Linggo, Hunyo 15, 2008

IV - Salapi Bilang Panginoon sa Lupa

Tsapter IV

SALAPI BILANG PANGINOON SA LUPA

Makapangyarihang Piraso ng Papel

Dito sa lupa, ang salapi ay isang kapangyarihang nakalukob sa bawat tao. Mistulang Diyos na sinasamba sa lipunan. Animo’y siyang nagpapagalaw sa mundo. Mahalaga ang maintindihan natin ang papel ng “kwarta” sa lipunan sa pag-aaral ng “halukay ng bituka” at “halang na kaluluwa” ng kapitalismo.

Sa persepsyon ng manggagawa, dahil makwarta ang kapitalista, siya’y nagiging panginoon sa lipunan. Pero bago pa nagkaroon ng kapitalista sa lipunan, matagal nang umiiral ang pera sa mundo. Ang usapin, samakatwid, ay paano ginamit ng kapitalista ang kwarta – paano tinatransporma sa kapital – para tanghalin siyang panginoon sa buong lipunan.

Sa ating lipunan, libre ang huminga ng hangin pwera na lang kung ikaw ay nasa ospital at naghihingalo. Libre rin ang magpainit sa sikat ng araw pwera na lang kung ikaw ay nasa pribadong resort. sa ating lipunan, lahat halos ay binibili at binibenta.

Sa ganitong lipunan, kung wala kang kwarta, kahit ang daming pagkain sa palengke, ikaw ay magugutom. Kung wala kang kwarta, wala kang pambili. Kung wala kang ipinagbibili, wala kang kwarta. Kaparis ng sistema ng sahurang-paggawa, ang tanong ay natural bang ganito ang lipunan: Ang diktahan ang buhay ng tao ng kapangyarihan ng kwarta?

Bungkos lang ng papel ang kwarta. Pwede ngang lukut-lukutin lang sa bulsa. Pero bakit ganito katindi ang kanyang kapangyarihan sa tao at lipunan? Bungkos lang ng papel, pero may kapangyarihang alipinin ang tao. Gawing mapang-alipin ang lipunan. Ano ba ang papel sa lipunan ng kwarta at mistulang ito ang hari sa mundo?

Kasaysayan ng Kwarta

Gaya ng sinambang mga anito ng primitibong panahon na gawa-gawa lang naman ng mga tribo, gawa-gawa rin ng tao ang kwarta na ngayon ay pinapanginoon ng modernong lipunan.

Noong unang panahon, limitadong-limitado pa ang produksyon ng lipunan. Wala pang gaanong produktong ipinagpapalit ang tao sa isa’t isa. Kaya’t walang namamagitang pera sa kanilang mga relasyon.

Nagpapalitan ng produkto ang mga tao sa sinaunang lipunan. Pero simpleng dinadala lang ito sa palengke at sila’y direktang nagpapalitan ng produkto (barter system). Nagkakasundo sila kung magkatumbas ng “halaga” ang isang kalakal sa isang kalakal. Halimbawa, ang isang palayok sa dalawang manok. Ang tatlong kaing na prutas sa isang pirasong palakol.

Nang umunlad ang produksyon ng lipunan, dumami ang samu’t saring produktong ipinagpapalit. Nagkaroon ng isang bagay na ginawang unibersal na pamalit (universal equivalent) o sukatan ng halaga (measure of value) ng iba’t ibang bagay. sa ganitong kalagayan lumitaw ang pangangailangan sa “salapi” para mapadali ang palitan ng mga kalakal sa lipunan.

Sa simula, mga hayup na gaya ng baka ang ginawang istandard sa palitan. Pero dahil impraktikal, pinalitan ito ng mga metal na gaya ng ginto at pilak. Dito nagsimulang umunlad ang konsepto ng “salapi” hanggang sa umunlad sa anyo ng perang papel, tseke sa banko, credit card, atbp.

Sa sistemang barter ng sinaunang lipunan, personal na nagkakaharap at nag-uugnayan ang direktang mga prodyuser. Ang taong gumawa ng palayok at ang taong nag-alaga ng manok. Ang namitas ng prutas at ang nagpanday ng palakol. Direktang nag-uugnayan ang mga tao bilang mga prodyuser ng kanya-kanyang produkto.

Pero nang maimbento ang salapi, nagsimulang pumagitna ang “bagay” na ito sa direktang relasyon ng mga tao sa lipunan. Nang mangibabaw ang sistema ng produksyong hindi para sa sariling konsumo kundi para sa merkado (commodity production) nalubos rin ang kapangyarihan ng salapi sa lipunan. Tinakpan ng salapi ang relasyon ng mga tao. Nagtago sa likod ng relasyon sa salapi ang mga relasyon ng tao sa lipunan.

Mula nang halos lahat na ng bagay sa lipunan ay binibili at ipinagbibili, naging lubos ang paghahari ng salapi sa relasyon ng tao. Hanggang sa ito ang maging panginoon sa relasyon ng mga tao sa modernong lipunan.

Kung kailan milyong klase ng produkto ang nagagawa na ng tao para tugunan ang kanyang samu’t saring pangangailangan, saka naman parang iisang bagay na lang sa mundo ang kanyang kailangan – kwarta. Ang kwarta ay hindi nakakain, naisusuot o natitirhan. Pero sa pamamagitan ng kwarta, magkakaroon ka ng pagkain, damit, bahay at anupamang kalakal na kailangan para mabuhay at guminhawa.

Kung sobra ang iyong kwarta, masusunod ang iyong luho sa katawan. Kung wala kang kwarta, kahit bumabaha ang mga produkto, mamumuhay ka na parang daga sa imburnal.

Kwarta Bilang Simbolo ng Halaga ng mga Kalakal

Pero kung dadalhin sa gubat ang pera, wala itong saysay. Pwedeng paringas ng apoy o pamunas ng dumi. May silbi lang ito sa isang kalagayang may ipinagbibiling mga kalakal. Ibig sabihin, konektado ang pag-iral nito sa pag-iral ng mga kalakal.

Inimbento ito para sa pasilitasyon ng palitan o sirkulasyon ng mga kalakal. Ito’y walang sariling “halaga” na independyente sa pag-iral ng mga kalakal. Kaya nga’t noong panahon ng Hapon, bumagsak ang halaga ng pera dahil halos walang mabiling kalakal. Tinawag na “Kengkoy money” ang isang supot na pera na pambili ng isang supot ng tinapay.

Ang salapi ay pambili o pambayad hindi lang ng isa o ilang partikular na kalakal kundi ng lahat ng klase ng kalakal. Ibig sabihin, ito ay nagsisilbing unibersal na katumbas ng anumang kalakal sa isang lipunan. Ito ang kinikilalang unibersal na ekspresyon ng halaga para sa mundo ng mga kalakal. sa madaling salita, ang salapi ang kumakatawan sa halaga ng mga kalakal na ginagawa at ipinagbibili sa buong lipunan.

Kung ang halaga ng mga kalakal ang tinutumbasan ng halaga ng salapi, ibig sabihin, ang makwarta sa lipunan ay yaong nagmamay-ari ng mga kalakal na ito – ang uring kapitalista. Ang mahirap ay ang uring manggagawa sapagkat wala silang pag-aaring kalakal kundi ang kanilang lakas-paggawa.

Monopolyo ng mga Gamit sa Produksyon ng Lipunan

Sino ba ang may gawa ng mga kalakal? Ang uring manggagawa. Kung ang kalakal ay yaman na kinakatawan ng salapi, bakit sila ang naghihikahos? Sapagkat hindi sila ang may-ari ng mga kalakal na sila ang may gawa.

Ito ang simpleng paliwanag sa usapin ng karangyaan at kahirapan sa lipunan. Ito ay simpleng usapin ng pagmamay-ari. Hindi ito usapin ng kung sino ang gumagawa ng mga produkto kundi sino ang may-ari ng mga produkto ng paggawa.

Gawa man ng uring manggagawa ang mga kalakal sa lipunan, hindi naman ito kanila. Sapagkat mismo ang kanilang lakas-paggawa ay hindi na nila pag-aari. Nabili na ito ng uring kapitalista sa ilalim ng sistema ng sahurang-paggawa.

Bakit obligado ang uring manggagawa na ipagbili sa uring kapitalista ang kanilang lakas-paggawa? Dahil kailangan nila ng kwarta para mabuhay sa ganitong lipunang lahat halos ay binibili at binebenta. Bakit hindi sila ang gumamit sa kanilang lakas-paggawa? Paano sila magtatrabaho para sa kanilang sarili kung wala silang sariling gamit sa produksyon. Nasaan ang kagamitan sa produksyon? Ito’y monopolyo ng uring kapitalista.

Dahil monopolyo ng uring kapitalista ang mga gamit sa produksyon, sila ang may-ari ng mga kalakal na ipinagbibili sa lipunan. sa kanilang bulsa naiipon ang bulto ng salaping umiikot sa lipunan. Babalik sa uring kapitalista ang kanilang pinasahod sa uring manggagawa dahil ibibili ito ng mga kalakal na ang bulto ay sila ang may-ari. sa pag-ikot na ito ng salapi, ibayong yayaman ang uring kapitalista. Lumalago ang salaping ito bilang kapital at muling babalik sa produksyon para lalong patubuin.

Hindi lang yumayaman ang uring kapitalista sa proseso ng akumulasyon ng kapital. Nalulubos rin ang monopolyo nito sa kagamitan sa produksyon ng lipunan. Walang ibang kahulugan ang monopolyong ito kundi ang sistema ng sahurang-paggawa.

Walang alternatiba ang seksyon ng populasyong walang pag-aaring kagamitan sa produksyon kundi ang “manilbihan” sa uring kapitalista sa ilalim ng sistema ng sahurang-paggawa.

Habang lumalawak ang pagsakop ng kapital sa buong ekonomya – sa industriya, agrikultura at komersyo – at nababangkrap ang nagsasariling ekonomya ng maliliit na prodyuser, lalong nababaon ang populasyon sa sistema ng sahurang-paggawa.

Narito ang kabalintunaan ng kapitalistang sistema. Ginagawa ng uring manggagawa ang mga kalakal na nagpapayaman sa kapitalista at nagpapalago sa kapital para lalong igapos ang sarili at ang populasyon sa sistema ng sahurang-paggawa. sa pamamagitan ng sahurang-paggawang ito, tumutubo ang kapital at sa paglago ng kwarta ng uring kapitalista, lalong napapailalim ang buong lipunan sa kanilang kapangyarihan.

Ang masakit at masaklap, ang uring manggagawa pa ang may “utang na loob” sa uring kapitalista. Kung hindi raw sa uring kapitalista, wala siyang hanapbuhay. Kaya’t huwag raw kakagatin ng manggagawa ang kamay ng kapitalistang nagpapakain sa kanya at sa kanyang pamilya.

Pero sino ba talaga ang nagpapakain sa lipunan, ang bumubuhay sa bansa? Sino ba talaga ang aktwal na lumilikha ng mga kalakal, ng yaman ng lipunan? Ang gumagawa nito ay ang uring manggagawa at masang anakpawis, at ang ginagawa ng uring kapitalista ay angkinin lang ito. Gawing pribadong pag-aari. Ito ang “dibisyon ng paggawa” sa ganitong sistema ng lipunan: may gumagawa at may umaangkin.

Ngunit suriin nga natin, ano ba itong “inaangkin” ng uring kapitalista? Inaangkin niya bilang kanyang pag-aari ang produkto ng paggawa. Siya raw ang may karapatan rito sapagkat kanya ang ginamit na kapital para magawa ang mga produktong ito. Kanya ang makinarya, materyales, pati ang lakas-paggawa. Samakatwid, siya ang may-ari ng yaring-produkto. Kahit hindi siya nagtrabaho – kahit hindi siya nagpatulo ng kahit isang patak ng pawis para magawa ang produktong ito – siya ang may “karapatang” ariin ito sapagkat sa kanya ang kapital.

Pero bakit niya inaangkin ang yaring-produkto? Kung ang kanyang kalakal ay sigarilyo, hihititin ba niya ang milyun-milyong kaha ng sigarilyong produkto ng kanyang planta?

Si Lucio Tan ang may-ari ng pinakamalaking planta ng sigarilyo sa Pilipinas. Pero siya mismo ay hindi naninigarilyo. Kahit alam niya na masama ang paninigarilyo, ito ang kanyang piniling produkto dahil magandang negosyo, maganda ang tubo. Kaya’t huwag niyang sasabihin na serbisyo sa publiko ang kanyang pagnenegosyo. Siya’y nagnenegosyo para tumubo. Basta malaki ang tubo, kahit anong klaseng produkto ay kanyang kakapitalan. Kaya nga’t pinasok rin niya ang alak dahil magandang negosyo ang bisyo.

Hindi natin paksa rito ang moralidad ng kapital. Hindi pa rin natin paksa sa tsapter na ito kung paano tumutubo ang kapital. Ang mas gusto nating maintindihin ay kung ano ang nasa katangian ng kalakal na pinagkakwartahan ng may-ari nito.

Lipunang Bukal ng mga Ilusyon

Pero dapat pa bang saliksikin ang “bituka” ng kalakal para maintindihan kung bakit ito’y nagiging kwarta gaya ng ang kwarta ay nagiging kapital? Hindi ba simpleng sentido kumon lang na ito’y nagiging pera dahil ipinagbibili at may bumibili?

Kung gusto nating busbusin ang mekanismo ng kapitalismo, intindihin nating mabuti ang bawat “pyesa” nito. Huwag masyadong umasa sa sentido kumon sa pagtingin sa ordinaryong mga bagay dahil dito karaniwang tumutubo ang makapal na lumot ng mga kapitalistang ilusyon. Kailangang busisiin natin ang ordinaryong “kalakal” dahil ito ang “sisidlan” ng yaman ng kapitalistang lipunan na sinisimbolo ng “salapi” na siyang “sukatan” naman ng yaman sa daigdig.

Hindi matatagos ng simpleng sentido kumon ang ilusyong bumabalot sa kalakal. Ano ang ilusyong ito? Ito’y walang iba kundi ang kanyang “halaga”, ang “halaga” ng sinasabing “kalakal”. Ang “halagang” ito ang inaangkin ng kapitalista, ang tinutumbasan ng “salapi”, ang binabayaran sa pamilihan.

Kung ilusyon pati ang “halaga” ng mga kalakal, ibig sabihin, ang kapitalistang lipunan ay bukal ng mga ilusyon. Dahil ang salapi. na pinapanginoon sa lipunan, ay simbolo rin lang ng “halagang” ito ng mga kalakal. Ipinakita na natin ang ilusyon ng “demokrasya, ang ilusyon ng “sahod”, ang ilusyon ng “kapital”, ang ilusyon ng “salapi”. Isunod natin ang ilusyon ng “kalakal”. Isa-isa nating tagusin ang mga ilusyong bumabalot sa ordinaryong mga bagay sa kapitalismo. Hanggang sa matumbok natin ang “kaluluwa” ng kapitalistang sistema ng sahurang-pang-aalipin.

Walang komento: