Linggo, Hunyo 15, 2008

I - Introduksyon sa Lipunan

Tsapter I
INTRODUKSYON SA LIPUNAN

“Asosasyong” Hindi Kilala ng mga Myembro

PAMILYAR sa pandinig natin ang salitang “lipunan”. Pero ano ba ang intindi natin dito?
Ang tao’y di nabubuhay nang solo sa isang isla. Tayo’y myembro ng isang “asosasyong” ang tawag ay “lipunan”. Pero di ba’t kapag sumasapi ka sa isang asosasyon, inaalam mo kung ano ito? Narito ang kakatwa sa pagiging “myembro” natin ng kakaibang asosasyong tinatawag na “lipunan”. Kailan natin inusisa ang kalikasan ng lipunang ating kinabibilangan at ginagalawan?
Tinanong man lang ba tayo, kahit minsan, kung gusto nating maging myembro ng “asosasyong” ito? Ang totoo’y ni hindi nga natin alam kung ano ang tawag sa lipunang ito. Basta’t ang alam natin ay myembro tayo nito. Pero hindi boluntaryo. Pwersahan ang pagiging myembro. Ikaw ay magugutom kapag hindi ka myembro ng asosasyong ito.

Ang Sistema ng Lipunan ay Hindi ang Bansa

Marami ang nag-aakalang ang “bansa” ang mismong “lipunan”. Ito ang turo ng gubyerno at iskwelahan. Kung ang “lipunan” ay siya mismong “bansa”, natural, hindi na pag-uusapan kung gusto nating maging myembro.
Pero ang “bansa” at “lipunan” ay di iisa’t parehas na bagay. Ang “bansa” ay binubuo ng nagkakaisang lahi. Ang “lipunan” ay binubuo ng magkakaibang uri.
Wala sa lahi ang pagkakaiba sa uri. Wala sa dugo ang tatak ng uri. Wala sa kalikasan ng bansa kundi nasa sistema ng lipunan. Walang kinalaman ang ating pagiging Pilipino sa pagiging manggagawa o kapitalista ng sinuman sa atin.
Mayaman o mahirap, tayo’y Pilipino. Isinilang sa isang bansa. May diwa ng isang lahi. Pero sa loob ng pagawaan o plantasyon, balewala ang pagiging magkababayan. Pati pagkamakatao. Ang nangingibabaw ay ang pagkakaiba sa uri, ang relasyong makauri.
Pinangangaralan tayong maging “mahusay na mga myembro” ng lipunan. Ito ang ginagawang istandard ng pagiging makabayan. Dahil ang akala nati’y ang “lipunan” ay ang “bansa”, kahit di kabisado, tinatanggap natin ang ganitong sistema.
Ang gubyerno – ang administrador ng lipunan – ay paboritong usalin ang nasyunalismo para isulong ang interes ng naghaharing sistema. Pinalalabo ang kaibhan ng “bansa” at “lipunan” para ang pagiging makabayan ay mauwi sa katapatan sa naghaharing sistema. Pinagsasakripisyo tayo sa interes ng lipunan dahil ito raw ang interes ng bayan.

Ang Lipunan ay Kung Paano Tayo Nabubuhay

Pero ano nga ba talaga ang ibig sabihin ng “lipunan” at ano ang tawag sa klase ng sistema ng lipunang umiiral sa Pilipinas o naghahari sa buong daigdig?
Ang lipunan ay kung paano nabubuhay ang tao. Ito ang sistema ng ating kabuhayan. Ibig sabihin, ang lipunan ay ang sistema ng ekonomya. Ang paraan ng produksyon ng isang bansa. Kung ang lipunan ay “asosasyon ng tao”, ito’y isang “asosasyon” para sa kabuhayan ng mga myembro nito.
Ang isang “asosasyon” ay nangangahulugan ng “relasyon” sa pagitan ng mga myembro. Halimbawa, ano ang relasyon sa isa’t isa ng mga myembro ng isang unyon? Ang saligang relasyon na tumatahi sa unyon bilang asosasyon ay ang kumon na interes bilang mga manggagawa o empleyado ng isang kompanya.
Ano naman ang saligang relasyon ng mga myembro ng isang sistema ng lipunan? Ito ay pumapatungkol sa kanilang relasyon sa produksyon, sa relasyon halimbawa, ng manggagawa at kapitalista, ng magbubukid at asendero.
Bago mag-isip ng pulitika, relihiyon, kultura, atbp., tinitiyak muna ng tao ang kanyang kakainin, ang kanyang ikabubuhay. Ang sistema ng lipunan ay ang sistema ng produksyon ng materyal na mga nesesidad sa buhay ng tao.
Sa simpleng salita, ang sistema ng lipunan ay kung paano nag-uugnayan ang mga tao sa kanilang paghahanap-buhay, kung paano “kumikita” ang mga tao sa lipunan.
Kung ang lipunan ay ang simpleng relasyon sa produksyon ng mga tao sa isang bansa, agad na titining ang katotohanang walang timbang sa takbo ng lipunan ang relasyon sa lahi. Ang mapagpasya ay ang relasyon sa uri.
Sa loob ng pabrika o plantasyon, kasing-labnaw ng tubig ang pagiging magkababayan – at kahit ang pagiging makatao – ng relasyon sa pagitan ng kapitalista sa manggagawa. Ang malapot at malupit na relasyon ay sila’y magkaiba ng uri, ang relasyon ng hamak na trabahador at among may-ari.
Kung ang relasyon sa produksyon ang kumakatawan sa sistema ng lipunan, ang umiiral na lipunan kung gayon, ay masasalamin sa relasyon ng manggagawa at kapitalista. sa relasyong ito umiinog ang sistema ng produksyon sa bansa.
Kung ano ang itsura’t esensya ng relasyong ito ay siya ring itsura’t esensya ng lipunan. Kung ang lipunan ay isang “asosasyon”, ang kongkretong ekspresyon nito sa modernong daigdig ay ang kapitalistang “korporasyon”.
Ang sistema ng lipunan ay ang mismong sistema sa pabrika.
Pero anong klaseng “asosasyon” ito na masyado yatang dehado ang mayorya ng myembro?
Isang “asosasyong” nakapailalim ang malawak na mayorya sa maliit na minorya.
Isang “asosasyong” sobra ang poder at pribilehiyo ng minorya habang segunda klaseng mga myembro ang trato sa mayorya.
Pero ang lakas ng loob at ang kapal ng mukha ng sistemang ito na tawagin at ipakilala ang sarili bilang “demokrasya”!

Pangalan Pa Lang, Bistado Na

Sa pangalan pa lang ng modernong lipunan ay bistado na kung anong klaseng sistema ito. Ang unibersal, opisyal at pormal na pangalan ng sistemang ito ay “kapitalismo”.
Pero madalang nating marinig ang tawagin ng gubyerno sa ganitong pangalan ang lipunan. Nahihiya siguro. Kargado kasi sa pangalang “kapitalismo” ang karakter ng lipunan.
Mas kinagigiliwang tawagin ang sistemang ito sa kanyang alyas, sa kanyang palayaw. Madalas nating marinig ang mga deklarasyong tayo ay nabubuhay sa isang “demokratikong” lipunan. Iniiwasang tawagin itong “kapitalistang” sistema.
Halata naman kung bakit. Mabango ang “demokrasya”. Ang prangkahang tawagin itong “kapitalismo” ay parang idinuduldol ang “paghahari ng kapital”, itinatatak sa noo ng lipunan. Masagwang pagsabihan ang mga manggagawa na maging “matapat na mga myembro ng kapitalismo” kung ang personipikasyon nito sa kani-kanilang mga pagawaan ay ang switik at swapang na among kapitalista.
Pero ang terminong “demokrasya” ay mas pumapatungkol sa sistema ng gubyerno. Hindi sa sistema ng produksyon o ekonomya ng bansa. Noong panahon ni Marcos, diktadura ang porma ng gubyerno. Pero ang sistema noon ng ekonomya ay walang saligang ipinag-iba sa panahon ni Aquino, Ramos, at ngayon, ni Estrada: Nakapundar sa paghahari ng kapital sa lipunan.
Ang ibig sabihin ng “demokrasya” ay ibinoboto ng taumbayan ang “administrador” ng kapitalistang lipunan. Pinagpipili sa “demokratikong” paraan kung sino ang magiging “manedyer” ng kapitalistang sistema. Kaiba ito sa panahon ni Marcos. Noon, ang diktadura ng gubyerno sa lipunan ay eksaktong kopya ng despotismo ng kapital sa loob ng pagawaan.
Pero pumihit man sa “demokratikong” porma ng gubyerno ang administrasyon ng kapitalistang sistema, ang tiranikong manedsment ng kapitalistang kompanya ay di nagbabago. Paano, kung gayon, iintindihin ang pagiging “demokratiko” ng kapitalismo kung walang demokrasya sa relasyon ng manggagawa at kapitalista sa loob ng pabrika.

Populasyong Swelduhan ng Kapitalistang Sistema ng Lipunan

Ang dominasyon ng kapital sa lipunan ay dama ng populasyong nabubuhay nang “swelduhan”. Alam ng isang manggagawa na siya’y nagtatrabaho para sa uring kapitalista kapalit ng sahod. Alam niya na yumayaman ang uring kapitalista dahil sa tubo habang siya’y naghihikahos dahil sa kakapusan ng sahod. Pero ang sinisisi niya ay ang pagiging swapang ng indibidwal na kapitalista hindi ang kabuuang sistema ng kapitalismo – ang sistema ng sahurang-paggawa.
Sa kabila ng araw-araw na karanasan sa pagawaan, hindi tumitining sa kanyang kamalayan ang realidad ng sistema ng lipunang kanyang ginagalawan. Hindi kusang mabuo sa kanyang isip na ang kanyang relasyon sa kapitalista ay ang mismong sistema ng lipunan. Hindi niya matagos ang tunay na kahulugan at matuhog ang koneksyon ng ordinaryong mga bagay sa kanyang paligid, gaya ng salapi, sahod, kapital, paggawa, kalakal at tubo para mabuo ang larawan ng kapitalistang kaayusan.
Araw-araw ay pumapasok sa pagawaan ang isang manggagawa. Pero hindi pumapasok sa kanyang isip na ang sistema sa pagawaan ang kumakatawan sa sistema ng lipunang kanyang kinapapalooban. Para bang mayroon siyang ibang nakalambong na konsepto ng lipunan. May hinahanap na ideyal na larawan ng lipunang hindi identikal sa kanyang miserableng buhay bilang sahurang-manggagawa. Talagang nakaduduling tingnan ang isang bagay na nakaduldol sa iyong mukha.
Ang malabong pananaw sa itsura’t esensya ng naghaharing sistema ay hindi lang dahil may mga galamay ang lipunan na araw-araw na humahabi ng kung anu-anong sapot sa ating isip. Ang pagiging masyadong ordinaryo ng mga bagay ang mismong nakakapasma ng pakiramdam. Kaparis ng nakakamanhid na kahirapang laganap sa lipunan. Gaya ng nakasanayang sistema ng sahuran-paggawa na siyang esensya ng kapitalismo bilang isang sistema ng lipunan.
Sa buong daigdig. inirereklamo ng mga manggagawa ang kababaan ng kanilang sweldo. Pero hindi nila kinukwestyon ang kanilang pagiging swelduhan, ang kapitalistang sistemang ito ng sahurang-paggawa. Kapag hindi naipaliliwanag ang ordinaryong karanasan, ang tendensya ay tanggapin ito bilang natural na kaayusan. Hindi na inuusisa, hindi pinagtatakhan. Ganito talaga ang buhay. Ganito talaga ang lipunan.

Walang komento: