Linggo, Hunyo 15, 2008

Talaan ng Nilalaman

Talaan ng Nilalaman

Ito ang bumubuo ng aklat na “Puhunan at Paggawa” na inilathala ng Aklatang Obrero Publishing Collective, may 100 pahina.

Pambungad

I - Introduksyon sa Lipunan

II - Ganito Ba Talaga ang Lipunan?

III - Paano Nagiging Kapital ang Kwarta?

IV - Salapi Bilang Panginoon sa Lupa

V - Ang Misteryo ng Kalakal

VI - Paano Naging Kalakal ang Paggawa?

VII - Paano Tumutubo ang Kapital?

VIII - Mekanisadong Latigo ng Sahurang Pang-Aalipin

IX - Anong Klaseng Lipunan Mayroon Tayo?

Appendix

I. Ang Paggawa ng Sinulid at Paglikha ng Tubo sa Manila Bay

II. Ang Pagsasamantala sa mga Manggagawa sa Agrikultura at Serbisyo

PAGKAKAISA

3 TULA: Pahimakas sa Tatlong Rebolusyonaryo

Enero 21, 1924

Pebrero 6, 2001

Marso 14, 1883

2 AWIT

Papuri sa Sosyalismo

Lipunang Makatao

Paunang Salita

PAUNANG SALITA

Mula sa Tagapaglathala

ANG ARMAS NG URING MANGGAGAWA

Ang akdang Puhunan at Paggawa ni Filemon “Ka Popoy” Lagman, bayani ng uring manggagawa, ay tigib ng mga aral at pagsusuri hinggil sa relasyon ng sahod at tubo, ng manggagawa’t kapitalista. Isa ito sa mga natatanging armas ng uring manggagawa upang maunawaan niya ang kanyang kalagayan sa ilalim ng mapagsamantalang sistemang umiiral.

Naniniwala kaming ang mga araling ito ng dakilang rebolusyonaryong si Ka Popoy ay hindi dapat mabaon na lamang sa limot, ni agawin o anayin na lamang sa mga baul. Dapat itong malagay sa iba’t ibang aklatan sa mga unibersidad, tanggapan ng mga unyon, komunidad ng maralita, atbp., maipabasa at kung kakayanin ay matalakay ito sa mga manggagawa, pagkat ito’y testamento ng pagsisikap ni Ka Popoy na ipaunawa sa mayoryang bumubuhay sa lipunan – ang uring manggagawa – sa pamamagitan ng pagtahak sa landas ng uri - ang landas patungong sosyalistang rebolusyon at pagtatayo ng sariling gobyerno ng manggagawa. Dapat itong pag-aralan ng mga bagong henerasyon ngayon, lalo na iyong mga naghahangad ng pagbabago sa lipunan, at nagnanais na matanggal ang ugat ng kahirapan ng mamamayan ng daigdig, ang tuluyang pagwasak sa pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, tulad ng makina, pabrika at mga lupain, upang maging pag-aari ng buong lipunan. Nang sa gayon ay makinabang lahat, at hindi lamang iilan.

Umaasa kaming sa pamamagitan ng muling paglalathala nito ay maunawaan ng manggagawa ang kanilang kalagayan sa lipunang ito at tuluyan silang magkaisa at magpalakas upang itayo ang kanilang sariling pamahalaan, at tuluyang durugin ang mga pasista, kapitalista, elitista, at iba pang mapang-api sa lipunan. Matagal nang panahon na hinihingi ng kasaysayan ng bayang tinubuan na mawasak ang dahilan ng lalo’t lalong kahirapan, lalo’t lalong kaapihang dinaranas ng ating mga kababayan, dahil sa lintik na relasyon ng pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon na siyang dahilan ng mga kahirapang ito. Panahon nang magkaisa ang mga manggagawa at tahakin ang landas ng pagbabago tungo sa diktadurya ng uring manggagawa, hanggang kanilang maitayo ang sarili nilang pamahalaan.

Mungkahing magkaroon ng kopya ng aklat na iro ang bawat manggagawa’t aktibista.

Gregorio V. Bituin Jr.

Sampaloc, Maynila

Marso 17, 2008

Pambungad

Pambungad

Ang librong ito ay sinulat para sa mga manggagawa. Para din ito sa lahat ng may malasakit sa masang anakpawis. Dahil karaniwang mga tao ang babasa, ang orihinal na plano ay piliin lang ang mga paksa. Sulatin ng simple’t maiksi. Ito ang inaasahan. Hindi ganito ang kinalabasan. Kailangan, kung gayon, ng eksplinasyon kung ba’t ganito ang nangyari.

Ang layunin ng libro ay ipaliwanag ang kapitalismo bilang isang sistema. Ipaliwanag sa pamamagitan ng ordinaryong mga bagay na pangkaraniwan sa karanasan ng manggagawa.

Ordinaryong mga bagay pero susing mga pyesa ng mekanismo ng kapitalismo. Gaya ng sahod at tubo. Paggawa at kapital. Kwarta at kalakal.

Sa biglang tingin, ito’y simpleng mga paksa. Sino bang manggagawa ang hindi pamilyar sa ganitong mga termino?

Pero nang umpisahan ang diskusyon, dumilat ang realisasyon na hindi eksakto ang ganitong impresyon. Hindi lang nababalot sa hiwaga kundi buhol-buhol ang mga paksa.

Pag-andar ng diskusyon sa isa, kaladkad o kabundol ang konektadong paksa. Pagpasok sa isa, mabubuksan ang kakabit o kasunod na paksa.

Bilang ilustrasyon, sundan natin kung paano nagsimula at dumaloy ang diskusyon ng dapat ay “munting proyektong” ito na ang orihinal na intensyon ay magsilbing “pambungad” lang ng pag-aaral sa kapitalismo.

Dahil ang prinsipal na layunin ay pag-aralan ang kapitalismo bilang isang sistema ng lipunan, natural, obligadong mag-umpisa ito kung ano ang intindi ng masa sa salitang “lipunan”.

Lagi nating naririnig ang salitang “lipunan” at ang palagiang pangaral na lahat ay dapat maging masunuring mga “myembro ng lipunan”. Walang nagrereklamo sa ganitong obligasyon.

Pero kung ikaw ang tatanungin, tama bang maging masunurin ang mga alipin ng sinaunang lipunan kung sila’y ginawang ari-ariang kalakal ng kanilang mga amo?

Noong antigong sistema ng mga asendero, tama bang maging masunuring “myembro” ng pyudal na lipunan ang magsasakang inaalila ng panginoong maylupa?

Araw-araw ay pumapasok ang manggagawa sa pabrika. Pero hindi pumapasok sa kanyang isip na ang kanyang relasyon sa kapitalista ay ang mismong modernong lipunan.

Iba kasi ang “turo” sa atin. Pinalaki tayo sa akala na ang “lipunan” ay ang “bansa”. Ang kahulugan ng pagiging makabayan ay ang pagiging responsableng myembro ng lipunan.

Kaya’t dito tayo nagsimula – sa paglilinaw na magkaiba ang sistema ng lipunan at ang ating pagiging bansa. Ang lipunan ay nahahati sa mga uri. Ang bansa ay binubuo ng isang lahi.

Ang kapitalismo ay hindi ang Pilipinas. Ang ating pagiging Pilipino o magkababayan ay walang kinalaman sa pagiging kapitalista o pagiging manggagawa ng sinuman sa atin.

Tinangka nating gawing simple ang depinisyon ng “lipunan”. Ito ay kung paano nabubuhay ang mga uring bumubuo nito.

Kung ang modernong lipunan ay ang relasyon ng manggagawa at kapitalista, ibig sabihin, ang pag-aaral nito’y dapat nakatuon sa pag-aaral sa usapin ng sahod at tubo.

Nabubuhay ang manggagawa sa pamamagitan ng sahod. Nabubuhay ang kapitalista sa pamamagitan ng tubo. Ito ang magkabilang pisngi ng kabuuang mukha ng kapitalistang lipunan.

Kaya’t matapos silipin kung ano ang nasa loob ng paksang “lipunan”, unti-unti nating binuksan ang paksa ng “sahod”.

Kung ang sistema ng lipunan – para sa manggagawa – ay kung paano siya nabubuhay, ibig sabihin, ang kapitalismo ay ang sistema ng sahurang-paggawa sapagkat ito ang kanyang paraan ng ikabubuhay.

Kaparis ng salitang “lipunan”, pamilyar ang manggagawa sa salitang “sahod”. Natural. Ito ang kanyang ikinabubuhay.

Ito ang kanyang kabuhayan, pero bakit hindi niya ito inuusisa? Inirereklamo niya ang kakapusan ng sahod pero hindi ang mismong sistema ng sahurang-paggawa.

Batid ng manggagawa na ito ang kanyang kabuhayan. Pero bakit hindi niya namamalayan na ang sistema ng kanyang pamumuhay ay ang sistema ng lipunang kanyang ginagalawan?

Kaya’t sinimulan nating hawiin ang kurtina ng mga ilusyon na tumatabing sa kanyang pananaw sa umiiral na lipunan. Hinalukay ang tunay na kahulugan ng “sahod”.

Dito nagsimulang “bumigat”ang diskusyon. Habang lumiliwanag ang isang katotohanan, lalong dumarami ang kailangang ipaliwanag.

Ang “sahod” bilang paksa ay parang bahay ng bubuyog. Nang magalaw at mauga, naglalabasan ang umuugong na mga katanungang naghahanap ng kasagutan.

Ganito ang nangyari. Nang talakayin ang usapin ng sahod, tatlong katotohanan ang agad na lumitaw:

Una. Tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ang turing sa manggagawa ay ordinaryong kalakal. Pinepresyuhan nang kaparis ng ibang kalakal sa lipunan. Ang kanyang “halaga” bilang kalakal ay kinakatawan ng kanyang “presyo”. Ang kanyang “presyo” ay kinakatawan ng kanyang “sahod”. Ang pagiging kalakal ng lakas-paggawa – ang paglitaw ng sahurang paggawa – ang ipinag-iiba ng kapitalismo sa lahat ng naunang mga sistema. Ito ang kondisyong nagpalitaw sa kapitalismo. Ang kapitalismo ay ang mismong sistema ng sahurang-paggawa.

Ikalawa. Tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ito mismo ay kapital. Hindi lang ito panggastos ng manggagawa para siya mabuhay. Ito mismo ay gastos ng kapitalista para umandar ang kanyang negosyo at lumago ang kanyang kwarta. Ibig sabihin, bahagi ng kanyang kabuuang kapital. Pinakaimportanteng bahagi. Ang kwartang ito, bilang sahod sa kamay ng manggagawa, ay simpleng nauubos habang ginagastos. Pero bilang kapital sa kamay ng kapitalista, ang parehas na perang ito, habang ginagastos ay lumalago.

Ikatlo. Tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ito ang pinanggagalingan ng kapitalistang tubo. Ang gastos ng kapitalista para sa pasahod ang porsyon ng kapital na siyang tunay na pinanggagalingan ng tubo. Kahit isang kusing ay walang kontribusyon sa produksyon sa tubo ang porsyon ng kapital na ginastos para sa makinarya’t materyales. Ang katotohanang ito ang prinsipal na paksa sa ating libro. Narito ang misteryo, milagro at mahika ng kapitalismo. Dito rin nag-uugat ang pundamental na kontradiksyon ng sistemang ito.

Ano ang implikasyon ng mga katotohanang ito? Kung sahod ay kapital – at mapapatunayang ang lahat ng tubo ay nanggagaling sa porsyong ito ng kapital – samakatwid, niluluto ang manggagawa sa sariling mantika dahil sa sistemang ng sahurang-paggawa, dahil ang lakas-paggawa ay binibili bilang ordinaryong kalakal. Ang pagiging kalakal ng lakas-paggawa – ang nag-iisang kalakal sa buong mundo na may kakayahang lumikha ng halaga na lampas sa kanyang sariling presyo – ang pekulyaridad ng kapitalismo bilang isang sistema. Ang kapasidad ng manggagawa na lumikha ng sobrang-halaga na lampas sa halaga ng kanyang sahod ang sikreto ng kapitalistang tubo.

May ikaapat na saligang katotohanan hinggil sa “sahod”. Ang nagpapasahod sa manggagawa ay ang mismong manggagawa.

Ang binibiling mga kalakal ay karaniwang binabayaran muna ng nakabili bago gamitin. Pero ang lakas-paggawa ay ginagamit muna ng nakabiling kapitalista bago niya bayaran. Kinokonsumo muna ng kapitalista sa produksyon ng mga kalakal. Mula sa mga kalakal na ito, nanggaling hindi lang ang kanyang tubo, kundi ang ipinasasahod sa manggagawa. Ang bumabalik sa manggagawa sa anyo ng sahod ay isang porsyon ng produkto na siya ang may gawa pero hindi siya ang may-ari.

Totoo, ang ibinabayad sa manggagawa ay pera, hindi produkto. Pero ang perang ito ay anyo lang ng transpormasyon ng produkto ng kanyang paggawa. Ang kanyang paggawa noong nakaraang linggo ng nakaraang taon ang ipinambabayad ng kapitalista sa kanyang sahod ngayong linggo o ngayong taon. Kung ang ibabayad sa manggagawa ay ang mismong produktong siya ang may gawa, madaling mahahalata ng manggagawa na siya ang magbabayad sa kanyang sarili. Tinatakpan ng sahod ang ganitong katotohanan dahil ang ibinabayad sa kanya ay salapi na galing sa bulsa ng kapitalista pero ang halaga ay galing sa lakas-paggawa.

Sa kasong ito, ang tumatabing naman sa realidad ng kapitalismo ay ang pormang-kalakal at pormang-salapi ng produkto ng paggawa. Ito ang paliwanag kung bakit hindi matitigan at hindi manlisik ang manggagawa sa lipunang kanyang ginagalawan. Ito’y dahil ang sistemang ito ay punung-puno ng mga ilusyon, nababalot ng mga balatkayo.

Halimbawa, tinatakpan ng sistemang-sahuran ang anumang bakas ng pagkakahati ng araw ng paggawa sa dalawang dibisyon:

Ang bayad na paggawa at ang libreng paggawa. Ang walong oras ng manggagawa ay nagmumukhang bawat minuto ay binayaran ng kapitalista. Pero kung totoong bawat minuto ay binayaran ng kapitalista, at ang kanyang binayaran ay ang mismong “halaga ng paggawa”, hindi iiral sa mundo ang kapital, at ang kanyang kwarta ay hindi matatransporma sa kapital.

Narito ang kaibhan ng “sahurang-paggawa” ng kapitalismo sa “pwersahang- paggawa” ng pyudal na sistema. sa ilalim ng pyudalismo, ang paggawa ng magsasaka para sa kanyang pamilya at ang kanyang paggawa para sa kanyang panginoon ay kitang-kita ang demarkasyon. Obligadong bayaran ng magsasaka ang asendero ng eksaktong halaga sa anyo ng paggawa, ani o pera kapalit ng kanyang karapatang magtanim sa lupain ng kanyang panginoong maylupa. sa ilalim naman ng sinaunang sistemang-alipin, lahat ng paggawa ay nasa anyo ng libreng paggawa nang walang anumang pretensyon dahil ang alipin ay pribado’t personal na pag-aari ng kanyang amo. Nasa diskresyon ng kanyang panginoon kung ano ang magiging bahagi ng kanyang alipin sa kanyang pinagpaguran.

Kaiba sa mga ito ang sahurang paggawa. Tumatagas sa pagkukunwari dahil mismo ang libreng paggawa ay nagmumukhang binayaran ng kapitalista. Ang transaksyon sa pagitan ng manggagawa at kapitalista ay lumilitaw na “palitan ng magkatumbas. Malayang ipinagbili ng manggagawa ang kanyang lakas-paggawa ng walong-oras at binayaran ito ng kapitalista batay sa umiiral na presyo ng paggawa. Ang lumilitaw pang karaniwang problema ay kung “namumurahan” ang manggagawa sa presyo ng kanyang lakas-paggawa. Pero hindi niya nakikita ang realidad na kahit bayaran siya ng husto, hindi iiral ang kapitalismo kung walang porsyon ang araw ng paggawa ang libreng nagagamit ng kapital para sa produksyon ng tubo. Ang mismong katotohanang ang kapitalismo ay ang sistema ng sahurang-pang-aalipin ay nagagawang pagtakpan dahil pinasasahuran naman daw ang manggagawa, binabayaran ang kanyang paggawa.

Isa lang ito sa sangkatutak na ilusyon na animo’y makapal na ulap na lumalambong sa ibabaw ng kapitalistang lipunan. Hindi matatagos ng manggagawa ang kaibuturan ng kapitalismo kung hindi niya matatagos ang panlabas na istsura ng kapitalismo na kinakatawan ng ordinaryong mga bagay sa kanyang paligid na gaya ng kwarta at kalakal, tubo at sahod, kapital at paggawa.

Lahat ng ito’y simpleng transpormasyon ng lakas-paggawa pero para ipaliwanag ang mga transpormasyong ito ay hindi simple. Ang kinakatawan ng salapi ay ang halaga ng mga kalakal, pero ang halagang ito ng mga kalakal ay walang ibang kinakatawan kundi ang nilalaman nilang paggawa. Ang tubo ay libreng paggawa at ang halaga ng sahod ay kumakatawan sa porsyon ng kapital na siyang totoong tumutubo. Ang kapital, bilang halaga, anuman ang anyo nito, ay walang ibang kinakatawan kundi ang “luma” at “bagong” paggawa ng lipunan. sa madaling salita, ang kapitalismo ay nabubuhay, umaandar at lumalago dahil sa uring manggagawa. Pero ang alipin sa sibilisadong sistemang ito ay ang uring manggagawa.

Madaling ihataw ang kondemnasyon sa kapitalistang sistema. At malamang, tatanggapin ito ng masa kahit walang gaanong eksplinasyon. Tuntungan lang natin ang kanilang ngitngit laban sa kanilang miserableng kalagayan at sa kahayukan sa tubo ng switik na kapitalista.

Pero ito ang gusto nating ituwid. Ang basta na lang isubo sa manggagawa ang ganitong mga katotohanan nang kumpyansadong paniniwalaan tayo ng masa. Kailan pa natin tuturuan ang masa na totoong maintindihan ang sistema ng lipunang nagsasamantala sa kanila? Ang pag-aalinlangan ay kung maiintindihan nga ba ng masa ang mga nilalaman ng librong ito?

Di ba dapat magsimula muna sa “magaan”? Hindi raw sanay ang masa na magbasa. Kung ito’y komiks walang problema. Pero ito’y libro, at hindi sanay ang masa sa mga babasahing puro letra.

Ano ang ibig sabihin ng “magaan”? Ang ibig sabhin nito’y “madali”. Madaling basahin. Madaling intindihin.

Kung ang tinutukoy ng “madaling basahin” at “madaling intindihin” ay ang istilo ng pagkakasulat, ang aklat na ito ay malaki pa ang iuunlad. Ito ang trabaho ng ikalawang edisyon – ang pasimplehin pa ang presentasyon sa pagyaman ng mga talakayan. Gumamit ng mas marami pang kongkretong halimbawa para mas magaan basahin at mas madaling maintindihan.

Pero anumang pagpapasimple ng lenggwahe’t presentasyon ay hindi “makapagpapagaan” sa isang bagay na obligadong pag-isipan at pag-aralan. Walang tunay na kaalaman at kasanayan na hindi pinaghihirapan. Kahit ang simpleng ABAKADA ay pinaghihirapan ng batang istudyante na hindi pa marunong bumasa. Kung ang pakikibaka para sa isang bagong lipunan ay hindi isang piknik, ang pag-aaral ng sistemang gusto nating palitan ay hindi pagbabasa ng komiks.

Kung hangad nating wakasan ang sistemang ito, hindi lamang dapat maintindihan kung paano inaalipin ng kapital ang paggawa. Mas mahalaga, kailangan tayong matuto. Kailangan tayong maging kritikal. Tumalas ang ating pakiramdam. Lumawak ang kaalaman. Hindi lang dapat ang makinang instrumento ng kapitalista sa pagsasamantala ang kabisado. Gamayin rin natin ang mga librong magtuturo sa atin ng katotohanan ng pagsasamantalang ito.

Ang librong ito ay subersibo. Subersibo sa interes ng kapitalismo. Ngunit hindi ito subersibo dahil nananawagan ng rebolusyon. Ito’y subersibo dahil nagsasalita ng totoo. Kung gusto nating lumaya, unahin nating palayain ang ating kaisipan sa mga kasinungalingan ng naghaharing lipunan. Ito ang unang larangan ng labanan. Dito ang unang tagumpay. Matutupad lamang ang mga pangarap kung ang manggagawa ay gigising.

I - Introduksyon sa Lipunan

Tsapter I
INTRODUKSYON SA LIPUNAN

“Asosasyong” Hindi Kilala ng mga Myembro

PAMILYAR sa pandinig natin ang salitang “lipunan”. Pero ano ba ang intindi natin dito?
Ang tao’y di nabubuhay nang solo sa isang isla. Tayo’y myembro ng isang “asosasyong” ang tawag ay “lipunan”. Pero di ba’t kapag sumasapi ka sa isang asosasyon, inaalam mo kung ano ito? Narito ang kakatwa sa pagiging “myembro” natin ng kakaibang asosasyong tinatawag na “lipunan”. Kailan natin inusisa ang kalikasan ng lipunang ating kinabibilangan at ginagalawan?
Tinanong man lang ba tayo, kahit minsan, kung gusto nating maging myembro ng “asosasyong” ito? Ang totoo’y ni hindi nga natin alam kung ano ang tawag sa lipunang ito. Basta’t ang alam natin ay myembro tayo nito. Pero hindi boluntaryo. Pwersahan ang pagiging myembro. Ikaw ay magugutom kapag hindi ka myembro ng asosasyong ito.

Ang Sistema ng Lipunan ay Hindi ang Bansa

Marami ang nag-aakalang ang “bansa” ang mismong “lipunan”. Ito ang turo ng gubyerno at iskwelahan. Kung ang “lipunan” ay siya mismong “bansa”, natural, hindi na pag-uusapan kung gusto nating maging myembro.
Pero ang “bansa” at “lipunan” ay di iisa’t parehas na bagay. Ang “bansa” ay binubuo ng nagkakaisang lahi. Ang “lipunan” ay binubuo ng magkakaibang uri.
Wala sa lahi ang pagkakaiba sa uri. Wala sa dugo ang tatak ng uri. Wala sa kalikasan ng bansa kundi nasa sistema ng lipunan. Walang kinalaman ang ating pagiging Pilipino sa pagiging manggagawa o kapitalista ng sinuman sa atin.
Mayaman o mahirap, tayo’y Pilipino. Isinilang sa isang bansa. May diwa ng isang lahi. Pero sa loob ng pagawaan o plantasyon, balewala ang pagiging magkababayan. Pati pagkamakatao. Ang nangingibabaw ay ang pagkakaiba sa uri, ang relasyong makauri.
Pinangangaralan tayong maging “mahusay na mga myembro” ng lipunan. Ito ang ginagawang istandard ng pagiging makabayan. Dahil ang akala nati’y ang “lipunan” ay ang “bansa”, kahit di kabisado, tinatanggap natin ang ganitong sistema.
Ang gubyerno – ang administrador ng lipunan – ay paboritong usalin ang nasyunalismo para isulong ang interes ng naghaharing sistema. Pinalalabo ang kaibhan ng “bansa” at “lipunan” para ang pagiging makabayan ay mauwi sa katapatan sa naghaharing sistema. Pinagsasakripisyo tayo sa interes ng lipunan dahil ito raw ang interes ng bayan.

Ang Lipunan ay Kung Paano Tayo Nabubuhay

Pero ano nga ba talaga ang ibig sabihin ng “lipunan” at ano ang tawag sa klase ng sistema ng lipunang umiiral sa Pilipinas o naghahari sa buong daigdig?
Ang lipunan ay kung paano nabubuhay ang tao. Ito ang sistema ng ating kabuhayan. Ibig sabihin, ang lipunan ay ang sistema ng ekonomya. Ang paraan ng produksyon ng isang bansa. Kung ang lipunan ay “asosasyon ng tao”, ito’y isang “asosasyon” para sa kabuhayan ng mga myembro nito.
Ang isang “asosasyon” ay nangangahulugan ng “relasyon” sa pagitan ng mga myembro. Halimbawa, ano ang relasyon sa isa’t isa ng mga myembro ng isang unyon? Ang saligang relasyon na tumatahi sa unyon bilang asosasyon ay ang kumon na interes bilang mga manggagawa o empleyado ng isang kompanya.
Ano naman ang saligang relasyon ng mga myembro ng isang sistema ng lipunan? Ito ay pumapatungkol sa kanilang relasyon sa produksyon, sa relasyon halimbawa, ng manggagawa at kapitalista, ng magbubukid at asendero.
Bago mag-isip ng pulitika, relihiyon, kultura, atbp., tinitiyak muna ng tao ang kanyang kakainin, ang kanyang ikabubuhay. Ang sistema ng lipunan ay ang sistema ng produksyon ng materyal na mga nesesidad sa buhay ng tao.
Sa simpleng salita, ang sistema ng lipunan ay kung paano nag-uugnayan ang mga tao sa kanilang paghahanap-buhay, kung paano “kumikita” ang mga tao sa lipunan.
Kung ang lipunan ay ang simpleng relasyon sa produksyon ng mga tao sa isang bansa, agad na titining ang katotohanang walang timbang sa takbo ng lipunan ang relasyon sa lahi. Ang mapagpasya ay ang relasyon sa uri.
Sa loob ng pabrika o plantasyon, kasing-labnaw ng tubig ang pagiging magkababayan – at kahit ang pagiging makatao – ng relasyon sa pagitan ng kapitalista sa manggagawa. Ang malapot at malupit na relasyon ay sila’y magkaiba ng uri, ang relasyon ng hamak na trabahador at among may-ari.
Kung ang relasyon sa produksyon ang kumakatawan sa sistema ng lipunan, ang umiiral na lipunan kung gayon, ay masasalamin sa relasyon ng manggagawa at kapitalista. sa relasyong ito umiinog ang sistema ng produksyon sa bansa.
Kung ano ang itsura’t esensya ng relasyong ito ay siya ring itsura’t esensya ng lipunan. Kung ang lipunan ay isang “asosasyon”, ang kongkretong ekspresyon nito sa modernong daigdig ay ang kapitalistang “korporasyon”.
Ang sistema ng lipunan ay ang mismong sistema sa pabrika.
Pero anong klaseng “asosasyon” ito na masyado yatang dehado ang mayorya ng myembro?
Isang “asosasyong” nakapailalim ang malawak na mayorya sa maliit na minorya.
Isang “asosasyong” sobra ang poder at pribilehiyo ng minorya habang segunda klaseng mga myembro ang trato sa mayorya.
Pero ang lakas ng loob at ang kapal ng mukha ng sistemang ito na tawagin at ipakilala ang sarili bilang “demokrasya”!

Pangalan Pa Lang, Bistado Na

Sa pangalan pa lang ng modernong lipunan ay bistado na kung anong klaseng sistema ito. Ang unibersal, opisyal at pormal na pangalan ng sistemang ito ay “kapitalismo”.
Pero madalang nating marinig ang tawagin ng gubyerno sa ganitong pangalan ang lipunan. Nahihiya siguro. Kargado kasi sa pangalang “kapitalismo” ang karakter ng lipunan.
Mas kinagigiliwang tawagin ang sistemang ito sa kanyang alyas, sa kanyang palayaw. Madalas nating marinig ang mga deklarasyong tayo ay nabubuhay sa isang “demokratikong” lipunan. Iniiwasang tawagin itong “kapitalistang” sistema.
Halata naman kung bakit. Mabango ang “demokrasya”. Ang prangkahang tawagin itong “kapitalismo” ay parang idinuduldol ang “paghahari ng kapital”, itinatatak sa noo ng lipunan. Masagwang pagsabihan ang mga manggagawa na maging “matapat na mga myembro ng kapitalismo” kung ang personipikasyon nito sa kani-kanilang mga pagawaan ay ang switik at swapang na among kapitalista.
Pero ang terminong “demokrasya” ay mas pumapatungkol sa sistema ng gubyerno. Hindi sa sistema ng produksyon o ekonomya ng bansa. Noong panahon ni Marcos, diktadura ang porma ng gubyerno. Pero ang sistema noon ng ekonomya ay walang saligang ipinag-iba sa panahon ni Aquino, Ramos, at ngayon, ni Estrada: Nakapundar sa paghahari ng kapital sa lipunan.
Ang ibig sabihin ng “demokrasya” ay ibinoboto ng taumbayan ang “administrador” ng kapitalistang lipunan. Pinagpipili sa “demokratikong” paraan kung sino ang magiging “manedyer” ng kapitalistang sistema. Kaiba ito sa panahon ni Marcos. Noon, ang diktadura ng gubyerno sa lipunan ay eksaktong kopya ng despotismo ng kapital sa loob ng pagawaan.
Pero pumihit man sa “demokratikong” porma ng gubyerno ang administrasyon ng kapitalistang sistema, ang tiranikong manedsment ng kapitalistang kompanya ay di nagbabago. Paano, kung gayon, iintindihin ang pagiging “demokratiko” ng kapitalismo kung walang demokrasya sa relasyon ng manggagawa at kapitalista sa loob ng pabrika.

Populasyong Swelduhan ng Kapitalistang Sistema ng Lipunan

Ang dominasyon ng kapital sa lipunan ay dama ng populasyong nabubuhay nang “swelduhan”. Alam ng isang manggagawa na siya’y nagtatrabaho para sa uring kapitalista kapalit ng sahod. Alam niya na yumayaman ang uring kapitalista dahil sa tubo habang siya’y naghihikahos dahil sa kakapusan ng sahod. Pero ang sinisisi niya ay ang pagiging swapang ng indibidwal na kapitalista hindi ang kabuuang sistema ng kapitalismo – ang sistema ng sahurang-paggawa.
Sa kabila ng araw-araw na karanasan sa pagawaan, hindi tumitining sa kanyang kamalayan ang realidad ng sistema ng lipunang kanyang ginagalawan. Hindi kusang mabuo sa kanyang isip na ang kanyang relasyon sa kapitalista ay ang mismong sistema ng lipunan. Hindi niya matagos ang tunay na kahulugan at matuhog ang koneksyon ng ordinaryong mga bagay sa kanyang paligid, gaya ng salapi, sahod, kapital, paggawa, kalakal at tubo para mabuo ang larawan ng kapitalistang kaayusan.
Araw-araw ay pumapasok sa pagawaan ang isang manggagawa. Pero hindi pumapasok sa kanyang isip na ang sistema sa pagawaan ang kumakatawan sa sistema ng lipunang kanyang kinapapalooban. Para bang mayroon siyang ibang nakalambong na konsepto ng lipunan. May hinahanap na ideyal na larawan ng lipunang hindi identikal sa kanyang miserableng buhay bilang sahurang-manggagawa. Talagang nakaduduling tingnan ang isang bagay na nakaduldol sa iyong mukha.
Ang malabong pananaw sa itsura’t esensya ng naghaharing sistema ay hindi lang dahil may mga galamay ang lipunan na araw-araw na humahabi ng kung anu-anong sapot sa ating isip. Ang pagiging masyadong ordinaryo ng mga bagay ang mismong nakakapasma ng pakiramdam. Kaparis ng nakakamanhid na kahirapang laganap sa lipunan. Gaya ng nakasanayang sistema ng sahuran-paggawa na siyang esensya ng kapitalismo bilang isang sistema ng lipunan.
Sa buong daigdig. inirereklamo ng mga manggagawa ang kababaan ng kanilang sweldo. Pero hindi nila kinukwestyon ang kanilang pagiging swelduhan, ang kapitalistang sistemang ito ng sahurang-paggawa. Kapag hindi naipaliliwanag ang ordinaryong karanasan, ang tendensya ay tanggapin ito bilang natural na kaayusan. Hindi na inuusisa, hindi pinagtatakhan. Ganito talaga ang buhay. Ganito talaga ang lipunan.

II - Ganito Ba Talaga ang Lipunan?

Tsapter II

GANITO BA TALAGA ANG LIPUNAN?

Tubo at Sahod

Tubo ang motibo ng kapitalista sa pagnenegosyo. Sahod ang rason ng manggagawa sa pagtatrabaho. Ang “kita” ng kapitalista ay tinatawag na “tubo”. Ang sa manggagawa ay “sahod”.

Kung ang lipunan ay kung paano “kumikita” ang mga myembro nito, ibig sabihin, nasa usaping ito ng “tubo” at “sahod” ang susi sa pag-unawa sa umiiral na sistemang umiinog sa relasyon ng kapital at paggawa.

Ito’y isang “simpleng” katotohanang kasing-ordinaryo ng pagsikat ng araw o paghinga ng tao. At malimit, ang ordinaryong mga bagay ang alkansya ng mga misteryo sa daigdig. Gaya ng pagiging sahuran o swelduhan ng mga manggagawa. Para bang walang dapat pagtakhan sa ganitong kalakaran. Walang dapat usisain o ireklamo.

Pero dito nakasuksok ang pinakasikreto ng kapitalismo. Ito mismo ang kapitalismo – ang sistema ng sahurang-paggawa.

Sistema ng Sahurang-Paggawa

Unibersal na reklamo ang laging kakapusan ng sweldo. Pero kinukwestyon man lang ba natin ang mismong pagiging swelduhan ng manggagawa, ang mismong sistema ng sahurang-paggawa? O ang kwestyong ito ang kwestyunable?

Ang karaniwang persepsyon ay walang misteryo sa pagiging sahuran ng manggagawa. Nakagisnan na natin ang ganitong kalakaran. Kasing-natural na ang tao ay kailangang kumain ang siya’y mabuhay sa paraan ng sahurang-paggawa.

Hindi pumapasok sa isip ng manggagawa na ito’y kwestyunin, kahit siya’y naghihimutok sa liit ng kanyang sweldo. Gaya ng hindi rin niya kinukwestyon ang karapatang tumubo ng kapitalista, kahit siya’y naghihimagsik sa pagkaswitik ng uring ito.

Kontento na ang marami na di bale nang swelduhan basta huwag namang masyadong agrabyado. Di baleng sa kapitalista ang tubo huwag lang siyang masyadong swapang. Di baleng may mga taong sobrang yaman huwag lang may mga taong sobrang hirap.

Para bang ganito talaga ang lipunan – may nagpapasahod at may pinasasahuran. At ang sistemang ito ay permanente at natural. Walang pinagsimulan, walang katapusan, walang kasaysayan. Isang eternal na katotohanan ng buhay. Maaring hindi perpekto, pero mayroon bang perpekto sa mundo?

Ordinaryo ang mag-aklas ang mga manggagawa. sa liit ng kanilang sweldo o dahil sa kasibaan ng kapitalista sa tubo. Pero madalang ang mismong kwestyunin nila ang sistemang sahuran at ang kontrol ng kapital sa kanilang kabuhayan.

Ni hindi nga inaalam at inuusisa ng manggagawa kung paano nga ba itinatakda ang “halaga” ng kanyang sweldo. Gayong ito ang kanyang ikinabubuhay. Ito ang dahilan kung bakit siya “namamasukan”. Dito umiinog ang kanyang mundo.

Pero ang kapitalista – kabisadong-kabisado ang kanyang “kaharian”. Obsesyon nila kung paano palaguin ang kapital. Umuupa ng mga eksperto. Kwentado hanggang sa huling sentimo ang tubo sapagkat ito ang kanilang mundo.

Nagagamay ng manggagawa ang pasikut-sikot ng kanyang trabaho. Pero hindi ang presyo ng trabahong ito – ang kanyang sweldo. Kahit ugong ng hawak niyang makina sa loob ng pabrika ay nagagawa niyang isaulo. Pero hindi ang “mekanismo” ng sweldong tinatanggap niya nang buwan-buwan o linggu-linggo.

Sahod Bilang Alyas ng Presyo ng Lakas-Paggawa

Halimbawa, ano ba ang ordinaryong pag-intindi ng manggagawa sa tinatanggap niyang sweldo?

Ang simpleng tingin dito ng manggagawa ay “bayad” ng kapitalista sa kanyang trabaho. Interesado siya kung magkano ang kanyang sinasahod, laluna’t ito’y laging kapos at siya’y sobrang agrabyado. Pero hindi niya inuusisa at inuurirat kung paano ba talaga “pinepresyuhan” ang kanyang trabaho sa loob ng pagawaan o sa kabuuan ng lipunan.

Alam ng manggagawa na ang kanyang sweldo ang presyo ng kanyang trabaho. Pero parang masakit sa tenga na tawagin itong presyo. Mas disenteng pakinggan at may dignidad na tawagin itong “sahod” o “sweldo”.

Kung tatagusin lang ng manggagawa ang terminong ito – at direktang tatratuhing “presyo” ng lakas-paggawa – malalaglag ang isang balatkayo na patung-patong na kumukubli sa katotohanan ng kanyang katayuan sa lipunan. Mababalatan ang kapitalistang sistema. Mas madaling maiintindihan ang kabuuan at kalikasan ng sistemang ito ng sahurang-paggawa, ng sahurang-pang-aalipin.

Magkano Ka?

Ang alyas ay parang maskara. Ganito rin ang silbi ng salitang “sweldo” o “sahod”. Di gaya ng presyo ng por kilong karne, nakatago sa salitang “sweldo” ang pagiging ordinaryong kalakal ng por orang trabaho. Iba ang dating sa tenga ng tanong na “Magkano ang presyo mo?” kumpara sa “Magkano ang sweldo mo?”

Nasa loob ka ng pabrika dahil ang alam mo, ikaw ay “namamasukan” bilang empleyado. Hindi pa dahil ikaw ay “binili” ng kapitalista sa loob ng walong oras. Pero kung “presyo” ang itatawag sa tinatanggap mong bayad imbes na “sweldo”, mas madali mong makikita ang ganitong masakit na realidad.

Gamay na gamay ng manggagawa ang ginagawa niyang produkto sa loob ng pagawaan. Pero hindi ang kalakal na araw-araw niyang binebenta sa kapitalista at kinokonsumo nito sa proseso ng produksyon.

Nang tanggapin mo ang bayad ng kapitalista, ang tawag dito ay “sweldo”. Pero nang ibayad mo ito sa drayber ng dyip, ang tawag dito ay “pamasahe”. Nang ibayad sa nagpapaupa ng bahay, ang tawag dito ay “renta”. sa binilhang tindera, ito ay simpleng “bayad”. Kung hiniram ng kapitalista sa banko ang pinasahod sa manggagawa, ang tawag dito’y “utang”. Pero mula sa kapitalista papunta sa manggagawa, ito ay nagiging “sweldo”. Ang parehas na kwartang ito – habang palipat-lipat ng kamay – ay nagkakaroon ng iba’t ibang pangalan. Kumporme sa kalikasan ng transaksyon.

Ibig lang sabihin, kailangang tagusin natin ang tunay na kahulugan ng mga bagay sa likod ng kanilang mga pangalan. Partikular sa ating paksa, sapulin ang tunay na kahulugan at kalikasan ng ibinabayad ng kapitalista sa manggagawa.

Kung ito ay “bayad”, ibig sabihin, ang salaping ito ay mayroong halagang tinutumbasan na ang katawagan sa lipunan ay “presyo”. Kung may “presyo”, ibig sabihin, may kalakal o produkto. May nagbebenta at may bumibili, may nagaganap na palitan. Kung ang “sweldo” ay “presyo”, presyo ito ng anong produkto o kalakal? Paano ang sistema ng bilihan, paano nagaganap ang transaksyon? Pinakamahalaga, paano “pinepresyuhan” ang “halaga” nito?

Hindi pa natin dito sasagutin ang mga katanungang ito. Mas ang intensyon muna natin ay buksan ang ating isip sa “simple” at “ordinaryong” mga bagay sa ating buhay. Matutong magtanong. Mag-usisa. Maging kritikal. Sapagkat dito nagtatago ang mga kasagutan kung bakit ganito ang lipunan.

Ang Kabilang “Mukha” ng “Sahod”

Ang simpleng tingin ng manggagawa sa sweldo ay ito ang kanyang kinikita sa kanyang pagtatrabaho. Ito ang iyong “kinokonsumo” para mabuhay araw-araw. Tama ito. Totoong ito ang iyong ginagastos sa araw-araw. Ngunit ito’y isang aspeto lang ng buong katotohanan. Isang pisngi ng kabuuang mukha ng sweldo. Ano ang kabilang mukha na parang hindi pinapansin?

Magsimula tayong muli sa pananaw sa sahod, na ito ang ginagastos ng manggagawa. Ang tanong: Saan nanggagaling ang panggastos niyang ito. Madali ang sagot – galing sa kapitalista. Ang sahod, kung gayon, ay gastos ng kapitalista. Ibig sabihin, ito ay puhunan o kapital. Ang halagang kinakatawan ng sahod ng manggagawa ay siya ring kapital ng kapitalista. Bahagi ng kanyang kabuuang kapital.

Ang realisasyon sa ganitong napakasimpleng katotohanan – na ang sahod ay ang mismong kapital – ay dapat tumagos sa kanyang kabit-kabit na implikasyon.

Sa isang banda, ang sahod ay perang panggastos ng manggagawa para sa kanyang “karapatang” mabuhay. sa kabilang banda, ang parehas na perang ito ay panggastos ng kapitalista para sa kanyang “pribilehiyong” magpayaman. Ang kwartang ito – bilang “sahod” sa paningin ng manggagawa – ang lubid na kanyang kinakapitan para makatawid sa kahirapan. Hindi niya namamalayan na ang kwartang ito – bilang “kapital” – ay siya ring lubid na hindi lang pinanggagapos kundi pinaggagarote sa kanya ng kapitalismo sa sistema ng sahurang-pang-aalipin.

Ito ang dapat nating tuklasin – kung paano ang iisang halagang ito, ang parehas na perang ito ay hindi lang magkaiba ang gamit: sa kamay ng manggagawa, habang ginagastos, ito’y nauubos. Pero sa kamay ng kapitalista, ito’y tumutubo habang ginagastos. Narito ang sikreto, misteryo at mahika ng kapital.

Sa punto de bista ng manggagawa, ang sweldo ay bayad. sa punto de bista ng kapitalista, ang sweldo ay gastos. Bahagi ng kanyang puhunan. Hindi lang simpleng bahagi ng kanyang puhunan, kundi pinakaimportanteng bahagi nito.

Bakit pinakaimportante? Dahil mula sa pondong ito – mula sa kapital na ito sa anyo ng sahod o mula sa sahod sa anyo ng kapital – magmumula ang kapitalistang tubo. Dalawang simpleng katotohanan ang agad natatakpan ng salitang “sweldo”:

Una, natatakpan ng terminong ito ang katotohanang ang “sweldo” ang “presyo” ng pagiging kalakal ng lakas-paggawa sa lipunan. Ikalawa, natatakpan ng terminong ito ang mas malalim pang katotohanang ang perang ito ang mismong tumutubong “kapital” ng mga may-ari ng ikabubuhay ng uring manggagawa.

May ikatlong katotohanan – ang pinakaimportante, ang pinakasikreto ng kapitalismo. Ito ay ang mekanismo ng tubo – kung paano lumalago ang puhunan sa anyo ng tubo sa pamamagitan ng “sweldong” ito – bilang “presyo ng paggawa” at bilang “porma ng kapital”.

Ang halaga ng sweldo bilang pondong nasa kamay ng kapitalista ay hindi lang sweldo kundi ito mismo ang kapital o puhunan ng kapitalista. Samantalang ang tubo ay hindi lang paglago ng kapital kundi ito ang trabaho ng manggagawa na hindi binayaran ng kapitalista. Kung ang sweldo ang kumakatawan sa binayarang porsyon ng trabaho ng manggagawa, ang tubo ang kumakatawan sa libreng porsyon ng trabaho ng manggagawa. Ito ang magkapares na pisngi ng iisang mukha na dapat makita at maintindihan ng bawat manggagawa. Ito ang esensya ng sahurang-paggawa sa kapitalistang lipunan.

Ulitin natin. Hindi ba’t sabi natin ay sweldo ang rason ng manggagawa sa pagtatrabaho habang tubo ang motibo ng kapitalista sa pagnenegosyo. Ang tanong ay bakit aalukin ng kapitalista ang manggagawa ng sweldo? Alam natin ang sagot. Kailangan ng kapitalista ang trabaho ng manggagawa.

Hindi inaalok ng kapitalista ng sweldo ang mga manggagawa para magkaroon tayo ng hanapbuhay. Ang dahilan ay hindi dahil kailangan ng mga manggagawa ng trabaho kundi kailangan ng kapitalista ang trabaho ng mga manggagawa.

Kabaliktaran na naman ito ng nakasanayang sabihin ng manggagawa na siya ang nangangailangan ng trabaho. Nangangailangan “siya” ng trabaho dahil kailangan niya ng “sweldo”. Ibig sabihin, “sweldo” ang kailangan niya, hindi ang mismong “trabaho”.

Hindi ang “trabaho” ang kanyang kailangan sapagkat ito nga mismo ang kanyang “ipinagbibili”, kapalit diumano ng sweldo. Ang kailangan niya ay ang bibili ng kanyang “trabaho” para siya ay kumita ng “sweldo”.

Sa pagkakaalam ng manggagawa, ang binayaran ng kapitalista ay ang kanyang trabaho. Kaya tayo inaalok ng sweldo dahil kailangan ng kapitalista ang ating trabaho. Ang tanong: Ito ba ang binayaran ng kapitalista? Ang binayaran ba ng kapitalista ay ang ating aktwal na trabaho?

Ang ating alam ay baliktad na naman sa realidad. Ang alam natin, ang trabaho ng manggagawa ang binabayaran ng kapitalista. Pero ang halaga ba ng ating trabaho o paggawa ang tinutumbasan ng halaga ng ating sweldo?

Kung ang “halaga” ng paggawa ang talagang babayaran ng kapitalista, magigiba ang buong pundasyon ng kapitalismo. Walang kapitalismong iiral sa mundo. Walang mamumuhunan dahil walang tutubo.

Ang tinatawag na kapitalistang tubo ay hindi nanggagaling sa pinuhunan ng kapitalista sa makinarya o materyales. Ito ay galing sa trabaho ng mga manggagawa na kanyang kinapitalan sa anyo ng sweldo. Kapag ang halaga ng trabahong ito ang kanyang binayaran nang buo, wala siyang tutubuin kahit isang kusing.

Ang kailangan ng manggagawa para mabuhay sa ilalim ng kapitalismo ay “bayad na paggawa”. Ang kailangan ng kapitalista para tumubo sa proseso ng produksyon ay “libreng paggawa”. Ang sikreto, misteryo at mahikang ito ng kapitalismo ang dapat matuklasan ng bawat manggagawang interesadong malaman ang buong katotohanan sa kanyang pagiging manggagawa.

III - Paano Nagiging Kapital ang Kwarta?

Tsapter III
PAANO NAGIGING KAPITAL ANG KWARTA?
Kwartang Habang Ginagastos ay Lumalago
Ang kapital ay kwarta. Pero hindi lahat ng kwarta ay kapital. Ang sahod ay kwarta. Pero sa kamay ng manggagawa, ito’y simpleng panggastos, hindi kapital.
Ang kwartang ito ay galing sa kapitalista. Ang parehas na kwartang ito, kapag ginastos ng kapitalista para ibili ng lakas-paggawa, ay nagiging kapital. Nagiging kapital dahil tumutubo. Habang kinukonsumo ay lumalago. Ang kapital ay kwartang habang ginagastos ay tumutubo.
Ito ang hiwaga ng kapitalistang sistema: Bakit ang kwartang ito, kapag manggagawa ang gumastos ay simpleng nauubos? Pero ang parehas na kwartang ito, kapag ang kapitalista ang gumastos, ito’y lumalago.
Pero kung tutuusin, ang kwartang ito nang maging kapital, ay hindi na kwarta. Nagpalit na ito ng itsura. Nagkaroon ng transpormasyon. Ang kwartang ito ay naging paggawa. Naging mga trabahador. Napalitan ng paggawa dahil ipinagpalit sa lakas-paggawa. sa ganitong paraan nagiging kapital ang kwarta.
Mula Kwarta Naging Paggawa, Mula Paggawa Naging Kapital
Ang kwarta – sa kanyang natural na porma bilang bungkos ng papel – kahit ipatong ng kapitalista ng walong oras sa ibabaw ng makina, ay hindi lalago. Pero ang manggagawa o ang kanyang paggawa, kapag “nabili” ng kapitalista at pinaandar ang makina, ay hindi lang pasisimulan ang produksyon ng produkto kundi ang mismong produksyon ng tubo.
Ang kwartang ibinayad sa kanya bilang sweldo ang totoong lumalago ang halaga bilang kapital. Ito ang nagpapalago sa buong kapital dahil ipinagpalit sa isang kalakal na gumagawa ng halaga – ang lakas-paggawa. sa madaling salita, hindi ang mismong kwarta ang gumagawa ng tubo kundi ang transpormasyon nito sa isang bagay – ang maging lakas-paggawa ang kwartang ito at ang paggawa ay maging kapital sa kamay ng kapitalista.
Paanong nagiging “kapital” ang “paggawa”? Di ba’t ang biniling makinarya at materyales ang aktwal na nagiging “kapital” at hindi ang kwarta ng kapitalista na may potensyal lang na maging kapital. Ganito rin ang lakas-paggawa. Ang lakas-paggawa na nabili at naging pag-aari ng kapitalista ang mismong magiging kapital sa produksyon hindi lang ng yaring produkto, kundi ng sobrang-halaga na tinatawag na tubo.
Sa anyo ng sweldo, sa pamamagitan ng sistema ng sahurang-paggawa, itinatransporma ng kwarta ang paggawa sa anyo ng kapital. Ginigisa sa sariling mantika para palamunin ng tubo ang uring kapitalista. Kung ang “paggawa” ang natransporma bilang “kapital”, ibig sabihin, ang “paggawa” ang tumutubo. Pero ang tubo ay sa kapitalista dahil sa kanya na ang paggawang ito, ito ang transpormasyon ng kanyang kwarta bilang kapital.
Ang transpormasyon ng salaping pangsweldo sa aktwal na paggawa ang mapagpasyang transpormasyon ng kwarta sa anyo ng kapital. Matransporma man ng kapitalista sa makinarya’t materyales ang kanyang kwarta, ang mga kagamitang ito sa produksyon ay hindi gagawa ng tubo.
Hindi makukumpleto ang transpormasyon ng kwarta sa kapital hangga’t wala ang isang sangkap na siyang aktwal na magtatransporma sa makinarya at materyales bilang kapital. Ito ay ang paggawa. Kailangang bumili ang kapitalista ng lakas-paggawa para paandarin ang mga makinarya at trabahuin ang mga materyales. Kailangang gawing kapital ang paggawa para magsilbing kapital ang kanyang makinarya at materyales, masimulan ang produksyon ng tubo.
Sa madaling salita, tubo ang kahulugan ng kapital. Tubo ang sukatan sa transpormasyon ng kwarta sa pagiging kapital. At ang paggawa ang mapagmilagrong kamay sa transpormasyong ito ng kapital mula sa pagiging ordinaryong kwarta. Tubo ang kaluluwa ng kapital – at ito rin ang “kaluluwa” ng uring kapitalista. Kung wala ang tubong ito, ang kwarta ng kapitalista ay simpleng kwarta hindi kapital, at siya’y hindi magiging kapitalista.
Ang ating saligang aralin ay tuklasin ang misteryo ng kaluluwang ito ng kapitalista at kapitalismo. Halukayin ang mismong kaluluwa ng kapitalistang tubo. Tuklasin ang buong katotohanan sa likod ng misteryo nito. Pero bago natin “operahan” ang dibdib ng kapital para tuklasin ang misteryo ng pagtubo nito, tapusin natin ang nasimulang diskusyon hinggil sa “kwarta”.

IV - Salapi Bilang Panginoon sa Lupa

Tsapter IV

SALAPI BILANG PANGINOON SA LUPA

Makapangyarihang Piraso ng Papel

Dito sa lupa, ang salapi ay isang kapangyarihang nakalukob sa bawat tao. Mistulang Diyos na sinasamba sa lipunan. Animo’y siyang nagpapagalaw sa mundo. Mahalaga ang maintindihan natin ang papel ng “kwarta” sa lipunan sa pag-aaral ng “halukay ng bituka” at “halang na kaluluwa” ng kapitalismo.

Sa persepsyon ng manggagawa, dahil makwarta ang kapitalista, siya’y nagiging panginoon sa lipunan. Pero bago pa nagkaroon ng kapitalista sa lipunan, matagal nang umiiral ang pera sa mundo. Ang usapin, samakatwid, ay paano ginamit ng kapitalista ang kwarta – paano tinatransporma sa kapital – para tanghalin siyang panginoon sa buong lipunan.

Sa ating lipunan, libre ang huminga ng hangin pwera na lang kung ikaw ay nasa ospital at naghihingalo. Libre rin ang magpainit sa sikat ng araw pwera na lang kung ikaw ay nasa pribadong resort. sa ating lipunan, lahat halos ay binibili at binibenta.

Sa ganitong lipunan, kung wala kang kwarta, kahit ang daming pagkain sa palengke, ikaw ay magugutom. Kung wala kang kwarta, wala kang pambili. Kung wala kang ipinagbibili, wala kang kwarta. Kaparis ng sistema ng sahurang-paggawa, ang tanong ay natural bang ganito ang lipunan: Ang diktahan ang buhay ng tao ng kapangyarihan ng kwarta?

Bungkos lang ng papel ang kwarta. Pwede ngang lukut-lukutin lang sa bulsa. Pero bakit ganito katindi ang kanyang kapangyarihan sa tao at lipunan? Bungkos lang ng papel, pero may kapangyarihang alipinin ang tao. Gawing mapang-alipin ang lipunan. Ano ba ang papel sa lipunan ng kwarta at mistulang ito ang hari sa mundo?

Kasaysayan ng Kwarta

Gaya ng sinambang mga anito ng primitibong panahon na gawa-gawa lang naman ng mga tribo, gawa-gawa rin ng tao ang kwarta na ngayon ay pinapanginoon ng modernong lipunan.

Noong unang panahon, limitadong-limitado pa ang produksyon ng lipunan. Wala pang gaanong produktong ipinagpapalit ang tao sa isa’t isa. Kaya’t walang namamagitang pera sa kanilang mga relasyon.

Nagpapalitan ng produkto ang mga tao sa sinaunang lipunan. Pero simpleng dinadala lang ito sa palengke at sila’y direktang nagpapalitan ng produkto (barter system). Nagkakasundo sila kung magkatumbas ng “halaga” ang isang kalakal sa isang kalakal. Halimbawa, ang isang palayok sa dalawang manok. Ang tatlong kaing na prutas sa isang pirasong palakol.

Nang umunlad ang produksyon ng lipunan, dumami ang samu’t saring produktong ipinagpapalit. Nagkaroon ng isang bagay na ginawang unibersal na pamalit (universal equivalent) o sukatan ng halaga (measure of value) ng iba’t ibang bagay. sa ganitong kalagayan lumitaw ang pangangailangan sa “salapi” para mapadali ang palitan ng mga kalakal sa lipunan.

Sa simula, mga hayup na gaya ng baka ang ginawang istandard sa palitan. Pero dahil impraktikal, pinalitan ito ng mga metal na gaya ng ginto at pilak. Dito nagsimulang umunlad ang konsepto ng “salapi” hanggang sa umunlad sa anyo ng perang papel, tseke sa banko, credit card, atbp.

Sa sistemang barter ng sinaunang lipunan, personal na nagkakaharap at nag-uugnayan ang direktang mga prodyuser. Ang taong gumawa ng palayok at ang taong nag-alaga ng manok. Ang namitas ng prutas at ang nagpanday ng palakol. Direktang nag-uugnayan ang mga tao bilang mga prodyuser ng kanya-kanyang produkto.

Pero nang maimbento ang salapi, nagsimulang pumagitna ang “bagay” na ito sa direktang relasyon ng mga tao sa lipunan. Nang mangibabaw ang sistema ng produksyong hindi para sa sariling konsumo kundi para sa merkado (commodity production) nalubos rin ang kapangyarihan ng salapi sa lipunan. Tinakpan ng salapi ang relasyon ng mga tao. Nagtago sa likod ng relasyon sa salapi ang mga relasyon ng tao sa lipunan.

Mula nang halos lahat na ng bagay sa lipunan ay binibili at ipinagbibili, naging lubos ang paghahari ng salapi sa relasyon ng tao. Hanggang sa ito ang maging panginoon sa relasyon ng mga tao sa modernong lipunan.

Kung kailan milyong klase ng produkto ang nagagawa na ng tao para tugunan ang kanyang samu’t saring pangangailangan, saka naman parang iisang bagay na lang sa mundo ang kanyang kailangan – kwarta. Ang kwarta ay hindi nakakain, naisusuot o natitirhan. Pero sa pamamagitan ng kwarta, magkakaroon ka ng pagkain, damit, bahay at anupamang kalakal na kailangan para mabuhay at guminhawa.

Kung sobra ang iyong kwarta, masusunod ang iyong luho sa katawan. Kung wala kang kwarta, kahit bumabaha ang mga produkto, mamumuhay ka na parang daga sa imburnal.

Kwarta Bilang Simbolo ng Halaga ng mga Kalakal

Pero kung dadalhin sa gubat ang pera, wala itong saysay. Pwedeng paringas ng apoy o pamunas ng dumi. May silbi lang ito sa isang kalagayang may ipinagbibiling mga kalakal. Ibig sabihin, konektado ang pag-iral nito sa pag-iral ng mga kalakal.

Inimbento ito para sa pasilitasyon ng palitan o sirkulasyon ng mga kalakal. Ito’y walang sariling “halaga” na independyente sa pag-iral ng mga kalakal. Kaya nga’t noong panahon ng Hapon, bumagsak ang halaga ng pera dahil halos walang mabiling kalakal. Tinawag na “Kengkoy money” ang isang supot na pera na pambili ng isang supot ng tinapay.

Ang salapi ay pambili o pambayad hindi lang ng isa o ilang partikular na kalakal kundi ng lahat ng klase ng kalakal. Ibig sabihin, ito ay nagsisilbing unibersal na katumbas ng anumang kalakal sa isang lipunan. Ito ang kinikilalang unibersal na ekspresyon ng halaga para sa mundo ng mga kalakal. sa madaling salita, ang salapi ang kumakatawan sa halaga ng mga kalakal na ginagawa at ipinagbibili sa buong lipunan.

Kung ang halaga ng mga kalakal ang tinutumbasan ng halaga ng salapi, ibig sabihin, ang makwarta sa lipunan ay yaong nagmamay-ari ng mga kalakal na ito – ang uring kapitalista. Ang mahirap ay ang uring manggagawa sapagkat wala silang pag-aaring kalakal kundi ang kanilang lakas-paggawa.

Monopolyo ng mga Gamit sa Produksyon ng Lipunan

Sino ba ang may gawa ng mga kalakal? Ang uring manggagawa. Kung ang kalakal ay yaman na kinakatawan ng salapi, bakit sila ang naghihikahos? Sapagkat hindi sila ang may-ari ng mga kalakal na sila ang may gawa.

Ito ang simpleng paliwanag sa usapin ng karangyaan at kahirapan sa lipunan. Ito ay simpleng usapin ng pagmamay-ari. Hindi ito usapin ng kung sino ang gumagawa ng mga produkto kundi sino ang may-ari ng mga produkto ng paggawa.

Gawa man ng uring manggagawa ang mga kalakal sa lipunan, hindi naman ito kanila. Sapagkat mismo ang kanilang lakas-paggawa ay hindi na nila pag-aari. Nabili na ito ng uring kapitalista sa ilalim ng sistema ng sahurang-paggawa.

Bakit obligado ang uring manggagawa na ipagbili sa uring kapitalista ang kanilang lakas-paggawa? Dahil kailangan nila ng kwarta para mabuhay sa ganitong lipunang lahat halos ay binibili at binebenta. Bakit hindi sila ang gumamit sa kanilang lakas-paggawa? Paano sila magtatrabaho para sa kanilang sarili kung wala silang sariling gamit sa produksyon. Nasaan ang kagamitan sa produksyon? Ito’y monopolyo ng uring kapitalista.

Dahil monopolyo ng uring kapitalista ang mga gamit sa produksyon, sila ang may-ari ng mga kalakal na ipinagbibili sa lipunan. sa kanilang bulsa naiipon ang bulto ng salaping umiikot sa lipunan. Babalik sa uring kapitalista ang kanilang pinasahod sa uring manggagawa dahil ibibili ito ng mga kalakal na ang bulto ay sila ang may-ari. sa pag-ikot na ito ng salapi, ibayong yayaman ang uring kapitalista. Lumalago ang salaping ito bilang kapital at muling babalik sa produksyon para lalong patubuin.

Hindi lang yumayaman ang uring kapitalista sa proseso ng akumulasyon ng kapital. Nalulubos rin ang monopolyo nito sa kagamitan sa produksyon ng lipunan. Walang ibang kahulugan ang monopolyong ito kundi ang sistema ng sahurang-paggawa.

Walang alternatiba ang seksyon ng populasyong walang pag-aaring kagamitan sa produksyon kundi ang “manilbihan” sa uring kapitalista sa ilalim ng sistema ng sahurang-paggawa.

Habang lumalawak ang pagsakop ng kapital sa buong ekonomya – sa industriya, agrikultura at komersyo – at nababangkrap ang nagsasariling ekonomya ng maliliit na prodyuser, lalong nababaon ang populasyon sa sistema ng sahurang-paggawa.

Narito ang kabalintunaan ng kapitalistang sistema. Ginagawa ng uring manggagawa ang mga kalakal na nagpapayaman sa kapitalista at nagpapalago sa kapital para lalong igapos ang sarili at ang populasyon sa sistema ng sahurang-paggawa. sa pamamagitan ng sahurang-paggawang ito, tumutubo ang kapital at sa paglago ng kwarta ng uring kapitalista, lalong napapailalim ang buong lipunan sa kanilang kapangyarihan.

Ang masakit at masaklap, ang uring manggagawa pa ang may “utang na loob” sa uring kapitalista. Kung hindi raw sa uring kapitalista, wala siyang hanapbuhay. Kaya’t huwag raw kakagatin ng manggagawa ang kamay ng kapitalistang nagpapakain sa kanya at sa kanyang pamilya.

Pero sino ba talaga ang nagpapakain sa lipunan, ang bumubuhay sa bansa? Sino ba talaga ang aktwal na lumilikha ng mga kalakal, ng yaman ng lipunan? Ang gumagawa nito ay ang uring manggagawa at masang anakpawis, at ang ginagawa ng uring kapitalista ay angkinin lang ito. Gawing pribadong pag-aari. Ito ang “dibisyon ng paggawa” sa ganitong sistema ng lipunan: may gumagawa at may umaangkin.

Ngunit suriin nga natin, ano ba itong “inaangkin” ng uring kapitalista? Inaangkin niya bilang kanyang pag-aari ang produkto ng paggawa. Siya raw ang may karapatan rito sapagkat kanya ang ginamit na kapital para magawa ang mga produktong ito. Kanya ang makinarya, materyales, pati ang lakas-paggawa. Samakatwid, siya ang may-ari ng yaring-produkto. Kahit hindi siya nagtrabaho – kahit hindi siya nagpatulo ng kahit isang patak ng pawis para magawa ang produktong ito – siya ang may “karapatang” ariin ito sapagkat sa kanya ang kapital.

Pero bakit niya inaangkin ang yaring-produkto? Kung ang kanyang kalakal ay sigarilyo, hihititin ba niya ang milyun-milyong kaha ng sigarilyong produkto ng kanyang planta?

Si Lucio Tan ang may-ari ng pinakamalaking planta ng sigarilyo sa Pilipinas. Pero siya mismo ay hindi naninigarilyo. Kahit alam niya na masama ang paninigarilyo, ito ang kanyang piniling produkto dahil magandang negosyo, maganda ang tubo. Kaya’t huwag niyang sasabihin na serbisyo sa publiko ang kanyang pagnenegosyo. Siya’y nagnenegosyo para tumubo. Basta malaki ang tubo, kahit anong klaseng produkto ay kanyang kakapitalan. Kaya nga’t pinasok rin niya ang alak dahil magandang negosyo ang bisyo.

Hindi natin paksa rito ang moralidad ng kapital. Hindi pa rin natin paksa sa tsapter na ito kung paano tumutubo ang kapital. Ang mas gusto nating maintindihin ay kung ano ang nasa katangian ng kalakal na pinagkakwartahan ng may-ari nito.

Lipunang Bukal ng mga Ilusyon

Pero dapat pa bang saliksikin ang “bituka” ng kalakal para maintindihan kung bakit ito’y nagiging kwarta gaya ng ang kwarta ay nagiging kapital? Hindi ba simpleng sentido kumon lang na ito’y nagiging pera dahil ipinagbibili at may bumibili?

Kung gusto nating busbusin ang mekanismo ng kapitalismo, intindihin nating mabuti ang bawat “pyesa” nito. Huwag masyadong umasa sa sentido kumon sa pagtingin sa ordinaryong mga bagay dahil dito karaniwang tumutubo ang makapal na lumot ng mga kapitalistang ilusyon. Kailangang busisiin natin ang ordinaryong “kalakal” dahil ito ang “sisidlan” ng yaman ng kapitalistang lipunan na sinisimbolo ng “salapi” na siyang “sukatan” naman ng yaman sa daigdig.

Hindi matatagos ng simpleng sentido kumon ang ilusyong bumabalot sa kalakal. Ano ang ilusyong ito? Ito’y walang iba kundi ang kanyang “halaga”, ang “halaga” ng sinasabing “kalakal”. Ang “halagang” ito ang inaangkin ng kapitalista, ang tinutumbasan ng “salapi”, ang binabayaran sa pamilihan.

Kung ilusyon pati ang “halaga” ng mga kalakal, ibig sabihin, ang kapitalistang lipunan ay bukal ng mga ilusyon. Dahil ang salapi. na pinapanginoon sa lipunan, ay simbolo rin lang ng “halagang” ito ng mga kalakal. Ipinakita na natin ang ilusyon ng “demokrasya, ang ilusyon ng “sahod”, ang ilusyon ng “kapital”, ang ilusyon ng “salapi”. Isunod natin ang ilusyon ng “kalakal”. Isa-isa nating tagusin ang mga ilusyong bumabalot sa ordinaryong mga bagay sa kapitalismo. Hanggang sa matumbok natin ang “kaluluwa” ng kapitalistang sistema ng sahurang-pang-aalipin.