming handang pumalit mula sa reserbang paggawa. Inilulugmok ng kapital ang isang bahagi ng uring manggagawa sa kawalang trabaho sa pamamagitan pagtambak ng trabaho sa isang seksyon nito, habang hindi naman makapagreklamo ang kinukuba sa trabaho dahil napakarami ang handang humalili at pumasan nito magkaroon lang ng ikabubuhay na sweldo.

Ang pagtaas ng produktibidad ng paggawa at paglago ng kapitalistang produksyon ay resulta ng pagpasok nito sa mekanisadong paggawa. sa pagkakaimbento ng modernong makinarya, dapat sana’y sumulong ang sangkatauhan at sibilisasyon sa isang bagong panahong ang paghihikahos ng mayorya ng populasyon ay sana’y alaala na lang ng mga lumipas na antigong mga lipunan.

Dahil sa walang kaparis na pagsulong ng produktibidad ng paggawa bunga ng makinarya, tapos na dapat ang kakapusan sa mga saligang nesesidad ng masang anakpawis at hinawan dapat nito ang landas para sa masagana, maginhawa at panatag na kabuhayan ng bawat tao sa lipunan. Pero hindi ganito ang nangyari.

Imbes na maging instrumento ang modernong makinarya ng pagginhawa ng buhay ng buong sangkatauhan, ito’y nanatiling instrumento ng pagsasamantala sa paggawa ng buong lipunan para sa akumulasyon ng tubo at kapital. Lalong lumala ang paghihikahos ng mayorya ng tao sa buong daigdig habang lumitaw naman ang isang uri na walang kaparis sa kasaysayan ang pag-aaring kayamanan.

Kung tutuusin, daig ng modernong mga panginoong may-ari ng kapital ang sinaunang mga panginoon ng antigong mga lipunan. Ang magkabilang kamay ng kapitalista ay may hawak na dalawang latigo para hagupitin ang uring manggagawa sa ilalim ng sistema ng sahurang-pang-aalipin. sa kaliwang kamay ay ang “reserbang hukbong industriyal”. sa kanang kamay ay ang “modernong makinarya”. Itinataas ng makinaryang ito ang produktibidad ng paggawa habang pinamumura ang uring manggagawa.

Walang komento: