Linggo, Hunyo 15, 2008

II - Ganito Ba Talaga ang Lipunan?

Tsapter II

GANITO BA TALAGA ANG LIPUNAN?

Tubo at Sahod

Tubo ang motibo ng kapitalista sa pagnenegosyo. Sahod ang rason ng manggagawa sa pagtatrabaho. Ang “kita” ng kapitalista ay tinatawag na “tubo”. Ang sa manggagawa ay “sahod”.

Kung ang lipunan ay kung paano “kumikita” ang mga myembro nito, ibig sabihin, nasa usaping ito ng “tubo” at “sahod” ang susi sa pag-unawa sa umiiral na sistemang umiinog sa relasyon ng kapital at paggawa.

Ito’y isang “simpleng” katotohanang kasing-ordinaryo ng pagsikat ng araw o paghinga ng tao. At malimit, ang ordinaryong mga bagay ang alkansya ng mga misteryo sa daigdig. Gaya ng pagiging sahuran o swelduhan ng mga manggagawa. Para bang walang dapat pagtakhan sa ganitong kalakaran. Walang dapat usisain o ireklamo.

Pero dito nakasuksok ang pinakasikreto ng kapitalismo. Ito mismo ang kapitalismo – ang sistema ng sahurang-paggawa.

Sistema ng Sahurang-Paggawa

Unibersal na reklamo ang laging kakapusan ng sweldo. Pero kinukwestyon man lang ba natin ang mismong pagiging swelduhan ng manggagawa, ang mismong sistema ng sahurang-paggawa? O ang kwestyong ito ang kwestyunable?

Ang karaniwang persepsyon ay walang misteryo sa pagiging sahuran ng manggagawa. Nakagisnan na natin ang ganitong kalakaran. Kasing-natural na ang tao ay kailangang kumain ang siya’y mabuhay sa paraan ng sahurang-paggawa.

Hindi pumapasok sa isip ng manggagawa na ito’y kwestyunin, kahit siya’y naghihimutok sa liit ng kanyang sweldo. Gaya ng hindi rin niya kinukwestyon ang karapatang tumubo ng kapitalista, kahit siya’y naghihimagsik sa pagkaswitik ng uring ito.

Kontento na ang marami na di bale nang swelduhan basta huwag namang masyadong agrabyado. Di baleng sa kapitalista ang tubo huwag lang siyang masyadong swapang. Di baleng may mga taong sobrang yaman huwag lang may mga taong sobrang hirap.

Para bang ganito talaga ang lipunan – may nagpapasahod at may pinasasahuran. At ang sistemang ito ay permanente at natural. Walang pinagsimulan, walang katapusan, walang kasaysayan. Isang eternal na katotohanan ng buhay. Maaring hindi perpekto, pero mayroon bang perpekto sa mundo?

Ordinaryo ang mag-aklas ang mga manggagawa. sa liit ng kanilang sweldo o dahil sa kasibaan ng kapitalista sa tubo. Pero madalang ang mismong kwestyunin nila ang sistemang sahuran at ang kontrol ng kapital sa kanilang kabuhayan.

Ni hindi nga inaalam at inuusisa ng manggagawa kung paano nga ba itinatakda ang “halaga” ng kanyang sweldo. Gayong ito ang kanyang ikinabubuhay. Ito ang dahilan kung bakit siya “namamasukan”. Dito umiinog ang kanyang mundo.

Pero ang kapitalista – kabisadong-kabisado ang kanyang “kaharian”. Obsesyon nila kung paano palaguin ang kapital. Umuupa ng mga eksperto. Kwentado hanggang sa huling sentimo ang tubo sapagkat ito ang kanilang mundo.

Nagagamay ng manggagawa ang pasikut-sikot ng kanyang trabaho. Pero hindi ang presyo ng trabahong ito – ang kanyang sweldo. Kahit ugong ng hawak niyang makina sa loob ng pabrika ay nagagawa niyang isaulo. Pero hindi ang “mekanismo” ng sweldong tinatanggap niya nang buwan-buwan o linggu-linggo.

Sahod Bilang Alyas ng Presyo ng Lakas-Paggawa

Halimbawa, ano ba ang ordinaryong pag-intindi ng manggagawa sa tinatanggap niyang sweldo?

Ang simpleng tingin dito ng manggagawa ay “bayad” ng kapitalista sa kanyang trabaho. Interesado siya kung magkano ang kanyang sinasahod, laluna’t ito’y laging kapos at siya’y sobrang agrabyado. Pero hindi niya inuusisa at inuurirat kung paano ba talaga “pinepresyuhan” ang kanyang trabaho sa loob ng pagawaan o sa kabuuan ng lipunan.

Alam ng manggagawa na ang kanyang sweldo ang presyo ng kanyang trabaho. Pero parang masakit sa tenga na tawagin itong presyo. Mas disenteng pakinggan at may dignidad na tawagin itong “sahod” o “sweldo”.

Kung tatagusin lang ng manggagawa ang terminong ito – at direktang tatratuhing “presyo” ng lakas-paggawa – malalaglag ang isang balatkayo na patung-patong na kumukubli sa katotohanan ng kanyang katayuan sa lipunan. Mababalatan ang kapitalistang sistema. Mas madaling maiintindihan ang kabuuan at kalikasan ng sistemang ito ng sahurang-paggawa, ng sahurang-pang-aalipin.

Magkano Ka?

Ang alyas ay parang maskara. Ganito rin ang silbi ng salitang “sweldo” o “sahod”. Di gaya ng presyo ng por kilong karne, nakatago sa salitang “sweldo” ang pagiging ordinaryong kalakal ng por orang trabaho. Iba ang dating sa tenga ng tanong na “Magkano ang presyo mo?” kumpara sa “Magkano ang sweldo mo?”

Nasa loob ka ng pabrika dahil ang alam mo, ikaw ay “namamasukan” bilang empleyado. Hindi pa dahil ikaw ay “binili” ng kapitalista sa loob ng walong oras. Pero kung “presyo” ang itatawag sa tinatanggap mong bayad imbes na “sweldo”, mas madali mong makikita ang ganitong masakit na realidad.

Gamay na gamay ng manggagawa ang ginagawa niyang produkto sa loob ng pagawaan. Pero hindi ang kalakal na araw-araw niyang binebenta sa kapitalista at kinokonsumo nito sa proseso ng produksyon.

Nang tanggapin mo ang bayad ng kapitalista, ang tawag dito ay “sweldo”. Pero nang ibayad mo ito sa drayber ng dyip, ang tawag dito ay “pamasahe”. Nang ibayad sa nagpapaupa ng bahay, ang tawag dito ay “renta”. sa binilhang tindera, ito ay simpleng “bayad”. Kung hiniram ng kapitalista sa banko ang pinasahod sa manggagawa, ang tawag dito’y “utang”. Pero mula sa kapitalista papunta sa manggagawa, ito ay nagiging “sweldo”. Ang parehas na kwartang ito – habang palipat-lipat ng kamay – ay nagkakaroon ng iba’t ibang pangalan. Kumporme sa kalikasan ng transaksyon.

Ibig lang sabihin, kailangang tagusin natin ang tunay na kahulugan ng mga bagay sa likod ng kanilang mga pangalan. Partikular sa ating paksa, sapulin ang tunay na kahulugan at kalikasan ng ibinabayad ng kapitalista sa manggagawa.

Kung ito ay “bayad”, ibig sabihin, ang salaping ito ay mayroong halagang tinutumbasan na ang katawagan sa lipunan ay “presyo”. Kung may “presyo”, ibig sabihin, may kalakal o produkto. May nagbebenta at may bumibili, may nagaganap na palitan. Kung ang “sweldo” ay “presyo”, presyo ito ng anong produkto o kalakal? Paano ang sistema ng bilihan, paano nagaganap ang transaksyon? Pinakamahalaga, paano “pinepresyuhan” ang “halaga” nito?

Hindi pa natin dito sasagutin ang mga katanungang ito. Mas ang intensyon muna natin ay buksan ang ating isip sa “simple” at “ordinaryong” mga bagay sa ating buhay. Matutong magtanong. Mag-usisa. Maging kritikal. Sapagkat dito nagtatago ang mga kasagutan kung bakit ganito ang lipunan.

Ang Kabilang “Mukha” ng “Sahod”

Ang simpleng tingin ng manggagawa sa sweldo ay ito ang kanyang kinikita sa kanyang pagtatrabaho. Ito ang iyong “kinokonsumo” para mabuhay araw-araw. Tama ito. Totoong ito ang iyong ginagastos sa araw-araw. Ngunit ito’y isang aspeto lang ng buong katotohanan. Isang pisngi ng kabuuang mukha ng sweldo. Ano ang kabilang mukha na parang hindi pinapansin?

Magsimula tayong muli sa pananaw sa sahod, na ito ang ginagastos ng manggagawa. Ang tanong: Saan nanggagaling ang panggastos niyang ito. Madali ang sagot – galing sa kapitalista. Ang sahod, kung gayon, ay gastos ng kapitalista. Ibig sabihin, ito ay puhunan o kapital. Ang halagang kinakatawan ng sahod ng manggagawa ay siya ring kapital ng kapitalista. Bahagi ng kanyang kabuuang kapital.

Ang realisasyon sa ganitong napakasimpleng katotohanan – na ang sahod ay ang mismong kapital – ay dapat tumagos sa kanyang kabit-kabit na implikasyon.

Sa isang banda, ang sahod ay perang panggastos ng manggagawa para sa kanyang “karapatang” mabuhay. sa kabilang banda, ang parehas na perang ito ay panggastos ng kapitalista para sa kanyang “pribilehiyong” magpayaman. Ang kwartang ito – bilang “sahod” sa paningin ng manggagawa – ang lubid na kanyang kinakapitan para makatawid sa kahirapan. Hindi niya namamalayan na ang kwartang ito – bilang “kapital” – ay siya ring lubid na hindi lang pinanggagapos kundi pinaggagarote sa kanya ng kapitalismo sa sistema ng sahurang-pang-aalipin.

Ito ang dapat nating tuklasin – kung paano ang iisang halagang ito, ang parehas na perang ito ay hindi lang magkaiba ang gamit: sa kamay ng manggagawa, habang ginagastos, ito’y nauubos. Pero sa kamay ng kapitalista, ito’y tumutubo habang ginagastos. Narito ang sikreto, misteryo at mahika ng kapital.

Sa punto de bista ng manggagawa, ang sweldo ay bayad. sa punto de bista ng kapitalista, ang sweldo ay gastos. Bahagi ng kanyang puhunan. Hindi lang simpleng bahagi ng kanyang puhunan, kundi pinakaimportanteng bahagi nito.

Bakit pinakaimportante? Dahil mula sa pondong ito – mula sa kapital na ito sa anyo ng sahod o mula sa sahod sa anyo ng kapital – magmumula ang kapitalistang tubo. Dalawang simpleng katotohanan ang agad natatakpan ng salitang “sweldo”:

Una, natatakpan ng terminong ito ang katotohanang ang “sweldo” ang “presyo” ng pagiging kalakal ng lakas-paggawa sa lipunan. Ikalawa, natatakpan ng terminong ito ang mas malalim pang katotohanang ang perang ito ang mismong tumutubong “kapital” ng mga may-ari ng ikabubuhay ng uring manggagawa.

May ikatlong katotohanan – ang pinakaimportante, ang pinakasikreto ng kapitalismo. Ito ay ang mekanismo ng tubo – kung paano lumalago ang puhunan sa anyo ng tubo sa pamamagitan ng “sweldong” ito – bilang “presyo ng paggawa” at bilang “porma ng kapital”.

Ang halaga ng sweldo bilang pondong nasa kamay ng kapitalista ay hindi lang sweldo kundi ito mismo ang kapital o puhunan ng kapitalista. Samantalang ang tubo ay hindi lang paglago ng kapital kundi ito ang trabaho ng manggagawa na hindi binayaran ng kapitalista. Kung ang sweldo ang kumakatawan sa binayarang porsyon ng trabaho ng manggagawa, ang tubo ang kumakatawan sa libreng porsyon ng trabaho ng manggagawa. Ito ang magkapares na pisngi ng iisang mukha na dapat makita at maintindihan ng bawat manggagawa. Ito ang esensya ng sahurang-paggawa sa kapitalistang lipunan.

Ulitin natin. Hindi ba’t sabi natin ay sweldo ang rason ng manggagawa sa pagtatrabaho habang tubo ang motibo ng kapitalista sa pagnenegosyo. Ang tanong ay bakit aalukin ng kapitalista ang manggagawa ng sweldo? Alam natin ang sagot. Kailangan ng kapitalista ang trabaho ng manggagawa.

Hindi inaalok ng kapitalista ng sweldo ang mga manggagawa para magkaroon tayo ng hanapbuhay. Ang dahilan ay hindi dahil kailangan ng mga manggagawa ng trabaho kundi kailangan ng kapitalista ang trabaho ng mga manggagawa.

Kabaliktaran na naman ito ng nakasanayang sabihin ng manggagawa na siya ang nangangailangan ng trabaho. Nangangailangan “siya” ng trabaho dahil kailangan niya ng “sweldo”. Ibig sabihin, “sweldo” ang kailangan niya, hindi ang mismong “trabaho”.

Hindi ang “trabaho” ang kanyang kailangan sapagkat ito nga mismo ang kanyang “ipinagbibili”, kapalit diumano ng sweldo. Ang kailangan niya ay ang bibili ng kanyang “trabaho” para siya ay kumita ng “sweldo”.

Sa pagkakaalam ng manggagawa, ang binayaran ng kapitalista ay ang kanyang trabaho. Kaya tayo inaalok ng sweldo dahil kailangan ng kapitalista ang ating trabaho. Ang tanong: Ito ba ang binayaran ng kapitalista? Ang binayaran ba ng kapitalista ay ang ating aktwal na trabaho?

Ang ating alam ay baliktad na naman sa realidad. Ang alam natin, ang trabaho ng manggagawa ang binabayaran ng kapitalista. Pero ang halaga ba ng ating trabaho o paggawa ang tinutumbasan ng halaga ng ating sweldo?

Kung ang “halaga” ng paggawa ang talagang babayaran ng kapitalista, magigiba ang buong pundasyon ng kapitalismo. Walang kapitalismong iiral sa mundo. Walang mamumuhunan dahil walang tutubo.

Ang tinatawag na kapitalistang tubo ay hindi nanggagaling sa pinuhunan ng kapitalista sa makinarya o materyales. Ito ay galing sa trabaho ng mga manggagawa na kanyang kinapitalan sa anyo ng sweldo. Kapag ang halaga ng trabahong ito ang kanyang binayaran nang buo, wala siyang tutubuin kahit isang kusing.

Ang kailangan ng manggagawa para mabuhay sa ilalim ng kapitalismo ay “bayad na paggawa”. Ang kailangan ng kapitalista para tumubo sa proseso ng produksyon ay “libreng paggawa”. Ang sikreto, misteryo at mahikang ito ng kapitalismo ang dapat matuklasan ng bawat manggagawang interesadong malaman ang buong katotohanan sa kanyang pagiging manggagawa.

Walang komento: