Linggo, Hunyo 15, 2008

Pambungad

Pambungad

Ang librong ito ay sinulat para sa mga manggagawa. Para din ito sa lahat ng may malasakit sa masang anakpawis. Dahil karaniwang mga tao ang babasa, ang orihinal na plano ay piliin lang ang mga paksa. Sulatin ng simple’t maiksi. Ito ang inaasahan. Hindi ganito ang kinalabasan. Kailangan, kung gayon, ng eksplinasyon kung ba’t ganito ang nangyari.

Ang layunin ng libro ay ipaliwanag ang kapitalismo bilang isang sistema. Ipaliwanag sa pamamagitan ng ordinaryong mga bagay na pangkaraniwan sa karanasan ng manggagawa.

Ordinaryong mga bagay pero susing mga pyesa ng mekanismo ng kapitalismo. Gaya ng sahod at tubo. Paggawa at kapital. Kwarta at kalakal.

Sa biglang tingin, ito’y simpleng mga paksa. Sino bang manggagawa ang hindi pamilyar sa ganitong mga termino?

Pero nang umpisahan ang diskusyon, dumilat ang realisasyon na hindi eksakto ang ganitong impresyon. Hindi lang nababalot sa hiwaga kundi buhol-buhol ang mga paksa.

Pag-andar ng diskusyon sa isa, kaladkad o kabundol ang konektadong paksa. Pagpasok sa isa, mabubuksan ang kakabit o kasunod na paksa.

Bilang ilustrasyon, sundan natin kung paano nagsimula at dumaloy ang diskusyon ng dapat ay “munting proyektong” ito na ang orihinal na intensyon ay magsilbing “pambungad” lang ng pag-aaral sa kapitalismo.

Dahil ang prinsipal na layunin ay pag-aralan ang kapitalismo bilang isang sistema ng lipunan, natural, obligadong mag-umpisa ito kung ano ang intindi ng masa sa salitang “lipunan”.

Lagi nating naririnig ang salitang “lipunan” at ang palagiang pangaral na lahat ay dapat maging masunuring mga “myembro ng lipunan”. Walang nagrereklamo sa ganitong obligasyon.

Pero kung ikaw ang tatanungin, tama bang maging masunurin ang mga alipin ng sinaunang lipunan kung sila’y ginawang ari-ariang kalakal ng kanilang mga amo?

Noong antigong sistema ng mga asendero, tama bang maging masunuring “myembro” ng pyudal na lipunan ang magsasakang inaalila ng panginoong maylupa?

Araw-araw ay pumapasok ang manggagawa sa pabrika. Pero hindi pumapasok sa kanyang isip na ang kanyang relasyon sa kapitalista ay ang mismong modernong lipunan.

Iba kasi ang “turo” sa atin. Pinalaki tayo sa akala na ang “lipunan” ay ang “bansa”. Ang kahulugan ng pagiging makabayan ay ang pagiging responsableng myembro ng lipunan.

Kaya’t dito tayo nagsimula – sa paglilinaw na magkaiba ang sistema ng lipunan at ang ating pagiging bansa. Ang lipunan ay nahahati sa mga uri. Ang bansa ay binubuo ng isang lahi.

Ang kapitalismo ay hindi ang Pilipinas. Ang ating pagiging Pilipino o magkababayan ay walang kinalaman sa pagiging kapitalista o pagiging manggagawa ng sinuman sa atin.

Tinangka nating gawing simple ang depinisyon ng “lipunan”. Ito ay kung paano nabubuhay ang mga uring bumubuo nito.

Kung ang modernong lipunan ay ang relasyon ng manggagawa at kapitalista, ibig sabihin, ang pag-aaral nito’y dapat nakatuon sa pag-aaral sa usapin ng sahod at tubo.

Nabubuhay ang manggagawa sa pamamagitan ng sahod. Nabubuhay ang kapitalista sa pamamagitan ng tubo. Ito ang magkabilang pisngi ng kabuuang mukha ng kapitalistang lipunan.

Kaya’t matapos silipin kung ano ang nasa loob ng paksang “lipunan”, unti-unti nating binuksan ang paksa ng “sahod”.

Kung ang sistema ng lipunan – para sa manggagawa – ay kung paano siya nabubuhay, ibig sabihin, ang kapitalismo ay ang sistema ng sahurang-paggawa sapagkat ito ang kanyang paraan ng ikabubuhay.

Kaparis ng salitang “lipunan”, pamilyar ang manggagawa sa salitang “sahod”. Natural. Ito ang kanyang ikinabubuhay.

Ito ang kanyang kabuhayan, pero bakit hindi niya ito inuusisa? Inirereklamo niya ang kakapusan ng sahod pero hindi ang mismong sistema ng sahurang-paggawa.

Batid ng manggagawa na ito ang kanyang kabuhayan. Pero bakit hindi niya namamalayan na ang sistema ng kanyang pamumuhay ay ang sistema ng lipunang kanyang ginagalawan?

Kaya’t sinimulan nating hawiin ang kurtina ng mga ilusyon na tumatabing sa kanyang pananaw sa umiiral na lipunan. Hinalukay ang tunay na kahulugan ng “sahod”.

Dito nagsimulang “bumigat”ang diskusyon. Habang lumiliwanag ang isang katotohanan, lalong dumarami ang kailangang ipaliwanag.

Ang “sahod” bilang paksa ay parang bahay ng bubuyog. Nang magalaw at mauga, naglalabasan ang umuugong na mga katanungang naghahanap ng kasagutan.

Ganito ang nangyari. Nang talakayin ang usapin ng sahod, tatlong katotohanan ang agad na lumitaw:

Una. Tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ang turing sa manggagawa ay ordinaryong kalakal. Pinepresyuhan nang kaparis ng ibang kalakal sa lipunan. Ang kanyang “halaga” bilang kalakal ay kinakatawan ng kanyang “presyo”. Ang kanyang “presyo” ay kinakatawan ng kanyang “sahod”. Ang pagiging kalakal ng lakas-paggawa – ang paglitaw ng sahurang paggawa – ang ipinag-iiba ng kapitalismo sa lahat ng naunang mga sistema. Ito ang kondisyong nagpalitaw sa kapitalismo. Ang kapitalismo ay ang mismong sistema ng sahurang-paggawa.

Ikalawa. Tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ito mismo ay kapital. Hindi lang ito panggastos ng manggagawa para siya mabuhay. Ito mismo ay gastos ng kapitalista para umandar ang kanyang negosyo at lumago ang kanyang kwarta. Ibig sabihin, bahagi ng kanyang kabuuang kapital. Pinakaimportanteng bahagi. Ang kwartang ito, bilang sahod sa kamay ng manggagawa, ay simpleng nauubos habang ginagastos. Pero bilang kapital sa kamay ng kapitalista, ang parehas na perang ito, habang ginagastos ay lumalago.

Ikatlo. Tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ito ang pinanggagalingan ng kapitalistang tubo. Ang gastos ng kapitalista para sa pasahod ang porsyon ng kapital na siyang tunay na pinanggagalingan ng tubo. Kahit isang kusing ay walang kontribusyon sa produksyon sa tubo ang porsyon ng kapital na ginastos para sa makinarya’t materyales. Ang katotohanang ito ang prinsipal na paksa sa ating libro. Narito ang misteryo, milagro at mahika ng kapitalismo. Dito rin nag-uugat ang pundamental na kontradiksyon ng sistemang ito.

Ano ang implikasyon ng mga katotohanang ito? Kung sahod ay kapital – at mapapatunayang ang lahat ng tubo ay nanggagaling sa porsyong ito ng kapital – samakatwid, niluluto ang manggagawa sa sariling mantika dahil sa sistemang ng sahurang-paggawa, dahil ang lakas-paggawa ay binibili bilang ordinaryong kalakal. Ang pagiging kalakal ng lakas-paggawa – ang nag-iisang kalakal sa buong mundo na may kakayahang lumikha ng halaga na lampas sa kanyang sariling presyo – ang pekulyaridad ng kapitalismo bilang isang sistema. Ang kapasidad ng manggagawa na lumikha ng sobrang-halaga na lampas sa halaga ng kanyang sahod ang sikreto ng kapitalistang tubo.

May ikaapat na saligang katotohanan hinggil sa “sahod”. Ang nagpapasahod sa manggagawa ay ang mismong manggagawa.

Ang binibiling mga kalakal ay karaniwang binabayaran muna ng nakabili bago gamitin. Pero ang lakas-paggawa ay ginagamit muna ng nakabiling kapitalista bago niya bayaran. Kinokonsumo muna ng kapitalista sa produksyon ng mga kalakal. Mula sa mga kalakal na ito, nanggaling hindi lang ang kanyang tubo, kundi ang ipinasasahod sa manggagawa. Ang bumabalik sa manggagawa sa anyo ng sahod ay isang porsyon ng produkto na siya ang may gawa pero hindi siya ang may-ari.

Totoo, ang ibinabayad sa manggagawa ay pera, hindi produkto. Pero ang perang ito ay anyo lang ng transpormasyon ng produkto ng kanyang paggawa. Ang kanyang paggawa noong nakaraang linggo ng nakaraang taon ang ipinambabayad ng kapitalista sa kanyang sahod ngayong linggo o ngayong taon. Kung ang ibabayad sa manggagawa ay ang mismong produktong siya ang may gawa, madaling mahahalata ng manggagawa na siya ang magbabayad sa kanyang sarili. Tinatakpan ng sahod ang ganitong katotohanan dahil ang ibinabayad sa kanya ay salapi na galing sa bulsa ng kapitalista pero ang halaga ay galing sa lakas-paggawa.

Sa kasong ito, ang tumatabing naman sa realidad ng kapitalismo ay ang pormang-kalakal at pormang-salapi ng produkto ng paggawa. Ito ang paliwanag kung bakit hindi matitigan at hindi manlisik ang manggagawa sa lipunang kanyang ginagalawan. Ito’y dahil ang sistemang ito ay punung-puno ng mga ilusyon, nababalot ng mga balatkayo.

Halimbawa, tinatakpan ng sistemang-sahuran ang anumang bakas ng pagkakahati ng araw ng paggawa sa dalawang dibisyon:

Ang bayad na paggawa at ang libreng paggawa. Ang walong oras ng manggagawa ay nagmumukhang bawat minuto ay binayaran ng kapitalista. Pero kung totoong bawat minuto ay binayaran ng kapitalista, at ang kanyang binayaran ay ang mismong “halaga ng paggawa”, hindi iiral sa mundo ang kapital, at ang kanyang kwarta ay hindi matatransporma sa kapital.

Narito ang kaibhan ng “sahurang-paggawa” ng kapitalismo sa “pwersahang- paggawa” ng pyudal na sistema. sa ilalim ng pyudalismo, ang paggawa ng magsasaka para sa kanyang pamilya at ang kanyang paggawa para sa kanyang panginoon ay kitang-kita ang demarkasyon. Obligadong bayaran ng magsasaka ang asendero ng eksaktong halaga sa anyo ng paggawa, ani o pera kapalit ng kanyang karapatang magtanim sa lupain ng kanyang panginoong maylupa. sa ilalim naman ng sinaunang sistemang-alipin, lahat ng paggawa ay nasa anyo ng libreng paggawa nang walang anumang pretensyon dahil ang alipin ay pribado’t personal na pag-aari ng kanyang amo. Nasa diskresyon ng kanyang panginoon kung ano ang magiging bahagi ng kanyang alipin sa kanyang pinagpaguran.

Kaiba sa mga ito ang sahurang paggawa. Tumatagas sa pagkukunwari dahil mismo ang libreng paggawa ay nagmumukhang binayaran ng kapitalista. Ang transaksyon sa pagitan ng manggagawa at kapitalista ay lumilitaw na “palitan ng magkatumbas. Malayang ipinagbili ng manggagawa ang kanyang lakas-paggawa ng walong-oras at binayaran ito ng kapitalista batay sa umiiral na presyo ng paggawa. Ang lumilitaw pang karaniwang problema ay kung “namumurahan” ang manggagawa sa presyo ng kanyang lakas-paggawa. Pero hindi niya nakikita ang realidad na kahit bayaran siya ng husto, hindi iiral ang kapitalismo kung walang porsyon ang araw ng paggawa ang libreng nagagamit ng kapital para sa produksyon ng tubo. Ang mismong katotohanang ang kapitalismo ay ang sistema ng sahurang-pang-aalipin ay nagagawang pagtakpan dahil pinasasahuran naman daw ang manggagawa, binabayaran ang kanyang paggawa.

Isa lang ito sa sangkatutak na ilusyon na animo’y makapal na ulap na lumalambong sa ibabaw ng kapitalistang lipunan. Hindi matatagos ng manggagawa ang kaibuturan ng kapitalismo kung hindi niya matatagos ang panlabas na istsura ng kapitalismo na kinakatawan ng ordinaryong mga bagay sa kanyang paligid na gaya ng kwarta at kalakal, tubo at sahod, kapital at paggawa.

Lahat ng ito’y simpleng transpormasyon ng lakas-paggawa pero para ipaliwanag ang mga transpormasyong ito ay hindi simple. Ang kinakatawan ng salapi ay ang halaga ng mga kalakal, pero ang halagang ito ng mga kalakal ay walang ibang kinakatawan kundi ang nilalaman nilang paggawa. Ang tubo ay libreng paggawa at ang halaga ng sahod ay kumakatawan sa porsyon ng kapital na siyang totoong tumutubo. Ang kapital, bilang halaga, anuman ang anyo nito, ay walang ibang kinakatawan kundi ang “luma” at “bagong” paggawa ng lipunan. sa madaling salita, ang kapitalismo ay nabubuhay, umaandar at lumalago dahil sa uring manggagawa. Pero ang alipin sa sibilisadong sistemang ito ay ang uring manggagawa.

Madaling ihataw ang kondemnasyon sa kapitalistang sistema. At malamang, tatanggapin ito ng masa kahit walang gaanong eksplinasyon. Tuntungan lang natin ang kanilang ngitngit laban sa kanilang miserableng kalagayan at sa kahayukan sa tubo ng switik na kapitalista.

Pero ito ang gusto nating ituwid. Ang basta na lang isubo sa manggagawa ang ganitong mga katotohanan nang kumpyansadong paniniwalaan tayo ng masa. Kailan pa natin tuturuan ang masa na totoong maintindihan ang sistema ng lipunang nagsasamantala sa kanila? Ang pag-aalinlangan ay kung maiintindihan nga ba ng masa ang mga nilalaman ng librong ito?

Di ba dapat magsimula muna sa “magaan”? Hindi raw sanay ang masa na magbasa. Kung ito’y komiks walang problema. Pero ito’y libro, at hindi sanay ang masa sa mga babasahing puro letra.

Ano ang ibig sabihin ng “magaan”? Ang ibig sabhin nito’y “madali”. Madaling basahin. Madaling intindihin.

Kung ang tinutukoy ng “madaling basahin” at “madaling intindihin” ay ang istilo ng pagkakasulat, ang aklat na ito ay malaki pa ang iuunlad. Ito ang trabaho ng ikalawang edisyon – ang pasimplehin pa ang presentasyon sa pagyaman ng mga talakayan. Gumamit ng mas marami pang kongkretong halimbawa para mas magaan basahin at mas madaling maintindihan.

Pero anumang pagpapasimple ng lenggwahe’t presentasyon ay hindi “makapagpapagaan” sa isang bagay na obligadong pag-isipan at pag-aralan. Walang tunay na kaalaman at kasanayan na hindi pinaghihirapan. Kahit ang simpleng ABAKADA ay pinaghihirapan ng batang istudyante na hindi pa marunong bumasa. Kung ang pakikibaka para sa isang bagong lipunan ay hindi isang piknik, ang pag-aaral ng sistemang gusto nating palitan ay hindi pagbabasa ng komiks.

Kung hangad nating wakasan ang sistemang ito, hindi lamang dapat maintindihan kung paano inaalipin ng kapital ang paggawa. Mas mahalaga, kailangan tayong matuto. Kailangan tayong maging kritikal. Tumalas ang ating pakiramdam. Lumawak ang kaalaman. Hindi lang dapat ang makinang instrumento ng kapitalista sa pagsasamantala ang kabisado. Gamayin rin natin ang mga librong magtuturo sa atin ng katotohanan ng pagsasamantalang ito.

Ang librong ito ay subersibo. Subersibo sa interes ng kapitalismo. Ngunit hindi ito subersibo dahil nananawagan ng rebolusyon. Ito’y subersibo dahil nagsasalita ng totoo. Kung gusto nating lumaya, unahin nating palayain ang ating kaisipan sa mga kasinungalingan ng naghaharing lipunan. Ito ang unang larangan ng labanan. Dito ang unang tagumpay. Matutupad lamang ang mga pangarap kung ang manggagawa ay gigising.

Walang komento: