Linggo, Hunyo 15, 2008

Apendiks 2 - Pagsasamantala sa Agrikultura at Serbisyo

II. Ang Pagsasamantala sa mga Manggagawa sa Agrikultura at Serbisyo

Upang matukoy ang mekanismo ng pagsasamantala sa mga manggagawa sa agrikultura at serbisyo kailangan munang linawin ang kaibhan ng produktibo at di-produktibong paggawa.

Hindi lahat ng paggawa sa kapitalistang lipunan ay lumilikha ng halaga at labis na halaga. Ang maituturing na produktibong paggawa ay iyong nagluluwal ng bagong halaga at labis na halaga.

Sa pagturing ng ilang klase ng paggawa bilang di-produktibong paggawa dapat isaalang-alang na hindi ito paghuhusga batay sa pamantayan ng moralidad o kabuluhan. Ito ay pagturing sa punto-de-bista ng kapitalistang lipunan, ng kapitalistang produksyon, ng produksyon hindi lamang ng kalakal kundi ng tubo. Tanging ang paggawang lumilikha ng bagong halaga at labis na halaga para sa kapitalista ang produktibong paggawa sa pananaw ng kapitalistang lipunan.

Ibig sabihin, ang paggagamot ng isang doktor, halimbawa, ay walang dudang mahalaga at makabuluhan. Subalit hindi ito produktibong paggawa hanggat hindi ito lumilikha ng tubo para sa isang kapitalista. sa kabilang banda, ang produksyon ng armas nukleyar ay lumilikha ng halaga at labis na halaga.

Ang lahat ng paggawa na hindi iniempleyo sa mga kapitalistang empresa ay di-produktibong paggawa. Nasa ganitong kategorya ang trabaho ng mga katulong at hardinero sa bahay, drayber at mensahero ng pamilya. Sila ay paggawang sahuran subalit hindi paggawang produktibo.

Ang tubo ay nalilikha lamang sa proseso ng produksyon ng kalakal at hindi sa sirkulasyon ng kalakal. Ang mismong akto ng pagbebenta ng kalakal ay walang naidadagdag na halaga sa kalakal. Ang paggawa sa larangan ng sirkulasyon ay di-produktibong paggawa. Ito ay paggawa na hindi lumilikha ng bagong halaga at labis na halaga. Ang trabaho sa linya ng komersyo at banko ay nasa ganitong kategorya. Ang teller ng banko at saleslady sa department store ay mga sahurang-paggawa subalit di-produktibong paggawa.

Gayunpaman, sa pangkalahatan ang kalakal ay hindi maibebenta sa mismong tarangkahan ng pabrika. Kinakailangang ito ay dalhin sa mga tindahan upang mabili. Obligadong ito ay ibyahe. Kung gayon, ang transportasyon ng mga kalakal ay dapat ituring na bahagi ng proseso ng produksyon kaysa ng sirkulasyon. Ang transportasyon ng kalakal ay nagdadagdag sa mismong halaga nito.

Dapat lamang ipag-iba ang transportasyon ng tao sa transportasyon ng kalakal. Ang cargo transport ay produktibong-paggawa habang ang passenger transport ay di-produktibong paggawa. Ang sahurang drayber ng pampaseherong bus ay walang iniluluwal na halaga samantalang ang swelduhang drayber ng delivery truck ay nagdadagdag ng halaga. sa pangkalahatan ang paggawa sa linya ng trucking, shipping at air cargo ay produktibong paggawa na lumilikha ng bagong halaga at labis na halaga.

Panghuli, ang produksyon ng kalakal ay produksyon ng materyal na bagay. Ang paggawa ay interaksyon ng tao sa kalikasan. Ito ay transpormasyon ng mga materyales mula sa kalikasan upang pagsilbihin sa mga pangangailangan ng tao. mga materyal na bagay lamang ang maaring maglaman ng halaga na sinusukat sang-ayon sa oras ng paggawa. Produktibong paggawa iyong paggawang naisasakonkreto sa anyo ng mga materyal na bagay.

Samakatwid ang produksyon ng kalakal at paglikha ng halaga ay nagaganap hindi lamang sa manupaktura kundi sa agrikultura, pagmimina, konstruksyon, at pati produksyon at distribusyon ng tubig, kuryente at enerhiya. Ilang sektor na karaniwang itinuturing na nasa linya ng serbisyo ay bahagi ng produksyon ng kalakal. Gaya halimbawa ng pagtitinda ng pagkain sa mga restawran sapagkat hindi lamang ito pagbebenta kundi pagpoproseso ng pagkain. Ang paggawa sa mga linyang ito ay produktibong paggawa. Ang sakada ng Hacienda Luisita, minero ng Marcopper, construction worker ng MRT, lineman ng Meralco at crew ng Jollibee ay mga produktibong trabahador.

Ang proseso ng produksyon ng kalakal ay hindi rin dapat ilimita lamang sa paggawa sa shopfloor. Ang produksyon ng kalakal ay nagsisimula sa research and development ng produkto, nagpapatuloy hanggang quality inspection at warehousing, at nagtatapos sa transportasyon nito. Kung kaya’t hindi lamang mga manual laborer sa planta kundi mga staff employee sa opisina, mga inhinyero at teknisyan sa laboratoryo, kahit ang mga bisor, ay lumalahok sa produksyon, nagdadagdag sa halaga ng kalakal at pinagmumulan ng labis na halaga.

Sa kabilang banda, ang iba pang sektor ng serbisyo ay walang kaugnayan sa produksyon ng materyal na bagay. Ang kinakalakal rito ay hindi mga materyal na bagay kundi aksyon ng tao. Hindi ito kumakatawan sa ugnayan ng tao sa kalikasan kundi ng relasyon ng tao sa tao. Kung kaya’t ito’y paggawang hindi lumilikha ng halaga. Sa pangkalahatan, ang paggawa sa linya ng serbisyo ay di-produktibong paggawa.

Ang trabaho ng guro at nars sapagkat pagbibigay ng serbisyo ngunit hindi pagyari ng kalakal ay mga di-produktibong paggawa. Ang lahat ng mga empleyado ng pamahalaan – bukod sa mga manggagawa sa mga korporasyong may nililikhang kalakal, gaya ng Napocor, PASAR at National Steel – ay di-produktibong manggagawa.

Ang nalilikhang bagong halaga at hinuhuthot na labis na halaga ng mga kapitalista ay nagmumula lamang sa produktibong paggawa, sa produktibong mga sangay ng ekonomiya.

Sapagkat walang nalilikhang halaga sa mga di-produktibong sektor ng ekonomiya, ang tubo ng mga kapitalista sa mga sektor na ito ay maaring magmula lamang sa labis na halagang likha ng produktibong paggawa. Pumaparte ang lahat ng kapitalista – sa produktibo man o di-produktibong sektor – sa labis na halagang likha ng produktibong paggawa. Ang tubo ng mga komersyante at bankero ay nagmumula sa labis na halagang likha sa mga pagawaan, minahan at bukirin.

Pinapartehan ng industriyalista ang komersyante sa pamamagitan ng pagdidiskwento sa presyo ng kalakal. Ibinebenta ng manufacturer ang kalakal sa wholesaler nang may malaking bawas sa tunay na halaga nito. Ibinebenta naman ito ng wholesaler sa retailer nang mas mababa pa rin sa tunay na halaga. sa pangkalahatan, ang retailer na ang magbebenta ng kalakal sa tunay nitong halaga. Papayag ang industriyalista na partehan ang komersyante at magtyaga sa nabawasang tubo. Bentahe na sa kanya kung mabilis mababawi ang ipinuhunan at agad makukubra ang tubo para muling ikapital ang kwarta sa produksyon. Disbentahe kung siya pa ang mamumuhunan sa pagbebenta at maghihintay ng matagal hanggang tuluyang mabili ng mga konsumer ang mga kalakal.

Mula naman sa labis na halaga kinukuha ng industriyalista ang ipambabayad niya ng interes sa utang. Ang buwis na sinisingil ng gobyerno ay kinukuha rin ng industriyalista mula sa labis na halaga. sa ganitong paraan binabahaginan ng kapitalista sa industriya ang kapitalista sa banko at ang kapitalistang estado ng labis na halagang likha sa kanyang pabrika.

Sa pangkalahatan, ang labis na halaga ay nahahati sa tubo ng industriyalista, komersyante at bankero, at sa buwis ng pamahalaan. Ang lahat ng kapitalista at ang kapitalistang estado ang sama-samang nagpapasasa sa pawis ng mga produktibong manggagawa.

Ang sahod ng mga manggagawa sa komersyo at banko ay nagmumula sa puhunan ng mga komersyante at bangkero kaya’t hindi sila bumabahagi sa labis na halagang likha ng produktibong mga manggagawa. Ang sweldo ng mga manggagawa ng gobyerno ang direktang nagmumula sa halagang likha ng mga produktibong manggagawa. Subalit hanggat naibabalik ang buwis na ito bilang serbisyo publiko para lamang itong sosyalisasyon ng isang bahagi ng sahod ng mga manggagawa.

Kahit na hindi sila hinuhuthutan ng labis na halaga, maituturing na pinagsasamantalahan ang mga manggagawa sa serbisyo. Mamumuhunan ang komersyante sa kanyang negosyo. Ang kapital niya’y lalago sapagkat siya’y tutubo. Ang tubo ay di nagmula sa pagpatong sa presyo sa proseso ng sirkulasyon kundi bahagi ng labis na halaga mula sa proseso ng produksyon. Subalit hindi makakabahagi ang komersyante kung hindi dahil sa paggawa ng mga manggagawa sa serbisyo.

Ang tubo ng mga komersyante, bangkero at kapitalista sa linya ng serbisyo ay di pa nagmumula sa di-produktibong paggawa ng kanilang mga trabahador, ng mga manggagawa sa serbisyo. Subalit hindi sila tutubo, hindi aandar ang negosyo ng mga kapitalistang ito kung wala ang paggawa ng mga manggagawa sa serbisyo kahit na ito’y di-produktibo. sa batayan ng paggawa ng mga manggagawa sa serbisyo, nagagawang pumarte ng mga kapitalista sa serbisyo sa labis na halagang likha sa industriya’t agrikultura. Kaya’t hindi man sa kanilang pawis tuwirang nagmumula ang tubo, dapat lamang ituring na pinagsasamantalahan at inaalipin ang mga manggagawa sa serbisyo sapagkat tuwirang kailangan ang kanilang paggawa upang makabahagi ang kanilang kapitalista sa labis na halagang likha ng kanilang mga kapatid sa uri.

Sa agrikultura at iba pang produktibong sektor, ang paglikha ng halaga at produksyon ng labis na halaga ay gaya lamang ng nagaganap sa manupaktura. Ang kaibhan lamang sa agrikultura, ang materyales ay binubuo ng mga binhi, pataba, pestisidyo at iba pang sangkap sa pagsasaka habang ang makinarya ay traktora, thresher, weeder, atbp. Kung ang kapitalistang magsasaka ay nangungupahan lamang ng lupa, magmumula sa labis na halagang likha ng manggagawang bukid ang ibabayad niya ng renta sa panginoong maylupa, gaya ng relasyon ng industriyalista sa bangkero. Tuwiran ang pagsasamantala sa agrikultura sapagkat direktang nagmumula ang tubo ng kapitalistang-asendero o kapitalistang-magsasaka sa di-binayarang paggawa o labis na halaga ng mga manggagawang bukid.

Walang komento: